Sulit ba ang order na steak na PHP7,000 ang halaga sa isang restaurant?
Ito ang inalam ni Kara David sa episode ng Pinas Sarap noong May 21, 2022.
Sinubukan ng Kapuso broadcast journalist ang ribeye steak (900g) na nagkakahalaga ng PHP7,288 at porterhouse (450g) na ang presyo ay PHP3,888.
Nagtungo si Kara sa Wolfgang’s Steakhouse branch sa Pasay City para masubukan ang premium beef dishes.
Ang naturang restaurant ay unang itinayo ng former headwaiter na Wolfgang Zwiener sa Manhattan, USA noong 2004.
Itinuturing ang Wolfgang’s bilang isa sa Top 10 steakhouses sa New York City.
Halos dalawang dekada mula nang itayo ang steakhouse resto, mayroon na itong 21 branches sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.
PREMIUM MEAT
Pero bakit ganoon na lamang kamahal ang steak sa naturang restaurant?
Ang steak na isini-serve sa resto ay tinatawag na dry-aged black angus steak na nagmula pa sa U.S.
Para maging dry-aged ang karne, iniimbak ito sa isang dry-store room ng ilang linggo o kaya ay buwan.
Sa pamamagitan nito, mas napapalambot umano at lalong sumasarap ang lasa ng meat.
Paliwanag ni Chris Orence, executive chef ng Wolfgang’s Steakhouse PH, kaya tender ang karne, “Prime meat, top of the line.”
At ang kinukuha ay ang pinakamagandang bahagi ng karne: ang ribeye at porterhouse.
Tanging asin lamang ang seasoning ng executive chef sa karne.
Paliwanag ni Chris, “Siyempre we don’t want to hide the flavor of the meat. It’s a black angus prime, top of the line. Then we age it. Why spoil it, di ba?”
Matapos lagyan ng asin, inilagay ang meat sa steakhouse broiler na gumagamit ng infrared, kung saan umaabot sa 1,600-degree Celsius ang init.
Lulutuin ang ribeye ng tig-isang minuto bawat side para maging medium rare, habang ilalabas na sa broiler ang porterhouse matapos lamang ang isang minuto.
Kasunod nito, ang karne ay hihiwa-hiwain sa bite size at ilalagay sa platong heated sa broiler na nilagyan ng clarified butter.
(Top photo) Ang ribeye steak na nagkakahalaga ng PHP7,288. (Bottom photo) Ang porterhouse steak na nagkakahalaga ng PHP3,888.
Ano naman ang lasa ng porterhouse at ribeye?
Unang tinikman ni Kara ang porterhouse.
“Ang sarap naman nito. Lasang-lasa mo yung karne. May lutong siya sa labas, 'tapos pagkagat mo sa loob, super-duper lambot.
“’Tapos yung seasoning niya talagang yung alat lang at butter yung malalasahan. 'Tapos talagang purong-purong karne.”
Pahabol ni Kara, “Ang sarap! Panalong-panalo naman ito.”
Ang verdict niya sa ribeye: “I love it. It just really melts in your mouth.
“Ang sarap naman nito. Hindi kailangan ng anumang sauce. Lasang-lasa mo talaga yung karne.”