Isa sa mga dinarayong kainan, maging ng mga lokal na residente ng Tabaco City, Albay, ang Pares Republic: Tino’s Original.
Matatagpuan ito sa Divino Rostro, ang marketplace ng Tabaco City.
Bukas sa mga parokyano ang Pares Republic: Tino’s Original mula umaga hanggang alas dose ng hatinggabi.
Maliit lang ang puwesto ng nasabing pares house.
Read also: Largest “wearable cake wedding dress” pasok sa Guinness World Records
Ang cook dito ay si Danilo Otaza, 50, mas kilala bilang Tatay Danilo.
Siya rin ang kinikilalang “hari ng pares” sa kanilang lugar.
Ang pares, o beef pares, ang terminong ginagamit sa sikat na pagkaing Pilipino na kumbinasyon ng braised beef stew, garlic fried rice, at mainit na sabaw.
Mura lang ang beef pares ni Danilo, na PHP50 ang isang order.
Sa panayam kay Tatay Danilo ng Bicol.PH last March 9, 2023, nabanggit niya na dati siyang salesman at deputy division manager ng Grolier International.
Nagbebenta siya ng encyclopedia.
Read also: Vicky Mojica napalago ang Angel's Burger, salamat sa slot machine jackpot!
Nagtrabaho siya sa nasabing kumpanya sa loob ng mahigit walong taon.
Nagbitiw na siya sa trabaho, at noong December 23, 2022, ay siya na ang namahala sa Tino’s Original.
Ang sikat na pares house ay dating negosyo naman ng yumaong ama ng kanyang misis.
Kuwento ni Danilo tungkol sa dati niyang trabaho, “Napakahirap magbenta ng encyclopedia lalo na’t naging mabilis ang transition sa digital.”
Mahal kasi ang encyclopedia, bagaman at pangarap noong dekada '80 ng maraming Pinoy, lalo na ng mga estudyante at professionals, na magkaroon nito para sa kanilang research works.
Sa panahong iyon, ang presyo ng Grolier encyclopedia na may 20 volumes ay nasa mahigit PHP50,000.
Kadalasang available lang ito sa mga library.
Sa ngayon, nasa PHP12,000 na lang ang presyo nito—at for collector’s item na lang.
Pagpapatuloy ni Tatay Danilo, “Hindi talaga ako cook. Noong namatay ang father ng wife ko, that’s the time I assumed the business.
“Kung ano yung natutunan ko, yung theory ng food, inia-apply ko iyon sa luto ko.”
Ang lahat ng pagkaing kanyang ihinahain ngayon sa Tino’s Original ay mga lutong kanya ring inaral sa loob ng ilang taon.
Kuwento pa niya, “Mahilig akong kumain sa iba’t ibang lugar noon.
“So when I go to specific place, inaalam ko yung main dish nila. Tinatandaan ko yung lasa, at kung minsan, nagpapaturo ako doon mismo sa nagluluto.”
At para ma-perfect niya ang timpla, “Trial and error, hanggang sa makuha ko yung lasang gusto ko.”
Nabanggit din ni Tatay Danilo na noong una ay duda ang kanyang mga magulang na mapapatakbo niya nang maayos ang Tino’s Original.
“Sabi ng parents ko, ‘Hindi ka naman cook.’ Tama naman sila.
"But I want to bring and share the experience with other people.”
Read also: Wendell Ramos's wife starts selling frozen products with PHP2K capital; now caters to OFWs
Pero dahil sa kanyang determinasyon at hilig sa pagkain, lumago ang negosyo.
Bukod naman sa beef pares, patok din ang tinda niyang gotong Batangas, na ang isang order ay PHP60.
Kabilang din sa kanyang bestsellers ang silog meals, Korean style chicken joy, fried chicken inasal, La Paz batchoy, mami, lomi Batangas, at ang kanyang sariling bersiyon ng mamen o pinagsamang mami at ramen.
Pinatunayan naman ng Bicol journalist na si Ken Oliver Balde na talagang masarap ang luto ni Tatay Danilo.
Aniya sa kanyang Facebook post last March 9, “Wala sa plano ang pagbisita namin sa pares house ni Tatay Danilo, but their food is definitely one thing not to miss.”
Paalala niya sa mga magagawi sa Tabaco City, “Don't forget to pay a visit at Pares Republic: Tino's Original and try their food.”