Akma ngayong Holy Week ang mga gawang tinapay na may mga larawan ng The Last Supper at The Passion of the Christ.
Gawa ito ng isang Cebu-based baker na ilang beses nang nag-viral dahil sa masterpieces nito.
Intricate at detalyado ang bawat larawan na ipini-feature ni Marlo Pimentel Lidot ng Artisan Bread Basket Online Store, kaya’t hindi nakapagtataka na umaani ito ng papuri mula sa mga netizens.
Kuwento niya sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Martes, April 4, 2023, mahilig talaga siya sa tinapay noon pa.
At ito ang una niyang naisip pagtuunan ng pansin noong magdesisyong magtayo ng sariling negosyo online.
Aniya, “Artisan Bread Basket Online Store was born during the pandemic.”
Ito ang naging kabuhayan niya noong mabigo na matuloy magtrabaho sa Maldives dahil sa ipinatupad na lockdowns bunsod ng COVID-19.
Laking pasasalamat niya na tinangkilik at kinagiliwan ang kanyang mga obra.
“At na-featured po ito sa isang international food magazine sa UK,” sabi ni Marlo na ang tinutukoy ay ang Cakes & Sugarcraft Magazine ng UK.
Read:
- Josh Mojica, millionaire at 18; kangkong chips business, may factory na!
- Vicky Mojica napalago ang Angel's Burger, salamat sa slot machine jackpot!
Ilan sa mga bread na dinisenyo ni Marlo Pimentel Lidot
BATAK SA HIRAP
Bago sumabak sa paggawa ng mga premium na tinapay si Marlo ay siyam na taon na siyang nagtatrabaho sa mga five-star hotels sa Cebu, kabilang ang Radisson Blu.
Nagtapos siya ng kursong BS Industrial Technology major in Food Preparation and Services Technology sa Cebu Technological University Main Campus.
Laki sa hirap si Marlo, na tubong Malabuyoc, Southern Cebu, at ngayon ay naka-base sa Cebu City.
Big break na maituturing ang pagkakataong makarating ng Maldives at doon magtrabaho, kaya’t agad siyang nag-resign sa hotel. Yun nga lamang at naudlot ito dahil sa pandemya.
Kuwento niya sa Inquirer.net, “Working visa na lang po ang hinintay ko, it takes three to four months.
“Nag-declare po ang Maldives na lockdown. At nalaman ko lang po last September, nag-message po yung employer ko po na hindi na lang nila itutuloy po yung trabaho dahil rin sa mababa na occupancy.”
Hindi naman niya hinayaang malugmok dahil sa mga pagsubok.
“Despite the pandemic, I became more positive and determined to bake, hoping to inspire all Filipinos and Cebuanos, especially my fellow bakers, to keep going and stay strong.”
At suwerte na nagbunga ito nang maganda. Tinangkilik ang kanyang mga masterpieces at naging mabenta silang panregalo.
“When I post[ed] it on my LinkedIn account, I can’t believe it, they really appreciate and cheer [for] my works,” dagdag pa niya.
Bagamat mabenta ang kanyang tinapay, hindi makapag-market si Marlo sa labas ng Cebu City.
Maselan ang handling ng kanyang mga produkto, kaya kailangan i-pick up ng nag-order ang artisan bread sa kanyang bahay, kung saan niya ito ginagawa.
Ang mga interesadong magpagawa ng customized bread ay maaaring makipag-ugnayan sa kanyang Facebook page.
ARTISAN BAKED GOODS BUSINESS
Kalaunan, may mga lumalapit na sa kanya upang magpagawa ng special bread.
Napukaw din nito ang atensiyon ng local at international media.
Para sa Holy Week 2023, naisipan ni Marlo na maglabas ng mga tinapay na may disenyong akma sa Semana Santa. At tulad ng inaasahan ay nag-viral din ang mga ito.
Bawat piraso ng tinapay ay nagkakahalaga ng halos PHP1,000 depende sa disenyo, klase, at sukat nito.
Gumagawa din siya ng customized breads base sa hiling at kagustuhan ng customer.
Ayon sa website na Busby’s Bakery, ang artisan bread ay mga premium na tinapay gawa ng skilled bakers gamit ang traditional techniques at high-quality ingredients.
Ang resulta ay de-kalibreng produkto, taste and texture-wise, lalo kung ikukumpara sa mga commercially produced breads.
Bawat artisan bread ay handcrafted.
Si Marlo ay karaniwang gumagawa ng sourdough, baguette, rye bread, at multi-grain breads.
At mahabang oras daw ang kanyang ginugugol. Disenyo pa lang ay mahigit isang araw ang kailangan niya.
Sa ngayon ay wala pang physical store si Marlo, pero pinag-iipunan na niya ito.