Hindi pa fully vaccinated si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang kambiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque ilang oras matapos sabihin ni Presidential Security Group (PSG) Commander Jesus Durante III na fully vaccinated na ang Pangulo sa isang panayam ngayong araw, June 25.
Ayon kay Durante, naturukan na daw ng kanyang second dose ng Sinopharm ang Pangulo labing-apat na araw mula nang natanggap nito ang unang dose ng China-made vaccine noong May 3.
Pahayag ng PSG chief sa PTV-4 ngayong araw, “Vaccinated na po siya, at napakahalaga po nito, para lalo namin siyang maingatan, lalo na magagawa niya nang maayos at tuluy-tuloy ang kanyang tungkulin, upang makapaglingkod sa ating mga kababayan.”
Ang Sinopharm COVID vaccine ay mayroon nang emergency use authorization (EUA) mula sa Philippine Food and Drug Administration (FDA) para lamang sa isang libong doses na donasyon ng bansang China sa Pilipinas.
Pero paglilinaw ni Roque sa pahayag na ipinadala niya sa media ngayong hapon, "Gen. Durante was mistakenly informed by his medical staff that a second dose was already administered to the President.
"Further, Gen. Durante has admitted, apologized, and rectified his earlier remarks."
Samantala, China-made vaccine din na Sinovac ang bakunang naiturok kay dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ngayong araw naturukan si FVR ng second dose ng nasabing bakuna sa Muntinlupa City.
Ibinahagi ng Muntinlupa government sa kanilang Facebook page ang larawan ni Ramos, 92, nang bakunahan ito.
Pitong COVID-19 vaccines na ang may emergency use authorization sa Pilipinas.
Ito ay ang Pfizer, AstraZeneca, Sinovac, Sputnik V, Moderna, Janssen, at Bharat BioTech.