Mistulang paraiso sa gitna ng mayabong na kabukiran ang Rad Farmstead, isang kubo sa Misamis Occidental.
Dapat sana ay magiging pahingahan ito ng mag-asawang sina Red Jun Suminguit, 31, at Darleth Mae Suminguit, 32.
Pero di naglaon, naging tahanan na nila ito.
Ani Red, ang kubo ay nasa gitna ng anim na ektaryang pagmamay-ari ng kanyang lolo, pero two hectares lang ang mine-maintain nila ng kanyang misis.
Ang mismong kubo ay may sukat na 12X12 feet, ang patio ay 6X12 feet, at ang comfort room ay 4X6 feet.
Front view (top photo) at side view (bottom view) ng Rad Farmstead.
Naka-detach ang kusina nito dahil idinagdag lamang ito. Pahingahan lang kasi talaga dapat ito nina Red at Darleth.
Pero napagdesisyunan nilang tumira na rito dahil sa ganda ng lugar.
Ito na rin ang nagsisilbing workspace ng mag-asawa dahil pareho silang work from home.
Programmer si Red at virtual assistant naman si Darleth.
Ang total expenses lamang nila rito ay PHP150,000. Marami kasi sa materyales na ginamit ay kinuha lang nila sa paligid.
“We were able to save a lot for the materials because most of it sourced out lang dito sa farm. What [ever] is available,” ani Darleth sa Summit OG.
“That’s why we were able to save a lot in the cost.”
Gawa sa iba't ibang puno ang mga pader at poste ng kubo.
Ang external walls ay gawa mula sa bagalnga o neem tree na sagana sa lugar, habang ang mga pader sa loob ay gawa sa amakan trees. Ang poste naman ay yari sa mahogany.
Coconut trees ang ginamit para sa sahig ng kubo, at ang bubong naman ay gawa sa nipa.
Ang mga window glasses at ibang furniture ay mga pinaglumaan ng mga magulang ni Red.
“It’s so special for us kasi dito nakakapagrelax kami. Fresh yung air, malayo sa busy street, malayo sa kapitbahay, so parang nagbabakasyon,” paglalarawan ni Darleth.
Dalawang taon na silang namamalagi sa kubo.
Ang main room/working space/bedroom (top photo) at ang outdoor kitchen (bottom view) ng Rad Farmstead.
Pagdating naman sa seguridad, “Three houses lang kami dito. We could say na secure siya. We have a gate. And marami kaming farm dogs."
Ipinagbubuntis ngayon ni Darleth ang panganay nila ni Red.
Kaya ito rin ang dahilan kung bakit gustuhin man nilang mag-asawa na tuluyang manirahan sa kubo ay hindi ito praktikal.
"In reality, for a growing family, we also want each member to have his own space," ani Darleth.
“So siguro in the long run, hindi siya magiging ideal.”
Pero nakikita ng couple na may potential ang kubo na maging Airbnb rental place.
Ikinukunsidera rin nila ang posibilidad na gawin itong café o di kaya ay farm-to-table restaurant.