Tuwing summer ay dagsaan ang maraming Pinoy sa mall dahil sa sobrang init.
Pero hindi ito advisable sa ngayon dahil sa banta ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa public briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong May 7, 2020, lilimitahan ng gobyerno ang pag-operate ng aircon units sa loob ng malls sa 26 degrees centigrade.
Kasabay nito, kailangan ring pansamantalang itigil ng mall operators ang pagbibigay ng free wi-fi sa mga mallgoers.
"Kailangan hindi malamig dahli kapag malamig at may wi-fi, marami pong tatambay," paglilinaw ni Roque.
Ang mga panuntunang ito ay magiging parte na rin ng "new normal" o bagong istilo ng pamumuhay matapos sumailalim ang ilang parte ng bansa sa enhanced community quarantine.
Ito rin ay alinsunod sa guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) on COVID-19 at ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mall operators.
Narito ang kabuuan ng bagong guidelines ng IATF at DTI na ipapatupad kapag sumailalimang isang lugar sa general community quarantine.
GUIDELINES FOR MALLS AND SHOPPING CENTERS DURING GCQ
1. Lilimitahan ang bilang ng tao na puwedeng pumasok sa loob ng mall sa pamamagitan.
- Hindi lahat ng entrances ay bubuksan para sa publiko.
- Ang bilang ng tao na puwedeng pumasok sa mga tindahan ay base sa "density of not more than one person per two squar meters." Ito ay nilinaw ni Roque: "Ibig sabihin, kung 200 square meters ang tindahan, kailangan, 100 persons lang ang nandoon."
- Isa lamang ang puwedeng pumasok na companion ng senior citizen, pregnant women, at person with disabilities (PWD).
2. Ayon sa mga nakaraang press briefing, ang maari lang ring pumasok sa mga malls ay iyong nakasuot ng face mask.
3. Dapat ay mayroon pa ring social distancing na hindi bababa sa isang metro kada tao.
4. Dapat ay may isang bakanteng step sa pagitan ng bawat taong sasakay ng escalator.
5. Ang tanging puwedeng sumakay ng elevator ay ang senior citizens, pregnant women, at PWDs.
Ang bilang ng maaring sumakay ay kalahati lamang ng total capacity ng elevator.
6. Hihinaan ang air condition "to 26 degrees centigrade," at ipagbabawal na ang free wi-fi.
7. Base sa general guidelines ng IATF tungkol sa GCQ, ipagbabawal pa rin ang kumain sa loob ng restaurants o fast-food chains.
Tanging take-out at delivery orders lamang ang kanilang tatanggapin.
8. Ang mga store operators ay dapat maglagay ng mga upuan para sa pila sa kanilang store.
"Kailangan magkaroon ng mga silya para sa mga nag-aantay, katulad ng mga silya na hinahanda ng ating mgs supermarket at grocery para masigurado ang social distancing," sabi ni Roque.
9. Magkakaroon rin ng "one-way flow" sa mga tindahan at mismong mall para maiwasan ang siksikan at maayos ang galaw ng mga tao.
10. Maglalagay ng mga bantay sa "high density areas" at "increased police visibility."
11. Ang store operators ay dapat maglagay ng centralized pick-up location para sa delivery service providers.
12. Mahigpit na ipinagbabawal pa rin ang mass gatherings sa loob ng mall tulad ng movie screenings, sale events, marketing events, "and other promotions which tend to attact large crowds."
WHAT STORES ARE OPEN DURING GCQ?
Ayon sa general guidelines ng GCQ na ibinahagi ni Roque sa publiko noong April 28, mananatiling bukas ang non-leisure stores, gaya ng supermarkets, pharmacies, hardware, at clothing stores.
Samantala, ang diners at food shops ay tatanggap lamang ng customer para sa take-out at delivery orders.
Magbubukas na rin ang mga barbershops, salons, spas, at iba pang personal-care business "subject to strict health standards."