Ang bakasyon para sa batang si Jessie Almoza ay pagbababad sa kalsada sa may Sitio Camisong ng Loacan, Itogon, sa Benguet.
Nag-aabang ito ng mga motorista o sino mang dadaan para alukin ng kanyang mga tindang kabute.
Ang organic kabute na isang variety ng Benguet mushroom ay tinatawag na “boo.”
Unang lumabas ang mga larawan ni Jessie na nagtitinda ng kabute sa post ng Facebook page na The LOStories noong Hunyo 18, 2020. Ten years old siya nun.
Sa mga larawan ay makikita ang kanyang maliit puwesto na nilagyan lang ng trapal bilang panangga sa init ng araw.
Mula noon, marami na ang nag-share ng post tungkol kay Jessie.
Karamihan sa mga komento ay puro papuri sa kanya.
NAG-IIPON PARA SA PAG-AARAL
Noong Hunyo 22, 2020 ay nai-feature at nakapanayam ng TV Patrol North Luzon-Baguio si Jessie.
Mahirap lang ang kanilang pamilya, at na-stroke pa ang kanyang ama.
Ang kanyang ina at kapatid na babae ang nangunguha ng boo na kanyang itinitinda.
Gumigising ang mga mga ito nang maaga para umakyat sa bundok.
Ayon sa bata, nagtitinda siya ng kabute para may magagastos siya pagsapit ng pasukan.
Matatas niyang sagot sa panayam, “Gagamitin ko po para makapang-ipon ng pera, para makabili ng gamit ko sa school.”
Iyon din ang sabi ng kapatid niyang si Geta Wadwadan sa nasabi ring panayam. “Kami po iyung naghahanap, 'tapos sila po iyong nagbebenta.
“Iyong mga pinagbentahan, iniipon nila para sa pasukan po. Gamit nila sa eskuwela po.”
Bagamat apektado ng pandemya ang kanyang pagtitinda dahil bihira ang mga motoristang dumaraan, may ilang customer na pamilyar na sa puwesto ni Jessie.
Isa na rito si Ryan sa nakausap ng TV Patrol North Luzon-Baguio nang bumili ito ng kabute.
Ayon sa motorista, "Maganda rin naman po. Na meron silang ginagawa habang wala silang pasok. Dati-rati pag ganitong season, merong ganyan na ibinebenta dito."
REAKSiYON NG NETIZENS
Hanga ang social media kay Jessie.
Sa kanyang murang edad, alam na ng bata ang kahalagahan ng pera at pag-iimpok.
Maigi rin na may partisipasyon ang kanyang pamilya, at bagamat mahirap ang kanilang buhay ay ini-encourage ang bata na magpursige sa pag-aaral.
Samantala, nangangamba naman ang ilan sa risk sa kalusugan ni Jessie dahil baka mahawa ito sa COVID-19.
May nagpanukala pa na sana ay may signboard si Jessie para alam ng mga nagdaraan na may tinda siyang kabute..
Pinaka-winner naman ang komentong ito bilang pagsuporta sa mga gaya ni Jessie lalo na ngayong may pandemya: “That's why we buy from these street vendors our vegetables, not from the rich malls. Empathy with action!”
Use these Shopee vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.