Janitor noon, product manufacturer na ngayon

by KC Cordero
Nov 10, 2021
From being a janitor, Henry Raca is now a cosmetic manufacturer with the help of wife Apple
Malayo na ang narating ng dating janitor na si Henry Raca. Katuwang ang asawang si Apple, naging manufacturer siya at meron na ngayong 600 empleyado.

Sinong mag-aakala na ang may-ari ng isang cosmetics company ay nag-umpisa bilang isang janitor?

Ikinuwento ni Apple Raca ang humble beginnings ng kanyang asawang si Henry, at kung paano nila naitayo ang C and H Cosmetic Industry.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Apple noong October 29, 2021 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.

Henry Raca and wife Apple Raca of C and H Cosmetic Industry

ISANG JANITOR NA MAY PANGARAP

Bilang isang anak mahirap, nagsimula si Henry sa kumpanya ng insecticide bilang janitor. Nag-aaral siya sa gabi ng kursong education. Kalaunan, naging sales agent siya.

Dito niya nakilala ang kapwa sales agent na si Apple, na mas nakaluluwag sa buhay at nakatapos ng business management sa isang prestihiyosong unibersidad. Pero nung panahong iyon, dumaranas din ng hirap ang pamilya nina Apple dahil sa pagkalugi ng kanilang negosyo.

Nagustuhan ni Apple kay Henry ang determinasyon nitong magtagumpay.

Aniya, “Masikhay po talaga siya sa buhay. Mula sa pagiging janitor, umangat siya ng posisyon sa pinapasukan namin noon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Saka mayroon po siyang pangarap. Gusto ko po talaga sa mapapangasawa ko ay yung may determinasyon at pangarap."

Ikinasal sina Henry, na tubong Quezon Province, at Apple, na taga-Lipa, Batangas, noong 2005.

Matapos ikasal, nagdesisyon silang huwag nang mamasukan at magtayo na ng negosyo.

Ginamit nilang puhunan ang PHP5,000 na regalo sa kanilang kasal.

“Dahil maitim po ako at gusto kong pumuti, sinabi ko kay Henry na mag-produce kami ng whitening soap,” ani Apple, na aminadong mahilig noon pa man sa beauty and skin-care products.

“Birong totoo po iyon, kasi naisip ko, kung gagamit din lang ako ng pampaputi, gusto ko ay yung alam ko kung ano ang ingredients.”

Nagkataon naman na mahilig manood si Henry ng mga TV shows tungkol sa pagnenegosyo. Nagkaroon ito ng idea dahil sa sinabi ni Apple.

“May napanood pala siya na paraan ng paggawa ng sabon na pampaputi. Sabi niya sa akin, susubukan niyang gumawa sa aming likod-bahay.”

ANG PAGBUO NG NEGOSYO

Pagbabahagi pa ni Apple, ever since ay sumusunod sa mga itinatakda ng batas si Henry, at nasa isip nito ang customer satisfaction.

“Inirehistro po niya ang aming negosyo. Kumpleto sa mga permits. Kumuha rin po siya ng chemist na siyang nagtitimpla ng aming mga produkto.”

Tiniyak din ng kanyang mister na hindi gagamit ng harmful ingredients sa kanilang produkto. Pinag-aralan nilang mabuti ang best product na maio-offer nila sa merkado.

“Pag masyado po kasing matapang ang mga ingredients, mapapansin natin sa mga gumagamit ng pampaputi na parang natutuklap nang manipis yung kanilang skin, lalo na sa mukha,” paliwanag ni Apple.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

“Pag ganoon po kasi, biglaan yung nagiging epekto, pero hindi maganda.

“Ang pagputi po kasi, gradual dapat iyan. Dahan-dahan. Para pag na-achieve na yung pagputi sa gradual na paraan, hindi ka na uli iitim.”

Nakatulong naman sa kanila ang pagiging taga-Quezon ni Henry para sa kailangan nilang ingredients.

“Doon po kami kumukuha ng niyog. Garantisado po na eighty percent ng aming raw materials ay natural coconut extracts.”

NAHIRAPAN SA MARKETING

Nang sa palagay nila ay nabuo na nila ang sabon na pampaputi ayon sa kanilang standards, at aprubado na ng Food and Drug Administration, sinimulan na nila ang pagbebenta.

Pagbabahagi ni Apple, very challenging ang naging start ng kanilang marketing campaign.

“Mahirap pong mag-introduce ng bagong product sa market. Noong una, wala halos tindahan na tumatanggap sa amin dahil hindi naman daw kilala ang aming sabon.”

Kaya ang ginawa nila, namigay sila ng flyers at samples.

“Minsan po ay nasa mga pilahan kami ng jeep, doon kami namimigay. Minsan naman sa harap mismo ng tindahan.”

Ginamit din nila ni Henry ang mga natutunan nila noong sales agents pa sila.

“Pumupuwesto po kami sa harap ng mga tindahan. Sinasabi namin sa may-ari, pag may benta kami, yung tubo ay sa kanila na para lang payagan kami. Sobrang hirap po ng aming pag-uumpisang mag-asawa.”

Kalaunan ay nagkaroon sila ng mga suki.

“Unti-unti po, yung mga tindahan ay nagkakaroon na ng order. Sa ganoon po nag-umpisa.”

Noong 2014 ay nag-apply si Henry para sa Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP) ng Department of Science and Technology (DOST).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nang maaprubahan ang aplikasyon, nakabili sila ng makina na nagpabilis ng kanilang production.

Kasunod nito, napalawak nila ang kanilang regional distribution channels.

Ang pinakamalaki nilang oportunidad ay dumating nang magkaroon sila ng distributor sa ibang bansa.

Henry Raca with an Arab customer

Ani Apple, “Yun po ang medyo nakaganda talaga sa negosyo namin. Nasa 15 countries po ang aming pinagluluwasan.

“Nakatulong po yung GMP [good manufacturing practice] na ibinigay sa amin ng FDA at may halal certification po kami na local at international for our Muslim brothers and sisters.

“Mula po sa kakaunting production, umabot kami sa 40,000 to 50,000 ang daily production."

Natutulungan din nila ang nasa 5,000 coconut farmers na nagsu-supply ng kanilang coconut oil requirements.

NAG-SHIFT SA ALCOHOL PRODUCT NANG MAGKAPANDEMYA

Aminado si Apple na apektado ang kanilang negosyo ng kasalukuyang pandemya.

Aniya, “Bagsak po talaga. Kasi wala naman pong biyahe papunta sa ibang bansa.”

Gayunpaman, patuloy nilang pinasusuweldo ang kanilang nasa 600 na empleyado sa buong bansa.

“Hindi naman po sila puwedeng pabayaan dahil may mga pamilya rin. Sila naman ay malaki ang naitulong sa aming mag-asawa, kaya sakripisyo po talaga.”

Sa gitna ng krisis, may isang ideya na biglang sumulpot sa kanilang mag-asawa.

“Mayroon po kasi kaming alcohol product dati. Natigil lang dahil di naman mabenta masyado noong umpisahan namin. Wala pang pandemic noon.”

Ang kanilang alcohol product ay isinunod nila noon sa pangalan ng kanilang namatay na anak.

“Naisip namin ni Henry, tutal nang pumutok ang pandemya ay kapos sa supply sa alcohol dito sa Pilipinas, i-activate uli namin ang production. Baka sakali...”

At panibagong oportunidad ang dumating sa mag-asawa.

“Nang i-market namin online, biglang may umorder nang bulk. Iyon na po, dire-diretso na at okey naman ang naging sales.”

HUWAG MAGING MARANGYA

Dahil sa tagumpay nina Henry at Apple, tinanghal ang C and H Cosmetic Industry bilang 2021 DOST CALABARZON Best Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP) Adoptor.

Para mas mapalakas ang kanilang marketing, kinuha nilang endorser si Nene Tamayo, ang Big Winner ng Pinoy Big Brother Season 1.

Plano naman nilang mag-expand at magdagdag pa ng mga produkto, gaya ng dishwashing liquid, fabric softener, at food supplements.

“Pero di po kami titigil sa paggawa ng pampaputi kasi diyan talaga kami nakilala. Bukod po sa sabon, gagawa na rin kami ng skin toner, creams, and serum.”

Ang payo na gusto niyang ibigay sa mga nagnanais ding magnegosyo ay isang bagay na natutunan niya sa mister na dating janitor—ang maging matipid at praktikal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ani Apple, “Hindi po kami marangya. Si Henry hindi bibili ng magandang kotse iyan. Masyado po siyang praktikal na tao. Sasabihin niyan, ‘Trak ang bibilhin ko para may kargahan ako ng sabon. Yung magandang kotse, di mo naman magagamit sa pagde-deliver.'

“Kaya ako po, yun na rin ang mindset ko ngayon. Kung may bibilhin man ako, kailangan na magagamit ko sa negosyo.”

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Malayo na ang narating ng dating janitor na si Henry Raca. Katuwang ang asawang si Apple, naging manufacturer siya at meron na ngayong 600 empleyado.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results