Itinuturing ni Marian Rivera na isang malaking blessing ang kanyang pamilya.
Sa naging exclusive interview ng Kapuso Primetime Queen sa YouTube channel ng hairstylist na si Celeste Tuviera, naikuwento ni Marian na kanyang ipinalangin ang pamilya na mayroon siya ngayon.
Dahil galing siya sa broken family, pinakahangad niya ang magkaroon ng isang buong pamilya.
“Sobrang blessed, di ba?” nakangiti niyang pahayag.
“Pero sa kabila ng lahat at kahit na nararanasan mo na siya, hindi pa rin ako titigil magpasalamat sa Itaas sa mga blessings na ibinibigay, especially itong family na meron ako na pinangarap ko talaga.”
Sabi pa ni Marian, talagang iniingatan at pinapangalagaan niya ang kanyang pamilya.
Kaya tanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), hindi ba ito mahirap gawin sa loob ng mundong ginagalawan nila?
“Mahirap kung mahirap pero kung gusto mo, maraming paraan. Gagawin mo ang lahat ng paraan para maging maayos ang lahat.”
Ang interview kay Marian ay nangyari sa naging contract signing at press launch niya bilang Kamiseta Skin Blancare Lotion sa The Peninsula Manila hotel kamakailan.
"nobody's perfect"
Kapag nakikita silang Dantes family, naiisip agad na parang isa silang perfect na pamilya.
Pero mabilis na pagtatama ni Marian, "Nobody's perfect, guys."
Lagi silang mukhang masaya ng asawang si Dingdong Dantes at mga anak na sina Zia at Sixto.
ALSO READ:
- How Zia Dantes, Kendra Kramer will look 10 years from now
- How Ziggy Dantes, Scarlet Snow Belo will look years from now
Nagkakaroon pa rin ba sila ng mga konting tampuhan ni Dingdong bilang mag-asawa?
“Wala nga, corny na nga kami ngayon,” natawang sabi ng aktres.
“Siguro nag-mature rin and nakatulong din ang pandemya na mas marami kaming na-realize sa isa’t isa. Kung ano ba talaga ang mahalaga and especially sa mga attitudes naming dalawa.
“Na, 'Ay may ganoon pala siya.' So sa madaling salita, mas na-in love kami sa isa’t isa nitong pandemic.”
Hindi naman lingid sa lahat kung gaano ka-hands-on si Marian sa pagpapalaki kina Zia at Sixto.
Kaya pagdating sa pagiging isang ina, walang makaka-kuwestiyon kay Marian.
MOTHER'S DAY DOCUMENTARY
Dahil malapit sa kanyang puso ang pagiging isang ina, ngayong Mother’s Day ay may special documentary show na tatampukan ni Marian at mapapanood sa GMA-7.
Ayon kay Marian, “Espesyal dahil ang salitang nanay, magulang, para sa akin ay napakahalaga niyan bilang ako ay isang nanay na. So makikita nila sa documentary, ano ba ang sakripisyo ng isang ina para sa isang anak.”
Kinunan nila ang documentary na ito habang nasa Israel sila ni Dingdong at naging isa siya sa mga judge sa 2021 Miss Universe pageant.
“Actually, parang last minute na. Si Dong at Direk Mike [Tuviera] ang nag-usap diyan. Sinabi nila sa akin, so sabi ko, why not?"
Mas makikilala raw nang husto ng mga manonood ng documentary ang mga nanay nila, ayon kay Marian.
“Mas makikilala nila, mas maa-appreciate nila. At saka, ito yung parang sumuntok talaga sa akin. Iba talaga kapag nanay ka.”
Nang makausap ng PEP.ph si Marian, sinabi nitong inaayos pa nila ang title ng documentary pero sigurado na raw na Mother’s Day presentation ito ng GMA-7.
Mauuna rin itong mapanood bago ang kanilang sitcom ni Dingdong na Jose and Maria’s Bonggang Villa.