Si Dolores Canlas ay isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Norway na nagmamay-ari ng tatlong branches ng beauty salons.
Pero hindi instant ang kanyang tagumpay bilang businesswoman sa Norway.
Ani Dolores sa kanyang post, naging puhunan niya ang “hard work, perseverance and focus on our dreams.”
At nagsimula siya bilang beautician sa Pilipinas.
Labindalawang taon pa lamang siya ay nag-aral na siya ng cosmetology sa Olongapo City, ulat ni Marco Camas para sa TFC.
Sa paghahangad na umasenso sa buhay, nangibang-bansa si Dolores at nagtungo sa Hong Kong, kung saan namasukan siya bilang isang stylist.
Kalaunan, nagtungo siya sa Abu Dhabi sa United Arab Emirates (U.A.E.) at namasukan bilang stylist at beautician.
“Karamihan sa mga customers namin doon ay mga VIPs, mga sheiks na tinatawag,” sabi ni Dolores.
Naranasan din niyang maging private hairdresser sa mga miyembro ng royal family roon.
BAGONG BUHAY SA NORWAY
Taong 2012, nagtungo siya sa Norway bilang isang turista.
Bumalik siya roon makalipas ang isang taon at nakapag-asawa ng isang Norwegian.
Sa bagong lugar, hinarap ni Dolores ang mga bagong hamon.
“Kasi nung pumunta ako rito may edad na ako, and, pangalawa, yung language.
“Kasi ang mga nagtatrabaho rito fluent na doon sa language.”
Pero bitbit ang maraming karanasan sa pakikipagsapalaran sa ibang bansa, unti-unting nagtagumpay si Dolores sa pagpapatayo ng kanyang sariling negosyo.
"Nag-open ako sa Haslum, nag-stay ako doon ng seven years.
“Nag-open ako sa Trondheim City ng another salon.
“Itong dito sa Oslo ang pangatlo ko nang branch,” ngiti ni Dolores.
Para makatulong sa mga kapwa Pilipino, plano ni Dolores na mag-hire ng mga Pilipino hairdressers.
“Nakaplano po tayong kumuha ng magagaling na hairdresser sa Pilipinas na kapwa Pilipino rin para itong salon na ito maging isang Filipino salon talaga,” sabi ng OFW hairdresser.
Hindi rin aniya matatawaran ang galing ng mga Pilipino.
Bukod sa determinasyon at diskarte, may isa pang payo si Dolores pagdating sa pagtupad sa mga pangarap.
“Just believe in yourself. [Just think] ‘I Can do it!’”