Ipinasilip ng Filipino world boxing champion Donnie “Ahas” Nietes ang buhay niya bilang isang "food delivery rider" at dealer ng food supplement.
Si Donnie, 40, ay isa sa best active junior-bantamweight boxers in the world at naging world champion sa apat na weight classes—minimumweight, light flyweight, flyweight, at junior bantamweight.
Recently, pinag-usapan si Donnie sa social media dahil sa proud na pagbandera niya sa kanyang trabaho bilang "delivery rider."
Nitong November 8, 2022, ibinahagi niya ang kanyang selfie suot ang uniform ng food delivery business.
Ipinasilip din niya ang mga hamon ng pagiging delivery rider sa probinsiya.
“Sorry for the late delivery,” caption ni Donnie sa kanyang November 8 post.
Sa kalakip na maiksing video clip, ipinakita ng boxing champ ang kanyang motorsiklo na nalubog ang gulong sa putikan.

Mahihinuhang humingi ng dispensa si Donnie at nag-video ito para ipakita ang dahilan ng delay ng kanyang delivery.
JUST FOR FUN
Samantala, sinabi ni Donnie na ang post niya ng pagiging delivery rider ay “for fun lang.”
Aniya sa PTV4 interivew, “Just for fun lang iyon. Binili ko lang yun [t-shirt] sa Lazada or sa Shopee.
"Ginagamit ko sa pang-trail na uniform para sabihin ng mga kasama ko magde-deliver ako or delivery boy ako."
Magkahalong comments ang natanggap ni Donnie sa kanyang post.
Natuwa naman sa positive comments at saka syempre, yung negative comments hindi ko naman iyon pinapansin.
FOOD SUPPLEMENT DEALER TOO
Pero naging katuwaan man ni Donnie ang post niya ukol sa pagiging "delivery rider" iba rin talagang raket ang pinasok ng boksingero.
Sa kanyang November 9 post, ipinakita ni Donnie na sumabak na rin siya sa pagiging dealer ng isang kilalang food supplement brand.
Makikita si Donnie na nakasakay ng kotse, hawak-hawak ang ilang food supplement products. Ikinuwento niya na nagde-deliver siya ng products sa kanyang mga kliyente.
Nag-alok din siya kung sino ang may gusto ng inilalakong food supplement para sa mga nais mapangalagaan ang kanilang kalusugan.
Caption ni Donnie: “Ako mismo ang maghahatid at magdidiscuss sa inyo kung ano ang mga health benefits ng supplements na to.”
Umani naman ng positibong komento mula sa netizens ang post na ito ni Donnie.
Saludo raw sila sa marangal na paghahanap-buhay ng boxing champ.
Ang iba naman ay ini-encourage itong ipagpatuloy ang pagiging boksingero.


May iba namang idinaan sa biro na takot silang galitin ang boksingero dahil baka makatikim sila ng kanyang uppercut.


