Marami ang naging masaya para sa kasambahay na na si Joan Ramirez, na pumasa sa licensure examination for professional teachers (LET).
Marami ang naantig sa video ni Joan, 23, na naging emosyonal nang sabihan siya ng kanyang amo na kasama ang pangalan niya sa list of passers na inilabas nitong Mayo 19, 2023.
Read:
Kasambahay passes board exam for teachers; will not resign yet while looking for 'job in school'
Sobrang fresh pa sa isip ni Joan nang kausapin siya ng among si Attorney Yanyan De Vera-Alandy tungkol sa good news.
“Naglilinis po ako that time po kaya po hindi ko siya tinitingnan, kasi sobrang kabado na rin po ako,” ani Joan sa interview ng Kada Umaga ng Net 25, May 26, 2023.
Naging abala raw siya sa paglilinis dahil nababalisa siya sa paglabas ng resulta noong araw na iyon.
“Sinabi po nung amo ko na meron na raw pong resulta… nakita niya po yung pangalan ko sa list of passer[s].
“Siyempre po, tuwang-tuwa na ako, yung kaba ko po, napalitan po siya ng saya po.”
Bagamat licensed teacher na siya, balak ipagpatuloy ni Joan ang pamamasukan bilang kasambahay habang nag-a-apply ng trabaho.
“Habang naghahanap po ako ng trabaho po, dito muna ako kina Attorney para may magagamit din po akong pang-apply po sa work,” ani Joan sa TeleRadyo interview.
“Mag-a-apply po ako sa mga school po at kung papalaring makuha, magtuturo po ako, tapos habang magtuturo, isasabay ko po yung pagma-Masteral ko po.”
Supportive naman ang kanyang amo na pinapayagan si Joan tuwing meron itong job interviews.
Si Joan ay nagtapos ng Secondary Education Major in Filipino sa Isabela State University – Angadanan, Isabela.
DIFFICULT LIFE
Vocal si Joan sa kanyang interviews sa TeleRadyo at One PH pagdating sa hirap na pinagdaanan para makapagtapos.
Simula Grade 9 o 14 anyos pa lamang siya, namamasukan na siya bilang kasambahay tuwing school vacation.
Ang kanyang naiipon ay pagkakasyahin niya pagsapit ng school year.
“Every summer, iniipon ko po yung dalawang buwan na sahod ko para magkasya sa babaunin ko araw-araw, para di na po ako hihingi sa mama ko po,” aniya.
Tuwing pasukan naman, sa weekends ay nakikitrabaho siya sa bukid, tulad ng pag-ani ng mais o pagtatanim, para sa karagdagang baon.
“Sinasabi ko po sa sarili ko, someday, hindi ko na mararanasan ang maging isang kasambahay lang.
“Mas gusto ko po yung mas mataas pa po sa kasambahay, pero hindi ko po binababa ang kasambahay, dahil isa po akong kasambahay.
“Proud na proud po ako na isang kasambahay,” ani Joan.
Alam niya ang hirap ng buhay na salat sa yaman.
“Papasok ka po sa paaralan na wala kang baon, pero ayaw mo pong um-absent sa school.
“Kailangan mo pong pumasok kasi kapag um-absent ka po, bababa po yung grades mo.”
May dahilan si Joan kung bakit pagiging guro ang kanyang pangarap.
“Natutuwa po ang puso ko kapag estudyante yung mga nakakaharap ko po,” sabi niya.
Nagpursige siyang makapagtapos dahil gusto niyang makatulong sa pamilya.
Sabi niya, “Sa sobrang hirap po ng buhay kung titigil ka po sa pag-aaral wala kang makakamit, ganon na lang din po yung buhay mo.
“Hindi ka tataas, lalait-laitin ka lang ng mga tao. So naging inspirasyon po talaga naming magkakapatid yung kahirapan po ng buhay.”
Si Joan ay pangatlo sa limang magkakapatid.
Ang kanilang panganay ay high-school graduate. Pumasa rin ang kanyang kapatid sa licensure exam for teachers noong October 2022.
Ang pang-apat niyang kapatid ay first year college at kumukuha ng criminology, at ang bunso nila ay Grade 11 sa senior high school.