Ai-Ai delas Alas recounts journey from being saleslady to sing-along master to Comedy Queen

IMAGE GMA Corporate Communications

Ai-Ai delas reveals her jobs before entering showbiz: "Dati akong saleslady 'tapos nag-training din ako sa DFA [Department of Foreign Affairs], pero sandali lang. Naging secretary din ako ng Bulwagang Gantimpala, pero sandali lang din 'yon."


Inspiring na masasabi ang naging takbo ng buhay ni Ai-Ai delas Alas.

Galing siya sa hirap at hindi raw niya inasahang mararating niya ang posisyong kinalalagyan niya sa ngayon.

Kuwento niya, “Dati akong saleslady 'tapos nag-training din ako sa DFA [Department of Foreign Affairs], pero sandali lang.

“Naging secretary din ako ng Bulwagang Gantimpala, pero sandali lang din ‘yon.”

Paano siya napunta sa comedy bar?

“Kasi meron akong barkada na nasa Amerika na ngayon na mahilig sa sing-along.

“E, mahigpit ang nanay ko at nakakalabas lang ako kapag nagtatampo ako sa kanya at naglalayas ako.

“Nung time na naglayas ako, isinama ako ng friend ko sa Music Box.

“E, siyempre hindi naman ako umiinom talaga, kaya nung medyo nalasing ako, pinakanta ako ngayon.

“Hindi ako marunong kumanta. E, tuwang-tuwa sa akin yung may-ari kasi ang kanta ko, walang lyrics.

“So, talagang ano… itinodo ko talaga na sumasayaw din ako.

“Feeling ko, akin yung sing-along!” natawang pagbabalik-tanaw ni Ai-Ai.

Patuloy niya, “In-invite ako ng may-ari na mag-perform nang regular.

“Sabi ko, ‘Hindi po ako marunong, hindi po ako performer.’

“Sabi niya, ‘Magpi-perform ka para sa akin lang.’

“Magpi-perform para panoorin niya, pero actually, siyempre, para na rin sa ibang tao ‘yon.

“Kakanta ka kapag wala pang gustong kumanta. Pero kapag may kumakanta na, ikaw naman ngayon ang host.

“Kaya iyon nga ang training namin. Yung mga nasa sing-along, mabibigat ang training niyan.

“E, nung time na ‘yon, ako pa lang ang babaeng sing-along nun, e. Wala pang ibang pumasok."

Halos kasabayan daw niya sina Arnell Ignacio at Allan K.

“Nauna lang sina Arnell 'tapos si Allan K. Silang dalawa lang nun ang sing-along master.

“At ako lang mag-isa yung babae. Kaya nung pumasok ako, wala akong kasabay.”

Magkano ang kanyang talent fee?

“Two hundred a night. 1986 ‘yon, kaka-graduate ko lang ng college.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“E, magkano lang naman noon? Kumbaga, sini-share ko pa rin nga ‘yon sa boyfriend ko, kaya pa, e.

“Two hundred. Tig-one hundred kami!” tawa ni Ai-Ai.

Hanggang na-discover daw siya ng movie reporters noong panahon na ‘yon na sina Nap Gutierrez at Alex Marcelino.

“Tambay sila dun [Music Box] 'tapos tawang-tawa sila sa akin kapag nagpi-perform ako.

“So ‘yon, kinuha nila ako at pinag-perform 'tapos ginawan nila ako ng show.

“At dun na nagsimula ang lahat.”

Sino ang nagbigay sa kanya ng screen name na Ai-Ai delas Alas?

Ayon kay Ai-Ai, “Nickname ko ‘yon, kasi Martina Eileen ako, e.

“E, yung sa Eileen ko, ginawa ko lang Ai para madali. Kasi hindi naman puwedeng Ei Ei.

“Parang Eng Eng ka naman nun! Kaya Ai-Ai na lang.”

Kung minsan daw, binabalikan pa rin niya ang Music Box kung saan siya nagsimula.

“Kaya nga natutuwa nga yung may-ari.

“Yung mga experience ko nun, iyon ang baon ko ngayon na para maging humble at para maisip ko how God is so good to me and to my family.

“Na from ganito ako, inampon ako.

“Galing ako ng probinsiya 'tapos bigla akong naging artista.

“Inampon ako ng…sa auntie ko. Ibinigay ako ng tatay ko sa auntie ko na kapatid niya ‘yon.

“Sabi nga nung first ex-husband ko na nakapunta siya sa Calatagan, Batangas na puro bundok dun…Sabi niya, dun lang daw siya naniniwala sa destiny.

“Kasi sabi niya, ‘Grabe, dito ka galing. Ang layu-layo 'tapos napunta ka ng Manila at naging artista.’

“Sabi ko rin, ganun nga siguro. Destiny talaga.”

Kilala rin si Ai-ai sa pagiging generous pagdating sa pag-share ng mga blessings na tinatamasa niya.

“Oo, siyempre. I think iyon ang purpose ko.

“At saka lahat naman tayo nanggaling dun sa ibaba.

“At masarap yung parang hagdanan ka na umaakyat.

“Iyon nga ang sinasabi ko sa anak kong si Sancho, ‘Yung mga paghihirap mo sa ibaba, iyon ang bibitbitin mo pag-akyat mo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“’Para kapag tiningnan mo yung nasa ibaba, hindi ka nalulunod.

“’Para okey ka. Para yung paa mo, nasa lupa pa rin.’”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN