Kailan ka huling nakakita ng mga alitaptap?
Ang mga alitaptap (scientific name: Lampyridae) ay pamilya ng mga insekto na may higit 2,000 species.
Kumukuti-kutitap sila sa gabi at sa madaling-araw, bilang paraan nila ng pag-attract ng mates.
Noon, madalas silang makita sa mga probinsya at mahalamang mga lugar. Pero dahil sa urbanisasyon, naging mailap sila.
Sagana pa sa alitaptap ang barangay Casagan sa Santa Ana, Cagayan.
At marami sa mga bata ay pamilyar pa sa mga insekto, ayon sa Facebook post ng Philippine Information Agency (PIA) Region 2, nitong May 2, 2022.
Dahil dito, ginawang tourist attraction sa lugar ang firefly watching.
Kaya kung magagawi ka sa magaganda nitong white beaches, idagdag mo ito sa iyong activities.
Nagkuwento pa si Charles Castillo, Casagan Tourguides Association president, tungkol sa mga alitaptap na makikita malapit sa paanan ng bundok.
Namamahay ang mga ito sa isang puno na kung tawagin ng mga residente ay “kullaban.”
Dagdag pa ni Castillo, masuwerte na nasisilayan pa sa kanilang lugar ang mga alitaptap, pero di hamak na mas marami ang mga ito noon.
“Doon sa madilim talaga sila naninirahan, sir. Ayaw nila sa maliwanag,” sabi ni Castillo.
Mula sa bayan ng Santa Ana, bibiyahe ang turista ng 20 minuto papunta sa barangay hall ng Casagan.
At mula rito, ay maglalakad ng sampung minuto para puntahan ang punong kullaban.
Samantala, maraming netizens ang nagkomento tungkol sa post.
Ang iba sa kanila ay nagbahagi ng kanilang magagandang childhood memories ukol sa mga alitaptap.
Nalungkot naman ang iba sa pagkawala ng mga ito.
May isa na nagbahagi ng kanyang nabasa na ang mga alitaptap ay namamalagi sa isang lugar na malinis ang hangin.
Samantalang ang iba ay binanggit ang mga pamahiin na narinig nila sa mga nakatatanda.