Mission accomplished na si KC Medrano sa pagbisita sa 82 probinsiya sa buong Pilipinas!
Nakumpleto ng traveler ang paglilibot sa 18 regions ng Pilipinas noong March 9, 2023.
Sinumulan niya ito noong 2016, at pansamantala lamang naantala ang kanyang pagbibiyahe sa Luzon, Visayas, at Mindanao nitong pandemya.
Read: Odette Ricasa, 77, nalibot na ang buong mundo
“Iba po talaga ang ganda ng Pilipinas. So bago natin i-appreciate o i-explore yung labas, tingnan po natin yung sarili nating atin, na talagang maipagmamalaki po talaga. World class po talaga siya,” ani KC sa ulat ng 24 Oras ng GMA News.
Nang tanungin kung saan sa tingin niya ang mga pinakamagandang lugar, ang sagot ni KC: mga pasyalan sa Tawi-Tawi at Sulu.
Paliwanag niya, “More on talaga sa Mindanao. Parang na-i-stereotype po kasi na delikado diyan. “
Paghimok niya, “Mas maganda na actual nating makikita yung ganda talaga ng lugar.”
Sa kabuuan, umabot daw sa kalahating milyon o PHP500,000 ang kabuuang gastos ni KC.
Pinag-iipunan daw niya ang kanyang mga trips.
Pero hindi niya pinanghihinayangan dahil sulit naman daw ang karanasan.
Paliwanag niya, “Yung pera po na nawala kaya nating i-earn, e.
“Pero yung time, yung memory na-spend po natin during the travel, hindi na po natin kayang balikan, hindi po kayang bayaran ng pera iyon.”
Inspirasyon naman ni KC ang kanyang mister na si Bernard Medrano, na nabisita na rin ang 82 provinces mula 2014 hanggang 2017.
Balak din nila itong iparanas sa kanilang mga anak kapag malalaki na ang mga ito.