Kapamilya stars nanonood ng 'Bakekang' ng GMA-7



Ilang Kapamilya stars na ang umamin na nanonood sila ng GMA-7 show na Bakekang, ang teledramang pinagbibidahan ni Sunshine Dizon. Ito ay dahil na rin sa tatlong child stars na sina Kristal (Jolina Marie Reyes), Lorraine (Louise Joy Folloso) at Charming (Eunice Lagunsad).

Ayon sa isang taga-Bakekang: "Tumawag si Kris Aquino kay direk Khryss Adalia [co-director ng Bakekang kasama si Gil Tejada] at sinabi niyang nanonood siya ng Bakekang dahil tuwang-tuwa raw siya kay Charming [Eunice] dahil ang husay-husay daw nitong umarte. Nagpasalamat sa kanya si Inay [direk Khryss] at sana raw ay panoorin pa rin ni Kris ang soap kahit malaki na ngayon si Charming na ginagampanan na ni Yasmien Kurdi."

Nakausap din namin si Sarah Geronimo noong October 26 sa launching ng Wali: The Fun Way to ABC ng Viva Video at hindi sinasadyang nabanggit niyang nanonood din siya ng Bakekang basta raw nasa bahay siya. Biro namin sa kanya, baka siya makagalitan dahil taga-ABS-CBN siya.

Sabi naman ni Sarah: "Natutuwa po kasi ako at nakaka-relate sa batang si Kristal. Para po kasing ganoon din ako noong nagsisimula ako, kung saan-saan ako sumasali na amateur contest. Mahuhusay rin po yung mga batang gumaganap."

Dahil sa magandang response ng mga manonood sa tatlong batang artista ay na-extend ang kanilang paglabas sa Bakekang. Pero dahil kailangang umusad ng istorya ay kailangan na ring magwakas ang kanilang mga karakter.

Ngayon ay malalaki na sa istorya ng Bakekang sina Kristal, Lorraine at Charming. Si Charming ay ginagampanan na ni Yasmien Kurdi, samantalang si Lovi Poe na ang Kristal, at si Nadine Samonte na ang Lorraine.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN