Mark Lapid niregaluhan si Tanya Garcia ng diamond ring



Nasa taping kami ng Ay! Robot ng QTV-11 kagabi, November 2, sa Broadway Centrum nang makita namin ang isa sa mainstay ng programa na si Tanya Garcia. Tinanong namin ang young actress kung totoong sila na at kung gaano na sila katagal ng napapabalitang boyfriend niyang si Pampanga Governor Mark Lapid, ang kapareha niya sa Batas Militar na ipinalabas noong nakaraang Hulyo.

Bagama't walang direktang pag-amin, hindi naman maikakaila sa mga salita ni Tanya ang magandang pagtitinginan nila ni Mark.

"Six months na kaming magkakilala," ang natatawang sagot niya nang tanungin namin kung gaano na sila katagal na may relasyon ni Gov. Lapid.

Kapansin-pansin ang diamond ring at isang diamond-studded Phillip Stein wrist watch na suot-suot ni Tanya sa taping no'ng gabing yun.

Nang tanungin namin kung regalo ni Mark sa kanya ang singsing at relo ay hindi naman siya nagkaila. "Oo," sagot niya.

Two-karat diamond daw ang regalong singsing sa kanya na posibleng ang presyo ay nagkakahalaga ng more than P300,000 na binili sa Arts & Arrow sa ibang bansa. Ang relo naman na nadidisenyuhan sa loob at labas ng diamond na kung bibilangin siguro ang lahat ng bato ay posibleng nasa 70 pieces.

Kailan iniregalo sa kanya ‘yun ni Mark?

"Hindi ko na matandaan," sabi ni Tanya. "Yung ring kasi, wala namang okasyon nung ibinigay niya ‘yun sa akin. At saka, sinabi ko sa kanya, ayoko nung bibigyan niya ako nang wala namang okasyon. In fact, marami na siyang ibinigay na hindi ko talaga tinanggap."

"Yung watch," patuloy niya, "regalo niya sa akin noong birthday ko [August 6]."

Sabi pa ni Tanya ay hindi ito ang unang pagkakataon na nakatanggap siya ng diamond mula sa isang lalake.

"Si Alex [Lopez, her ex-boyfriend], galante rin naman ‘yun," aniya.

Bagamat nireregaluhan na siya ng mga mamahaling alahas, hindi pa raw nila napapag-usapan ni Mark ang kasal.

"Saka ayoko pa," sabi ni Tanya. "It's too early too say at saka hindi pa rin naman namin masyadong kilala ang isa't isa.

"Sabi ko nga, six months pa lang kami magkakilala. Basta, wala akong inaamin ha? Ang sabi ko, six months pa lang kaming magkakilala," paalala niya sabay tawa.


Pampanga's best

Bago namin nakausap si Tanya sa taping ng Ay! Robot kagabi ay may nakapagkuwento na sa aming make-up artist na nakita raw siya sa set ng pelikulang Tatlong Baraha sa Angeles City. Kasama ni Mark sa nasabing pelikula ang ama niyong si Senator Lito Lapid at kapatid na si Meynard Lapid sa Angeles City, samantalang si Girlie Sevilla (gumanap na Gurna sa Encantadia ng GMA-7). Entry ito sa Metro Manila Film Festival ngayong taon.

Nang sinabi namin ito kay Tanya ay humalakhak muna bago niya sinabi: "Basta! Yung best friend ko kasi, si Con, taga-Pampanga siya. E, nalaman ko may shooting pala sila do'n, so dumaan lang ako."

Sinagot din ni Tanya ang balitang madalas talaga siyang pumunta ng Pampanga. Hindi kasi basta-basta makaalis si Mark sa nasabing lalawigan dahil sa katungkulan nito bilang governor kaya ang young actress na lang ang nagpupunta sa nababalitang boyfriend niya.

Aniya: "Si Mark naman, lumuluwas din siya, pero hindi madalas. Minsan once-a-week."

Pero paano niya idi-describe ang relasyon nila ni Mark ngayon?

"He's sweet naman-so far," sagot niya. "Alam n'yo bang hindi pa kami nag-aaway? Mabait kasi siya kaya parang nakaka-guilty na awayin. Pero napansin ko, medyo may pagka-seloso siya."

Sa tanong kung totoong great lovers ang mga lalakeng Lapid, "I guess..." ang isinagot ni Tanya.

Kinumusta rin namin kay Tanya ang pakikitungo sa kanya ng mga magulang ni Mark na sina Lito at Marissa Lapid.

"Mababait sila," sagot niya. "Actually nga, mas una kong naging ka-close si Senator [Lito]. Ang mommy niya, ang bait din. Palaging may padala kapag nagpunta ka sa kanila. Actually, ganoon naman yata sila sa lahat."

Samantala, maganda rin daw ang pakikutungo ng mga magulang ni Tanya kay Mark.

"Okey naman," aniya. "Siyempre noong una, ang mommy ko, sinasabi niya na ‘mag-ingat ka.' Politician daw kasi. Pero ngayon, okey naman siya, pumupunta talaga siya [Mark] sa bahay ng mommy ko. Hindi kagaya ng iba na hanggang sa labas lang."

Ikinuwento rin ni Tanya na noong nakaraang Araw ng mga Patay, pagkatapos niyang magpunta sa puntod ng kanyang lolo, ay sinamahan niya si Mark sa Pampanga sa puntod naman ng kapatid nitong namayapa na.

"May namatay na kasi siyang kapatid, pinuntahan namin. Babae ‘yung kapatid niyang namatay noong eight years old pa lang. Blue baby kasi... Actually, two years younger kay Mark ‘yung kapatid niya, tapos nalaman ko, magka-batch pa kami [ng kapatid ni Mark] dati sa Holy Family sa Angeles noong doon pa ako nag-aaral," kuwento niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN