Ana Capri wala pang planong magpakasal



Sa ginanap na Golden Screen Awards noong October 26 ay itinanghal na best actress in a dramatic film si Ana Capri para sa performance niya sa Ala Verde Ala Pobre. Unfortunately ay hindi nakadalo si Ana kaya hindi siya personal na nakapagpasalamat.

Noong November 3 ay aksidente naming nakita sa isang restaurant sa SM Mall of Asia si Ana. Dadalo kasi siya sa opening ng Cinemanila International Film Festival nung gabing yun at nagkataon namang dala niya sa kanyang sasakyan ang best actress trophy na napanalunan niya sa Golden Screen Awards. Sinamantala na namin ang pagkakataon kaya nakunan namin siya ng litrato hawak ang kanyang tropeyo.

"Nahihiya nga ako sa Enpress [ang grupo ng entertainment writers na nasa likod ng Golden Screen Awards] kasi first local best actress award ko, hindi man lang ako present para tanggapin nang personal," paliwanag ni Ana.

Dagdag pa niya: "Nagmamadali na talaga ako no'n. Galing kasi ako sa taping ng Makita Ka Lang Muli ng TAPE Inc. E sa Batangas pa ‘yon. Late na rin ako pinakawalan kaya sobrang nagmadali ako. Ako na nga ‘yung nagmamaneho kasi gusto ko talagang maka-attend dahil nag-commit nga ako na maging presenter."

Ipinarinig na lang daw kay Ana ng isang Enpress member via cellphone ang pag-announce ng pangalan niya bilang winner.

"Naku, umiyak talaga ako!" sabi ni Ana. "Kasi nga magkahalo ‘yung tuwa dahil ngayon lang ako nabigyan ng best actress ng isang local award-winning body. Tapos nakakapanghinayang pa kasi wala ako roon para magpasalamat sa mga taong naniwala sa akin since nagsimula ako sa showbiz. Sayang at wala akong picture kasama sina Robin Padilla at Zsa Zsa Padilla [mga co-winners niya sa Golden Screen Awards]!"

Aniya pa: "Kaya special ang award ng Enpress sa akin kasi napaniwala nila ako na kaya ko palang matalo ang mga tulad nina Jaclyn Jose at Irma Adlawan [her co-nominees] na mga hinahangaan ko."

Twice nang nagwagi bilang best actress si Ana sa Cinemanila International Film Festival. Una ay para sa Pila-Balde at pangalawa para sa Ala Verde Ala Pobre.

Inusisa namin si Ana tungkol sa balitang magpapakasal na raw siya sa kanyang
businessman-boyfriend next year. Natawa lang ang premyadong aktres dahil wala raw siyang alam na may plano pala siyang magpakasal.

"Saan naman nanggaling yan?" tawa niya. "Hindi totoo ‘yan kasi okey naman kami ng boyfriend ko sa arrangement namin ngayon. Saka wala pa sa isip ko ang malagay sa tahimik. Marami pa akong gustong gawin at nandiyan siya to support me. Yang kasal-kasal na ‘yan, darating din ‘yan balang-araw pero hindi pa ngayon."

Katatapos lang i-shoot ni Ana ang Metro Manila Film Festival entry ng Canary Films na Matakot Ka Sa Karma, sa direksiyon ni Jose Javier Reyes.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN