Nadine Samonte itinangging hiwalay na sila ng boyfriend niya



Nagtataka si Nadine Samonte kung bakit ang daming nagtatanong sa kanya kung totoo bang hiwalay na sila ng non-showbiz boyfriend niyang si Emerson Chua. Ayon sa balita, kaya raw sila nag-break ay dahil masyadong seloso si Emerson at maraming ipinagbabawal kay Nadine.

Mariin naman itong pinabulaanan ng young actress sa press con ng Pitong Dalagita ng Canary Films noong November 7 sa Virgin Café.


"Nakakaawa naman si Emerson. Hindi siya ang taga-showbiz pero bakit siya ang iniintriga?" simula ni Nadine.

"Noong mabalitaan ko ‘yan," patuloy niya, "inalala ko si Emerson kasi baka kung ano ang isipin niya. E, hindi pa siya sanay sa ganyang mga intriga. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang balitang ‘yan. Sa totoo lang, the more na may tsismis na ganyan, lalong tumitibay ang relasyon namin.

"Hindi ko lang maintindihan kung bakit may mga taong gustong manira ng magandang relasyon. Feeling ko, ang mga taong ito ang hindi masaya sa buhay nila. Ang sa akin lang, masaya kami ni Emerson and our relationship is going strong. Huwag naman silang mag-imbento ng mga balita na hiwalay kami dahil hindi ‘yan totoo."

Ipinagtanggol din ni Nadine ang kanyang boyfriend na hindi raw ito kailanman nakialam sa trabaho niya at hindi rin ito isang selosong tao.

Aniya: "Natural lang naman siguro sa boyfriend mo na makaramdam ng konting selos, lalo na't iba't ibang mga lalake ang nakakatrabaho ko sa showbiz. Nagtatanong lang siya regarding this guy pero hanggang doon lang yun. Hindi ko nga matatawag na selos yun kasi nagtanong lang talaga siya. Hindi naman yun form ng pagseselos, ‘di ba?"


"Never nga kaming nag-aaway niyan e. Sa sobrang bait niya, iniisip ko rin kung totoo bang may ganitong lalake na sobrang bait. As in, too good to be true siya. Bihira lang ang ganyang mga lalake kaya ako mismo hindi makapaniwala."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinabulaanan din ng Bakekang co-star ang balita na si Emerson ang gumastos sa bahay na ipinatayo niya sa Laguna.


"Talaga? Sana pala hindi lang ako sa Laguna nagpagawa ng bahay kung si Emerson ang financier ko," tawa ni Nadine. "Sana nagpagawa na rin ako sa Makati at Quezon City para marami akong bahay. Seriously, noong makilala ko si Emerson, nasimulan na ‘yung construction ng bahay ko. Saka hindi ba ako nagtrabaho para wala akong maipon na pampatayo ng bahay ko?"

Patuloy niya: "Kahit hindi ako nakapasok sa Final Four ng batch namin sa StarStruck, sunud-sunod ang mga naging raket ko. Nagkaroon ako ng ilang product endorsements na hanggang ngayon ay nandiyan pa at may mga bago pa akong ini-endorse ngayon. Naka-ilang TV shows ako at pelikula. Hindi naman ako magastos na tao. Hindi ako magimik kaya madali sa akin ang makapag-ipon.

"Nakakatawa lang kasi parang pinalalabas nila na sugar daddy ko si Emerson. Napakabata naman niyang sugar daddy. Kulang na lang sabihin nila na DOM (dirty old man) ‘yung tao. Mabuti na lang nga mabait si Emerson. Naiintindihan na niya ang mundo ko. Natatawa na lang din siya sa mga tsismis sa kanya."

Bukod sa drama series na Bakekang sa GMA-7, kabilang din si Nadine sa pelikulang Pitong Dalagita ng Canary Films. Tinatapos din niya ang isang trilogy film sa ilalim ng direksiyon ni Celso Ad Castillo, ang OFW: Away From Home.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN