Katrina Halili denies pregnancy rumors



Mariing pinabulaanan ng young sexy star na si Katrina Halili ang kumakalat na balitang buntis siya at ang itinuturong ama ay ang napabalitang boyfriend niyang si Bullet Jalosjos.

"Ganito ba ang katawan ng isang babaeng buntis o nabuntis?" tila naghahamong sabi ni Katrina, habang ipinapakita ang hubog ng kanyang katawan, sa interview sa kanya ng Philippine Entertainment Portal (PEP) noong November 9 sa Baliwag Grill sa E. Rodriguez, Quezon City.

Idinagdag pa niyang matagal na silang hindi nagkikita ni Bullet at wala naman silang inamin dati na nagkaroon sila ng relasyon before.

Sinabi pa ni Katrina na hindi naman siya nawala sa limelight—tulad ng ibang female stars na nabubuntis—kaya napakaimposible raw na buntis siya o maitago ang paglaki ng tiyan sakaling totoo nga ang balita.

Naniniwala si Katrina na bahagi pa rin ito ng paninira sa kanya ng isang tao o grupo ng mga taong naiinggit sa kanya.

"Kilala ko kung sino ang naninira sa akin," pahayag niya. "Alam kong sa taong ito galing ang mga ganyang balita. Naniniwala ako sa karma, kaya good luck na lang sa kanya."

Sinabi pa ni Katrina na wala siyang pakialam sa taong ito na naninira sa kanya at ang kanyang umuusbong na showbiz career na lang ang pinagkakaabalahan ng Philippines' Sexiest Woman ng FHM. Mapapanood si Katrina sa Gigil ng Regal Entertainment katambal si Alfred Vargas. Tapos na rin siyang mag-shooting para sa Super Noypi, na entry ng Regal sa Metro Manila Film Festival this year. Labas na rin ang kanyang sexy DVD pati na ang kanyang commercial para sa isang alak. Napapanood din siya sa Atlantika ng GMA-7 na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes.

"Natutuwa ako sa napakaraming dumarating na blessings sa akin," aniya.

Sinabi rin ng StarStruck 1 graduate na ang mga taong sumusuporta sa kanya ang nagsisilbing inspirasyon para lalo siyang magsikap sa kanyang trabaho.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ani Katrina: "Dumating kasi ako sa point na gusto ko nang iwan ang showbiz e. Kaya lang, a week pagkatapos kong mag-decide na mag-quit sa showbiz, biglang dumating ang maraming projects. So, dapat isipin ko yung positive, [mayroon pang] mga taong sumusuporta at nagtitiwala sa akin at blessings na dumarating sa akin."

Patuloy niya: "Ang inspirasyon ko sa career ko ngayon ay ang mga taong dahilan kung bakit narito pa rin ako sa showbiz. Sa dami ng mga isyung lumalabas sa akin, ang mga taong ito na nagtitiwala sa akin ang dahilan kung kaya nananatili ako rito," nakangiting pahayag ni Katrina.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN