Lucy reveals secret to married life with Richard Gomez



Maituturing na isa sa pinaka-ideal na relasyon sa showbiz ang kina Richard Gomez at Lucy Torres, na hindi kailanman naintriga na nagkahiwalay o nag-away. Ano bang sikreto nila?

"Siguro I can't take all the credit for myself," sabi ni Lucy sa press launch ng Love and Conquer perfume ng Bench noong November 16 sa Music Hall ng SM Mall of Asia.

"Hindi ko naman puwedeng sabihin na, ‘Ay, ganito ako o ganyan kaya hindi kami nag-aaway.' Siguro, it's really having an open relationship."

"Pag may sama ako ng loob sa kanya [Richard], hindi ako ‘yung type na nagkikimkim o nasa loob ko lang lahat. Sinasabi ko sa kanya. Ginigising ko siya na, ‘Hoy, masama ang loob ko sa ‘yo!' Kasi, ayokong matulog na mabigat ang loob ko e. Ang hirap-hirap, ‘no!" tawa niya.

Sa amo ng mukha niya, may mga nagtatanong kung marunong din bang magalit ang isang Lucy Torres?

"Oo naman!" sagot niya. "Pero hindi ako ‘yung drama queen. Hindi ako bungangera. Hindi rin ako ‘yung nagtatapon ng mga baso, mga plato, hindi ako ganu'n. At saka wala pa rin kaming away ni Richard na sobrang malaki talaga na gusto ko nang mag-alsa balutan. Walang gano'n.

"Hindi ko na rin maalala kung kailan kami huling nag-away. Siguro mga two to three years ago na at maliit na bagay lang ‘yon. Pero hindi rin kami perfect ni Richard. Tinotopak din kami sa mga maliliit na bagay," nakangiting pakli niya.

Selosa ba siya?

"Puwede. Pag may dapat pagselosan, dapat lang magselos ka," sabi niya.

Aniya, personal niyang inaalagaan ang mister niya at siya mismo ang tagapili ng mga damit na isusuot nito. Pero aminado si Lucy na hindi siya marunong magluto.

"Hindi ako nagluluto for him kasi malalason siya!" pagbibiro niya. "Hindi talaga, gustuhin ko man. Salamat at may delata! Mag-sing and dance na lang ako, huwag mo na lang akong paglutuin!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Actually, gusto ko. Hilig kong magluto. Bili ako nang bili ng mga cook book. Parang aliw na aliw akong magbasa. Feeling ko, pag nagbasa ako ng cook book, magiging marunong akong magluto. Pero hindi talaga..."

Nag-attempt na ba siyang magluto for Richard?

"Oo, awa ng Diyos, palpak!" pag-amin niya.

"Ambisyosa pa nga ako nu'n, e. Ang niluto ko mechado. Tapos, parang dalawang oras na siyang kumukulo, matigas pa rin ‘yung karne!

"Sabi ng lola ni Richard, ‘Dali, pauwi na si Richard! Hiwa-hiwain mo na lang. Sabihin mo, ano ‘yan, salpicado!'

"Nu'ng matapos ko, disaster siya. So, sabi ko, ayoko na talaga. At saka pag ako ang nagluto, parang nalabas ko na lahat ng gamit sa kusina. Parang ang gulo," natatawang kuwento niya.

Hindi man lang ba nagpapanggap si Richard na kunwari ay masarap ang luto niya?

"Hindi. Hindi ‘yon nagpapanggap e. Sasabihin lang niya, ‘Puwede na. Puwede na...Pero hindi pa!'" halakhak pa ng misis ni Richard.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN