Kasong isinampa laban kay Melanie Marquez, ibinasura ng korte



Ibinasura ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 24 ang kasong isinampa ni Ireneo Garcia ng Pureform Cosmetics laban kina Melanie Marquez at Jaime Acosta ng Psalmstre Enterprises sa kasong Violation of Sections 168 and 169 of the Intellectual Property Code (Civil Case #06116155) sa sala ni Judge Antonio Augenio, Jr.

Sa notice of order na inilabas ng Manila RTC noong November 14, nakasaad dito na ang hinihingi ng Pureform Cosmetics—may-ari ng Renew Placenta soap—na mabigyan ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Psalmstre Enterprises—may-ari ng New Placenta soap—ay hindi karapat-dapat dahil sa kawalan ng sapat na basehan.

Idinemanda ng Pureform Cosmetics sina Melanie at ang Psalmstre dahil diumano sa pamemeke at pagbebenta ng placenta soap, pagbibigay ng mga maling impormasyon sa publiko, paninira, at pananakot sa mga kliyente. Isinampa ng Pureform ang kaso sa Manila RTC noong October 31.

Kaugnay nito, masayang-masaya si Melanie sa naging resulta ng kaso. Kahit halatang pagod ito sa ginanap na motorcade noong November 18 para sa kapistahan ng Malate ay humarap pa rin siya sa press upang pag-usapan ang naging desisyon ng Manila RTC.

“Hindi ko dapat ipagyabang ang aming panalo dahil ipinaglaban ko lang ang karapatan ko. Hindi dahil ako si Melanie Marquez kundi dapat bigyan ninyo ng respeto ‘yung kapwa-tao ninyo,” pahayag ni Melanie.

“I have worked very hard for my name,” patuloy niya. “Although naging imperfect ako sa mga marriages ko, pagdating naman sa kredibilad at reputasyon ko, talagang inaalagaan ko ‘yan. Ito lang ang kayamanan ko na puwede kong ihandog sa mga anak ko at sarili ko.”

“So, huwag nilang sisirain [ang pangalan ko] just for their benefit. Puwede naman tayong umasensong walang aapakan e. Kaya naman nila ‘yan e—maging tama at maging maka-Diyos [tayo],” pagwawakas ng dating beauty queen.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN