Lorna Tolentino ends rift with Deborah Sun



Dating matalik na magkaibigan ang actress-TV host na si Lorna Tolentino at ang dating aktres na si Deborah Sun—live-in partner noon ng aktor na si Jimi Melendez na namayapa na at lumabas sa mga pelikula ng Regal Films gaya ng Temptation Island at Bedspacers during the '80s.

Nasira ang kanilang pagkakaibigan nang idemanda ni Lorna ng kasong estafa si Deborah noong 1989 matapos hindi makapagbayad ang huli sa kinuha nitong alahas kung saan ginawa niyang guarantor si Lorna. Tinakasan ni Deborah ang kaso at lumipad siya patungong Amerika kung saan nanirahan siya roon ng 15 years.

Noong October 2004 ay bumalik ng Pilipinas si Deborah na diumano ay may liver cancer. Dahil hindi pa naman naiuurong ang demanda sa kanya ng dating kaibigang si Lorna, nakulong siya noong September 2005.

Limang taon at walong buwan ang ipinataw na sentensiya kay Deborah ngunit dahil sa conditional pardon mula kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, sa pamamagitan ni Executive Secretary Eduardo Ermita, ay nakalaya agad ang dating aktres noong October 2006—mahigit isang taon pagkatapos niyang makulong.

Ilang araw pagkatapos ng kanyang paglaya, noong October 30, nag-guest si Deborah sa showbiz talk show ng GMA-7 na Startalk, kunsaan isa sa mga hosts si Lorna.

Sa interview kay Deborah ng Startalk ay naroon si Lorna, bilang host, kasama sina Lolit Solis at Butch Francisco. Kahit magkatabi sa upuan ay halatang hindi kumportable sa isa't isa sina Lorna at Deborah. Ramdam na ramdam ang tensiyon at pagkailang sa kanila.

Nang matapos ang interview, ayon sa mga saksi, ay nagpaalam si Deborah sa lahat ng hosts maliban kay Lorna. Ganu'npaman ay nilapitan pa rin ni Lorna si Deborah para bumeso ngunit tila walang reaksiyon ang huli.

Sa press visit sa shooting ng pelikulang Mano Po 5: Gua Ay Di kahapon, November 23, sa isang warehouse sa Pasig ay nakausap ng PEP si Lorna upang kunin ang kanyang pahayag ukol sa nangyari sa kanila ni Deborah.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Para kay Lorna, na isa sa mga bida sa Mano Po 5, galing sa puso ang ginawa niyang pagpapatawad sa dating kaibigan. Nabura na raw ng panahon ang ginawang kasalanan sa kanya ni Deborah. Pero wala raw siyang magagawa kung may sama pa rin ng loob sa kanya si Deborah.

"Ako yung lumapit sa kanya at bumeso dahil sa akin ay tapos na yun," mahinahong pahayag ni Lorna. "Bahala na siya kung may sama pa rin siya ng loob [sa akin]. Siya na ang magdadala nun e."

Patuloy pa ng aktres, "Actually, sabi ng iba ay parang lumalabas na ako pa ang may nagawang kasalanan sa kanya. Pero wala na tayong magagawa... Paraanin na lang natin ang panahon, tama na.

"Hindi ko naman siya haharapin kung hindi pa ako handang patawarin siya. Actually, noon pa nila [mga kaibigan nila ni Deborah] gustong pagharapin kami, kahit sa telepono lang. Pero sabi ko, huwag muna kasi parang pinilit mo ang situwasyon."

Para kay Lorna, na ninang ng anak ni Deborah na si Jam Melendez, ay nilagyan na niya ng closure ang lahat sa kanila ng dating kaibigan. "Sa akin tapos na yon," ulit niya.

With an additional report from Erwin Santiago



WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN