Gerald Anderson reacts to controversial "kissing photos"


Gerald Anderson answers the controversy surrounding the photo showing him kissing Farina Runkle



Ang kontrobersiyal na pictures nila ng sinasabing ex-girlfriend niya na si Farina Runkle ang unang tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Gerald Anderson kaninang tanghali, December 20, sa pocket press con ng teleseryeng Sana Maulit Muli sa 9501 resto sa ABS-CBN.

Si Farina ang girl na katabi, kayakap, at kahalikan ni Gerald sa mga larawan na kumalat sa Internet last week. Ang sabi-sabi ay naging girlfriend ni Gerald si Farina, na kasama sa mga nag-audition sa StarStruck The Next Level ng GMA-7. Napili si Farina sa Top 20 girls, pero hindi na pumasok sa Final 10 girls.

"Naging close lang po kami nu'ng nagkasama kami sa auditions ng PBB [Pinoy Big Brother] Teen Edition, nu'ng bago ako pumasok sa 'bahay ni Kuya,'" simulang pahayag ni Gerald.

"Parang papunta pa lang po kami roon [sa boyfriend-girlfriend relationship], pero hindi po naging kami. Siguro, parang MU [mutual understanding] lang... Tapos po, parang medyo nag-iba po siya nu'ng napili ako at siya hindi. Ewan ko po sa kanya kung bakit," bulalas ni Gerald in his signature Tagalog, na may pinaghalong English-Visayan accent.

Kung hindi sila naging magsyota e bakit ganu'n ka-sweet ang pictures nila? Magkaibigan lang ba yung nagli-lips-to-lips?

"Ay hindi po, hindi po talaga!" mariin niyang tanggi. "Kung naging girlfriend ko po siya, aaminin ko po. Nagulat nga po ako paglabas ko ng bahay ni kuya na may mga pictures na gano'n."

Sabi pa ng PBB Teen Edition 2nd runner-up na inila-loveteam ngayon sa grand winner na si Kim Chiu, "Pero okey lang po sa akin. Alam ko naman po ang totoo e."

Ang dating ng isyung ‘yon sa marami ay ginagamit lang siya ni Farina para pag-usapan ito at mapansin. Anong comment niya rito?

"Gawin niya kung anong gusto niyang gawin, okey lang sa akin. Basta alam ko naman ang totoo e. Alam ko naman na hindi talaga naging kami," bulalas niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa paglabas ni Farina ng mga pictures, sinabi ng 17-year-old Fil-Am bagest, "Parang mali po ‘yon, pero anong magagawa ko e lumabas na, ‘di ba? Pero kahit may pictures po na gano'n, hindi po talaga naging kami. Kung naging ex ko po siya, aaminin ko naman."

Ayon kay Gerald ay mga one-and-a-half months silang nagkakilala ni Farina at mga three weeks din silang naging close. Hindi raw siya sanay sa pangalan na Farina dahil ‘Sharleen' daw ang tawag niya rito noon. (Sharleen Farina Runkle ang complete name ni Farina.)

Agree ba siya na ginagamit lang siya ni Farina para mapag-usapan ito?

"Hindi naman po. Ayoko naman pong sabihin ‘yon. Ewan ko kung anong gusto niyang gawin," sabi ni Gerald.

Aniya pa, may nakapagsabi sa kanya na nu'ng nasa loob siya ng PBB house ay doon inilagay ni Farina ang controversial pictures nila sa Friendster account nito.

Mula nang pumasok siya hanggang sa makalabas ng bahay ni kuya ay hindi na raw niya nakausap si Farina. At kahit ngayon na may kumalat na ganitong isyu ay wala pa rin daw siyang balak hanapin at kausapin si Farina.


"Hindi na po. Kasi ayoko na po e. At saka yun nga po, nag-iba na siya. So bakit ko siya kakausapin kung ayaw niya, ‘di ba?" sagot niya.

"Okey na po ‘yon sa akin. Matagal na po ‘yon e. Nu'ng nasa bahay ni kuya pa ako, pinasok pa ‘yon [pictures] sa loob at ipinakita sa amin, so okey lang," dagdag pa ng binata.

Kita sa nasabing larawan na mariin ang pagkakahalik niya sa labi ni Farina at tipong feel na feel niya ang ginagawa nila. At hindi pala siya wholesome, ha?

"Hindi po, hindi po ganu'n!" tawa niya, na tipong nagba-blush at nahihiya sa pang-iintriga namin sa kanya.

"Ako po kasi, ayokong mambastos ng babae. May gusto siya sa akin. Ako rin, gusto ko rin siya noon. Hindi naman ako makikipag-kiss sa girl kung wala akong gusto sa kanya, 'di ba?" hirit niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

So, hanggang kiss lang ba sila?


"Opo!" sagot niya, na-shy effect pa rin at payuko-yuko at pailing-iling.

Natuwa ba siya na hindi nakapasok sa Final 10 female survivors ng StarStruck The Next Level si Farina?

"Hindi naman po. Happy ako sa kanya na nakasali siya roon. Pero hindi naman po ako natutuwa na na-eliminate siya. Okey lang po sa akin. Siguro may dahilan kung bakit siya natanggal or something," sabi ni Gerald.

Nang biruin namin ang young actor na baka ngayon ay may bago na naman siyang girlfriend na any moment ay puwedeng maglabas ng intimate pictures nila, mabilis na "Ay, wala po!" ang naging tugon niya.

"Wala akong girlfriend now. 100% sure po ako! Kung may pictures po ako ulit na lalabas, siguro kahit na anong gusto n'yong gawin sa akin, gawin n'yo na! Pero 100% sure po ako na wala," tila naghahamong sambit pa ni Gerald.

Magkatambal sina Gerald at Kim sa bagong drama series ng ABS-CBN na Sana Maulit Muli na magsisimula na sa Enero 8, 2007.



WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN