Mommy Eva is very proud of Rustom


Mommy Eva Cariño gave full support to son Rustom Padilla for the premiere night of the movie where Rustom plays a gay beautician



Dumalo sa premiere night ng ZsaZsa Zaturnnah Ze Moveeh si Eva Cariño, ang ina ni Rustom Padilla, na isa sa pangunahing bida sa Regal Entertainment movie. Kasama ni Mommy Eva ang iba pang kapatid at pamangkin ni Rustom, maliban kina Robin at Rommel Padilla.

Ginanap ang premiere night last Wednesday, December 20, sa SM Megamall Cinema 10.

Ang ZsaZsa Zaturnnah ang kauna-unahang gay role ni Rustom sa pelikula pagkatapos niyang aminin ang kanyang tunay na sexual preference. January of this year ay nakasama siya sa Pinoy Big Brother Celebrity Edition at doon sa loob ng Bahay ni Kuya niya inamin na isa siyang bakla.

Ayon kay Mommy Eva ay tanggap na niya ang pagiging bakla ni Rustom kaya naman pinanood niya ang pelikula nito kung saan gumaganap ang aktor bilang Ada, isang gay beautician. Sa katunayan ay very proud daw siya kay Rustom.



"Alam mo, si Rustom, nasa tamang edad na. Siyempre, ang desisyon na niya ang sinusunod niya, pero wala akong magagawa. Pero dito sa movie niya, gusto ko pa rin siyang mapanood," nakangiting pahayag ni Mommy Eva sa PEP (Philippine Entertainment Portal) habang hinihintay ang pagsisimula ng premiere night ng ZsaZsa Zaturnnah—na na-delay ng mahigit apat na oras.

Dagdag pa niya, "Sa [lahat] ng mga anak ko, tuloy-tuloy pa rin ang suporta ko sa kanila. Siyempre, mga anak ko sila e."

Sinabi rin ni Mommy Eva na hinahanap noon sa kanya ni Rustom ang mga salitang "I love you" dahil noon daw ay hindi niya nakasanayang sabihin ito. Pero ngayon daw ay parang bulaklak na sa kanila ang "I love you."

"Ngayon, nag-a-‘I love you' na kami... Sa lahat ng mga anak ko ay nagsasabi na ako ng ‘I love you,'" sabi niya.



"Si Rustom, sa totoo lang, ay napakabait at masunurin. Na-misinterpret siya noon na inaapi ko daw siya dahil wala akong bukambibig kundi ‘Rustom, Rustom.' Kaya ko siya laging tinatawag, kasi nga, siya ang madali kong utusan. Masunurin talaga siya at saka loner siya," dagdag pa ni Mommy Eva.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Natawa si Mommy Eva nang sabihing magkasing-ganda sila ni Rustom sa hitsura nito sa ZsaZsa Zaturnnah. Aminado naman ang proud na ina na talagang maganda ang kanyang anak.

"Hindi ko pa nakikita ngayon si Rustom. Kahit noon na nababalitang nagsusuot ng ganyan ay kamukha ko daw, pero di pa ko nakikita kung ano talaga ang hitsura niya. Marami nga ang nagsasabing maganda siya," nakangiting sabi ni Mommy Eva.



Samantala, masaya si Mommy Eva sa itinatakbo ng career ni Rustom at maging ni Robin.

Ayon sa kanya, "Happy ako kay Rustom as an actor. Kung ano man ang gagawin niya at mga klase ng roles na gagampanan niya ay wala na akong magagawa. Nasa tamang edad na siya at alam na niya kung ano ang gusto niya sa buhay niya. Nirerespeto ko naman ang kanyang desisyon.

"Si Robin naman, very proud ako sa kanya dahil matagal din siyang nawala sa sirkulasyon. Almost two years na wala rin siyang pelikula, walang teleserye. Pero ngayon ay sunod-sunod na. So proud na proud ako sa mga anak ko, pati si Rustom."

Nang tanungin kung bakit wala sina Robin at Rommel sa premiere night ng pelikula ni Rustom, ibinalita ni Mommy Eva na nagte-taping ang dalawa ng Asian Treasures—ang GMA-7 adventure series na magsisimula ngayong January 2007.

Halos lahat ng mga anak ni Mommy Eva ay nasangkot noon sa intriga kaya kinuwestiyon ang pagpapalaki niya sa mga ito. Pero ipinagkibit-balikat lamang daw ito ng celebrity mom.

"Ako naman, sa pagpapalaki sa mga anak ko, wala akong pagkukulang. Disciplinarian ako at saka istrikta. Kasi nakita mo naman ang mga anak ko noong nasa kalagitnaan ng problema, para akong nakipagbuno sa elepante. Pero kay Rustom ay wala naman akong naging problema," sabi niya.

Ayon kay Mommy Eva ay tila nakamit na ng kanilang pamilya ang peace of mind na kanilang hinahanap dahil wala nang napag-uusapang intriga sa kanila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa awa ng Diyos, lahat kami ay nagkaroon na rin ng peace of mind," nakangiting sabi ni Mommy Eva. "Kasi noon ay napipikon ako kung minsan. Talagang napakasakit, nagagalit ako sa mga intriga nila sa anak kong si Rustom... Mga blind items, alam ko na si Rustom 'yan.

"Pero ngayon, sanay na ako. So, nasabi ko na lamang sa sarili ko na, sige na, bahala na sila kung ano ang sasabihin nila. Na-overcome ko na ang mga bagay na ‘yan, pati na rin si Rustom."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN