Cesar and Sunshine still passionate about each other


Husband and wife Cesar Montano and Sunshine Cruz still keep the fire burning in their eight-year relationship.


Mistulang naging miyembro ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) si Sunshine Cruz sa love scene ng kanyang asawang si Cesar Montano at ang sexy star na si Gwen Garcia sa pelikulang Ligalig.

Una, kinunan ang naturang love scene habang wala sa set si Sunshine, na bukod sa pagiging leading lady ng kanyang asawa ay line producer rin ng naturang pelikula.

Pangalawa, nang malaman ni Sunshine na kinunan na ang love scene ay agad daw niyang ipina-review ang tape ng eksena.

Mabuti na lang at sa halip na maapektuhan ng eksena ay napa-wow pa raw ang aktres sa eksena. Sa katunayan, siya pa umano ang kumumbinsi kay Cesar na maghubad para sa pelikula.

"Never naman akong pumupunta sa mga ganu'ng kinukunang eksena kasi maiilang sila [other stars]. At the same time, imbes na makatulong ako ay baka makagulo pa ako," sabi ni Sunshine sa taped interview sa kanila ni Cesar ng The Buzz na ipapalabas ngayong hapon, December 24.

"'Yon namang love scene, kinunan 'yon noong time na nagtatampo na ako kay Buboy [palayaw ni Cesar] dahil sa 'gagamba' scene. Gumawa ako ng paraan para makita ko yung digital camera kung anong scene ang kinunan at doon ko nakita."

(Napabalitang gumamit si Cesar ng totoong gagamba sa eksena ni Sunshine kung saan kinailangan nitong magtago sa ilalim ng kama, gayo't malalim ang takot ni Sunshine sa mga gagamba. Sa pelikula, gumapang ang gagamba padaan sa mukha ni Sunshine.)

"Naintindihan ko naman, it's part of the work. Artista din ako so naiintindihan ko. As long as na nasa harap ng kamera, walang problema. Pero sa likod naman ng kamera, ako lang," nagbibirong dagdag ni Sunshine.

Inamin din ng aktres na talagang iyakin, emosyonal, at selosa siya. Pero ipinagtanggol naman siya ng kanyang mister.

Sabi ni Cesar, "Natural 'yon. Para sa akin, ang pagseselos e parang sign 'yan ng love. Sa amin, kapag walang pakialam sa 'yo, wala kaming pakialam d'yan. Kahit anong mangyari sa buhay mo."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Bago pala simulan ang shooting ng Ligalig, nagpa-audition si Cesar ng mga female na magiging partner niya sa love scene na magsisilbing opening scene ng pelikula. Pero si Sunshine daw ang nag-decide kung sino ang kukunin para sa role.

"Ang sabi ko, let's get somebody na confident talaga sa katawan and sexy. Yun talagang maganda ang korte ng katawan and that was Gwen [Garci]. Naniwala naman siya [Sunshine] sa suggestion ko," paliwanag ni Cesar.



Nang tanungin ng co-host na si Kris Aquino kung ano ang suot niya sa love scene nila ni Gwen, walang patumanggang "nothing" ang sagot ni Cesar.

"Ano ka ba, naka-brief ka lang e!" hirit ng misis niyang si Sunshine.

"Hindi, boxer short lang. Baka magtakbuhan na lamang ang mga tao dito," biro pa ni Cesar.



Ang nakakatawang napag-usapan pa ay ang walong taong pagsasama nina Cesar at Sunshine. Tinanong sila ng isa pang host na si Boy Abunda kung papaano nila napapanatili ang init ng kanilang pagmamahalan.

Dito ay prangkang nagsalita si Cesar. "Ewan ko, lagi ko namang pinagnanasaan ito [Sunshine] e. Kaya nga kapag palakad-lakad itong naka-shorts sa bahay, sabi ko nanganganib na naman ito. Sabi ko, ‘Ikaw rin, delikado ka na naman sa akin!' Kaya madalas naka-pajama 'yan, naka-jogging pants," natatawang kuwento ng actor-director.

Sabad naman in Sunshine, "'Pag sinabi niyang, ‘Hoy, humanda-handa ka!' Tatakbo na ako ng kuwarto, magdya-jogging pants ako. Kasi kinakabahan na ako."

Ang Ligalig, official entry sa 2006 Metro Manila Film Festival, ay binigyan ng grado na Rated A ng Cinema Evaluation Board.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN