Bong mum about Gretchen's alleged snub


Senator Bong Revilla (pictured) was allegedly snubbed by Gretchen Barretto during a birthday party.



Isang post-Christmas party ang ibinigay ng mag-asawang Senator Ramon "Bong" Revilla, Jr. at Lani Mercado sa entertainment press nitong December 28, sa Annabel's Restaurant.

Kasama ng mag-asawang nag-entertain sa mga bisita ang anim nilang anak na sina Brian, Jolo, Inah, Gianna, Lourdette, at Vicente Ramon. Naroon din ang mga kapatid ni Bong na sina Andeng Ynares (kasama ang asawa nitong politiko na si Jun Jun Ynares) at si Rowena Bautista-Mendiola.

Sa nasabing pagtitipon ay hindi nakaligtas sa intriga si Bong nang tanungin siya ng mga TV reporters tungkol sa issue na inisnab daw ni Gretchen Barretto ang actor-politician sa birthday party ni Lorna Tolentino sa MDC Bar (pag-aari ni Senator Jinggoy Estrada), sa Wilson Street, San Juan, noong December 23.

Ayon sa mga nakasaksi, si Lani lang daw ang binati ni Gretchen samantalang katabi ng una si Bong.

Sinagot na ito ni Gretchen nang interbyuhin siya sa mismong birthday party ni Lorna. Sabi niya ay lagi raw naman niyang binabati si Lani dahil nirerespeto niya ito.

Ayaw nang mag-comment ni Bong tungkol doon. Tatahimik na lang daw siya dahil kaibigan din daw niya ang partner ni Gretchen na si Tonyboy Cojuangco.

Ayon pa sa kanya, as showbiz personalities, hindi puwedeng walang intriga lalo pa ngayon na may pelikulang ipinalalabas si Gretchen—ang Matakot Ka Sa Karma na kalahok sa isinasagawang Metro Manila Film Festival (MMFF).

Since New Year na, tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Bong kung ano ang wish nila ni Lani para kay Gretchen.

"Wish ko na lalo siyang maging maligaya with Tonyboy and their daughter Dominique," sagot ni Bong.

"I know deep in her heart, gusto niyang makasal at iyon ang wish ko sa kanya—marriage with Tonyboy," pahayag naman ni Lani. "I have a happy marriage and we're blessed with six beautiful children at gusto ko ganoon din siya...happiness with Tony Boy and daughter Dominique."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saan naman sila magsi-celebrate ng New Year?

"Naging tradition na naming buong pamilya kahit noon pa," sagot ni Bong, "na sa loob ng simbahan kami inaabutan ng New Year. Sa Imus Cathedral kami sama-samang nagsisimba. Pagkatapos ng mass, umuuwi kami sa bahay namin sa Imus at doon nagsasalu-salo at nag-e-exchange gift. New Year's day, sa kanya-kanya na kaming bahay."

Dagdag pa niya, "Sa January 6, pupunta kami sa Bicol para dalhin ang donations namin sa mga naapektuhan ng bagyong Reming doon. Ibibigay ko lahat ‘yung napanalunan ko sa Deal or No Deal at saka iyong iba pa naming nalikom. Sana may iba pang tumulong sa kanila." Matatandaang nanalo si Bong ng kalahating milyong piso sa Deal or No Deal, ang ABS-CBN game show kung saan host si Kris Aquino.

Inanunsiyo na rin ni Bong na malamang kumandidatong vice-governor ng Cavite si Lani sa local elections next year. Si Brian, ang eldest niya, ay napabalitang kakandidatong councilor, pero hindi raw matutuloy ‘yon kapag kumandidato si Lani. Ang kapatid naman ni Bong na si Strike ay kakandidatong mayor ng Bacoor.

Sinabi rin ni Bong na ang brother-in-law niyang si Jun Jun Ynares (husband ni Andeng), ay kakandidato naman sa Rizal Province. Ngunit nang makausap ng PEP si Jun Jun ay itinanggi niya ito.

Ayon kay Jun Jun, binibiro lang daw siya ni Bong dahil first-termer pa lang daw ang ama niyang si Governor Casimiro Ynares ng Rizal. Napag-usapan na raw ng pamilyang Ynares na walang kakandidatong ibang miyembro ng kanilang pamilya habang nakaupong gobernador ang kanilang ama.

Ayon sa batas, ang isang gobernador ay maaaring mahalal ng tatlong terms o maximum ng nine years.

Samantala, sa year 2007 ay dalawang pelikula ang balak gawin ni Bong—isang action movie na pambata at isang pang-entry niya sa MMFF 2007. Ibinalita rin niyang konting panahon na lamang daw ay maa-approve na sa Senado ang bill para sa industriya ng pelikula na isa siya sa may-akda. Ang bill ay nagtatalaga na 10 percent na lamang ang tax na sisingilin sa paggawa ng pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matagal nang iniinda ng entertainment industry ang kasalukuyang 35 percent tax sa mga pelikulang Pilipino. Kung maaaprubahan ng tuluyan ang bill na isinusulong ni Bong at mga kasamahan nito sa Senado, malaking tulong ito sa pagbangon ng industriya ng pelikulang Pilipino.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN