Ai-Ai delas Alas still undecided about renewing her contract with ABS-CBN


"Sinabi ng Channel 2 na bibigyan nila ako ng show. In fairness, binigyan naman nila ako. Pero isa lang, yung Super Inggo. Gusto ko dalawa," says Ai-Ai delas Alas.



For the first time ay magba-back-to-back concert ang comedian-singer-composer na si Ogie Alcasid at ang comedienne na si Ai-Ai delas Alas on February 13 and 14 via Love to Laugh, na gaganapin sa Music Museum.

Madalas kasi ay guest lang nina Ogie at Ai-Ai ang isa't isa sa mga concerts nila, kaya this time ay mala-Regine Velasquez si Ai-Ai na makikipagsabayan sa kantahan kay Ogie.

"Nakakatawa naman ‘yan. Why not?" tawa ni Ai-Ai nang sabihing siya muna ang papalit sa trono ng Asia's Songbird, sa press con ng Love to Laugh kahapon, January 31, sa Uno restaurant, Tomas Morato.

Nang tanungin kung naniniwala siyang may relasyon sina Ogie at Regine ay tumangging magkomento ni Ai-Ai. Aniya ay wala raw siyang alam sa isyu.

Noong 2004 pa ang huling major concert ni Ai-Ai na ginanap sa Araneta Coliseum. Ibinalita ng comedienne na sometime this year ay magkakaroon daw ulit siya ng major concert ngunit hindi pa siya makapagbigay ng ibang detalye.

Sa Valentine concert nila ni Ogie, sinabi ni Ai-Ai na maraming bagong magaganap.

"Katulad ng—mas maganda ang katawan ko ngayon! At mga sexy outfits ang isusuot ko, as in, very showgirl. At maraming dance numbers!" kuwento ni Ai-Ai sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

Kahit sila lang ni Ogie ang magkasama sa Love to Laugh, hindi natatakot si Ai-Ai na ma-link sila ng tinagurian Mr. Songwriter. Magpinsan daw kasi sila, although medyo malayo na.

Biniro namin si Ai-Ai na baka magaya sila ni Ogie kina Janno Gibbs at Gladys Guevarra na napabalitang nagkarelasyon. Balita pa ngang kaya nag-resign si Gladys sa Eat Bulaga! ay dahil kay Janno.

"At least ako, hindi ako magre- resign sa noontime show! Kasi una sa lahat, wala naman akong noontime show na pagre-resign-an!" malakas na tawa niya.

"Diyos ko, baka sabihin, hindi ako original! Magre-resign ako sa noontime show... Paaano ako magre-resign sa noontime show e wala nga akong noontime show?" tawa ulit ni Ai-Ai.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bagama't malapit na ang Araw ng mga Puso, tumanggi si Ai-Ai na pag-usapan ang kanyang lovelife. Basta maganda raw naman ang buhay-pag-ibig niya ngayon, kaya lang ay luma na raw.

Aniya, kapag may lovelife siya, dun lang siya maingay. Pero kapag tahimik daw siya, ibig sabihin nun ay walang bago.

"'Pag tahimik ako, alam na ninyo yun kung bakit," natatawang pahayag ni Ai-Ai.

Samantala, hindi na natuloy ang balitang paglipat ni Ai-Ai sa GMA-7 mula sa ABS-CBN.

"Wala silang offer. Wala ng offer, natapos na ang offer. Ang offer nila yung Bakekang na hindi naman natuloy," sabi ni Ai-Ai.

Dagdag pa niya, "Sinabi ng Channel 2 na bibigyan nila ako ng show. In fairness, binigyan naman nila ako. Pero isa lang, yung Super Inggo. Gusto ko dalawa."

Ayon kay Ai-Ai ay tapos na ang kontrata niya sa Dos, pero hindi pa niya alam kung magre-renew siya. Titingnan muna raw niya dahil marami pa naman daw siyang ibang raket ngayon. Although nilinaw naman ni Ai-Ai na nakikipag-meeting sa kanya ang management ng Dos at may interes daw ang mga ito na i-renew ang kontrata niya.

Sinabi pa ni Ai-Ai na primarily isa siyang concert artist ngayon. Sayang daw kasi ang mga raket niya sa abroad na siyang priority niya ngayon. Times-48 (kasalukuyang halaga ng isang dolyar sa piso) nga naman kasi ang bayad sa kanya ‘pag nagsu-show siya sa Amerika, at mas malaki pa kung sa Europe.

"Mas malaki ang balik kaya mas concentrated ako sa pagiging concert artist," sabi ni Ai-Ai.

Bukod sa pagiging concert artist at paglabas sa TV, aktibo pa rin sa paggawa ng pelikula si Ai-Ai. Sa katunayan ay magbubukas na ang latest movie niya from Star Cinema na Ang Cute ng Ina Mo sa April. Kasama niya rito sina Anne Curtis at Luis Manzano, with character actor DJ Durano as her love interest.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Ai-Ai ay sobrang layo raw ng Ang Cute ng Ina Mo sa Ang Tanging Ina (2003), na tumabo nang husto sa takilya. Hindi raw sequel o spoof ng Ang Tangin Ina ang Ang Cute ng Ina Mo, pero "pang-award" din daw ang acting ni Ai-Ai rito.

"Isa lang ang anak ko dito, si Anne. Ang pareho lang, nanay rin ako," sabi pa ng comedienne.

Biniro namin si Ai-Ai na sa dami ng raket niya ngayon ay sobrang yaman na siguro niya.

"Kung mayaman ako, e di nasa top 40 richest in the Philippines na ako ng Philippine Inquirer! Hindi ako umabot kahit man lang sa 1,500! Yun ang rich, kapag kasama ka sa listahan na yun, rich ka. Kapag hindi, sorry, hindi ka masyadong rich!" tawa nang tawang sabi ni Ai-Ai.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN