Jopay Paguia's father to be cremated tomorrow


"Sabi ng Papa ko, huwag daw akong umiyak. Pero hindi ko kaya kasi mahal na mahal ko siya," says Jopay Paguia about the passing of her father.


Huling araw na ng burol sa St. Peter Memorial Quezon Avenue ng yumaong ama ng SexBomb Girl na si Jopay Paguia. Bukas, February 6, ay ike-cremate na ang mga labi nito.

Inatake sa puso ang 56-year-old father ni Jopay na si Dionisio Paguia noong nakaraang Wednesday, January 31, ng madaling-araw. Ayon sa manager ni Jopay na si Joy Cancio, taranta raw silang lahat sa Focus E dahil sa nangyari sa ama ni Jopay. Alam nilang mahal na mahal ng dancer ang ama na matagal nang maysakit.

Dito raw kasi napupunta halos lahat ng mga kinikita ni Jopay sa mga shows. Maraming gamot ang kailangan ng ama ni Jopay at weekly raw ang pagpapa-checkup nito sa ospital.



"Lungkot na lungkot kami para kay Jopay. Mahal na mahal niya ang daddy niya," sabi ni Joy nang makapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal). "Kami nga nagulat kasi hindi namin inaasahan ang pangyayaring ‘yan. Ipinagdasal na lang namin ang daddy ni Jopay. At siyempre, dasal din namin na lakasan pa ni Jopay ang loob niya."



Pangarap daw ng ama ni Jopay na mapanood niyang magbida ang anak sa Daisy Siete. Natupad nga ito sa 14th season ng Daisy Siete na "Siete Siete, Mano Mano." Kaso nga lang ay hindi na mapapanood ng ama ang kanyang anak.



Pero bilib daw sina Joy sa professionalism ni Jopay dahil kahit nakaburol na ang ama nito ay nagawa pa niyang mag-taping para sa episode ng Daisy Siete na ieere ngayong Monday.



"Iniisip ko rin kung kakayanin ba ni Jopay. Pero wala na rin akong magawa kasi for airing ang ite-taping nila this Monday. Kahit alam kong wala sa sarili si Jopay, nag-taping pa rin siya," sabi ni Joy.

"The show must go on talaga. Hanga ako kay Jopay dahil umiral pa rin ang pagiging professional niya sa trabaho. Whatever happens, nandito kaming lahat na nakasuporta kay Jopay at sa pamilya niya," pagtatapos ng SexBomb manager.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN