Kristine and Diether get a taste of Gladys Reyes's whip


"Kasi hindi na nakakatuwa ang gano'n na hihintayin pa kayo. Bakit n'yogagawin ‘yon? Hindi ba nila alam na may mga napeperhuwisyo silang mgatao na kailangan pang magtrabaho? Naku, busy rin ako, ‘no!" says Gladys Reyes about the "unprofessionalism" of Diether Ocampo and Kristine Hermosa.


Hindi napigilan ng aktres na si Gladys Reyes ang magtaray sa set ng taping ng Homeboy ni Boy Abunda last week, dahil sa magkasintahang Kristine Hermosa at Diether Ocampo, na diumano ay very unprofessional pagdating sa pagsunod sa itinakdang call time.



Ayon sa kuwento ni Gladys sa PEP (Philippine Entertainment Portal), sa pamamagitan ng telepono kaninang umaga, February 7, 1 p.m. daw ang call time ng taping.

Nagpaalam daw ang aktres sa talent coordinator ng Homeboy na hanggang 3 PM lang siya, dahil may taping pa siya para naman sa Bahay Mo Ba 'To?, isang comedy sitcom sa GMA-7 kung saan siya ay mainstay. Naloka raw si Gladys dahil pasado alas-dos na ay wala pa raw sina Kristine at Diet.



"Ako naman, pasensiyosa akong tao. Nasanay na ako sa ganyang taping na nade-delay dahil may hinihintay kang mga artista. Pero yung minsan ka lang makiusap dahil may taping din naman ako, tapos ganun pa ang gagawin nila, nakakainis, ‘di ba?" nanggagalaiting kuwento ni Gladys.



Dagdag pa niya, "Ganito siguro ako, kasi never akong nagpahintay ng mga tao sa tapings or sa shootings. Magtanong pa sila sa mga nakatrabaho ko—be it ABS-CBN or GMA-7—wala silang masasabing nagpahintay ako nang matagal sa set.



"Ang nakadagdag pa ng inis ko ay alam na nga nilang late sila, aba, parang hindi pa sila nagmamadaling kumilos! As in, nakangiti pa sila noong dumating, not knowing na super-late na sila at may mga naabala na silang mga tao!" paglalahad pa ni Gladys.

May nakapagsabi raw kay Gladys na nasa itaas lang ng ABS-CBN building sina Kristine at Diether, pero ayaw daw bumaba ng dalawa. Nang tumungo sa set ang magkasintahan ng alas dos y medya, sininghalan daw kaagad ni Gladys ang mga ito.



"Naku, hindi ko napigilan ang sarili ko!" sabi ni Gladys. "Talagang sinabi ko, ‘Late kayo!' Tapos sinegundahan ko pa ng, ‘O magsimula na tayo at nandito na ang mga superstars!'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Kilala n'yo naman ako, hindi ako plastik na tao. Kung iritada ako at naiinis, ipapakita ko talaga. Kasi hindi na nakakatuwa ang gano'n na hihintayin pa kayo. Bakit n'yo gagawin ‘yon? Hindi ba nila alam na may mga napeperhuwisyo silang mga tao na kailangan pang magtrabaho? Naku, busy rin ako, ‘no!" litanya pa ng misis ng aktor na si Christopher Roxas.



Pero napawi rin daw ang galit ni Gladys nang mag-sorry sina Kristine at Diether sa kanya. Hindi raw kasi sila aware na hinihintay na raw pala sila sa taping.



Ani Gladys, "Kami naman ni Diet, magkaibigan kami kaya nung mag-sorry siya, okay na ako. Alam din kasi niya na hindi ako nagpapahintay. Almost one year din kaming nagkatrabaho ni Diet sa isang soap sa Dos kaya kilala na niya ako.



"Kapag nailabas ko naman ang galit ko, wala na ‘yon. Gusto ko lang ipaalam sa kanila na hindi tama yung nagpapahintay sila ng ibang tao. Kung hindi sila nahiya sa mga guests na tulad ko, mahiya sila sa host na si Kuya Boy [Abunda]. Imagine, pare-pareho kaming naghintay para lang sa kanila?



"Hindi lang naman ‘yan para kina Kristine at Diet kundi pati na rin sa ibang baguhan sa showbiz. Mas malalayo ang mararating nila kapag professional sila parati," pagtatapos ni Gladys.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN