Kim Chiu admits she has a crush on Gerald Anderson


"Yung boys, kahit artista man ako o hindi, nandiyan pa rin 'yan," says Kim Chiu about prioritizing her career over boys.



Inamin ng young actress na si Kim Chiu na pinapayuhan siya ng kanyang ama na huwag na munang magkaroon ng boyfriend at unahin na lamang ang kanyang career.

"Wala pa pong pwedeng manligaw. Trabaho na lang daw po muna kasi dito ko raw po kinukuha 'yong pang-aral sa mga kapatid ko," pahayag ng Pinoy Big Brother Teen Edition grand winner sa press con ng kanyang bagong ini-endorse na pH Care.

Ayon sa dalaga, itinuturing niya ang kanyang sarili na breadwinner ng kanyang pamilya kung kaya't hindi muna niya dapat pabayaan ang kanyang career sa ngayon.

"Kung mawawala po 'to o mawawala ako sa focus ng trabaho ko, siyempre hindi po maganda 'yong kakalabasan," paliwanag ni Kim.

Ika-apat si Kim sa limang magkakapatid. Bagama't bata pa—she will just turn 17 years old on April 19—alam na ni Kim kung ano ang dapat niyang i-prioritize sa kanyang buhay. Para sa kanya, "Siyempre po trabaho po muna. Sabi nga po ng iba, matatapos naman po kaagad itong sinasabing kasikatan. Yung boys, kahit artista man ako o hindi, nandiyan pa rin 'yan."

Sa kabilang banda, bagama't ipinagbabawal pa ng kanyang ama ang mga manliligaw, inamin naman ni Kim na may pagtingin siya sa ka-loveteam niyang si Gerald Anderson. Unang nagkakilala ang dalawa sa loob ng Bahay ni Kuya nang kapwa pa sila housemates sa Pinoy Big Brother.

"Crush ko po siya, pero hanggang dun na lang po muna," nakangiting sagot ni Kim nang tanungin kung anong maisusukli niya sa pag-amin ni Gerald na may gusto siya sa ka-partner niya sa Sana'y Maulit Muli at Aalog-alog.

Sa katunayan, inilarawan pa ni Kim kung bakit niya naging crush ang binata. "Gentleman siya, lagi siyang nandiyan para sa 'yo. ‘Ayun, lagi kaming pinapasaya kahit madaling-araw doon sa taping namin," sabi ni Kim tungkol kay Gerald.

Nang tanungin kung may pag-asa bang ma-develop ang crush na ito kung sakaling payagan na siya ng kanyang ama, maikli ang naging sagot ni Kim: "Hindi ko po masasabi 'yon."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN