Boy2 Quizon survives near plane crash


Boy2 Quizon escapes death anew as his flight back to Manila nearly crashed.



Muli na namang nalagay sa kapahamakan ang aktor at apo ni Mang Dolphy na si Boy2 Quizon nang magkaroon ng problema ang sinasakyan nitong eroplano na nanggaling sa Boracay noong Biyernes, February 16.

Sa interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Boy2 sa telepono noong Lunes, ganoon na lamang ang pasasalamat niya dahil sa ikalawang pagkakataon ay nakaligtas siya sa aksidente.

"Grabe talaga ang nangyaring ‘yon! Halos masuka-suka ako at grabeng hilo ang naramdaman ko. Nasira kasi yung harapang gulong ng eroplano. Ayaw bumukas ang gulong kaya paano kami magla-landing?

"Kaya naman umikot-ikot muna sa ere yung sinasakyan naming Asian Spirit. Siguro mga dalawang oras ‘yon para ubusin ‘yung gasoline at nilinis muna yung runway para sa pagbaba namin ay hindi kami sumabog," panimulang kuwento ni Boy2.

Matatandaang noong nakaraang bagyong Reming ay naipit si Boy2 sa kasagsagan nito habang nasa Bicol siya para i-promote ang kanyang concert doon. Nawarak ang hotel na tinigilan nila, lumipad ang buong bubong nito at nagkabasag-basag ang mga salamin.

This time, nasa Boracay ang apo ni Mang Dolphy para umabay sa kasal ng isang kaibigang may-ari ng isang club doon.

Noong February 13 lumipad patungong Boracay si Boy 2, February 15 ang kasal at kinaumagahan ay bumalik na sila ng Manila.

"Katakot-takot na nerbiyos ang naranasan ko!" patuloy pa ni Boy2. "Lahat yata ng santo ay natawag ko na. Ganoon pala ang feeling kapag nasa peligro ang buhay mo na anytime ay puwede kang mamatay."

Sa kabutihang-palad, walang nangyaring masama kay Boy2 at sa mga pasaherong kasabay niya at minor damage lang ang natamo ng eroplano.

After this incident, nasabi ni Boy2 na ikalawa o ikatlong buhay na niya ito dahil muli siyang iniligtas ng Diyos sa anumang kapahamakan. Kaya naman mas tumindi ang kanyang pananalig sa Diyos dahil sa naturang insidente.

Samantala, anytime ay magsisimula na ang taping ng Lupin, kung saanisa si Boy2 sa main cast. Nagka-aberya ito dahil sa pagsabak ni Cesar Montano sa pulitika. Si Cesar kasi ang dapat na maestro ni Richard Gutierrez (gaganap bilang Lupin) sa pagiging matinik na magnanakaw. Kaya't kailangang humanap ang GMA-7 ng kapalit ni Cesar.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Masaya at excited si Dos sa Lupin dahil gagampanan niya rito ang isang hustler na magnanakaw kasama si Richard. Ngayon pa lang ay naghahanda na si Boy2 sa kanyang papel at kung mayroon daw siyang makukuhang mga tunay na magnanakaw na magtuturo sa kanya para maging magaling na mandurukot ay papayag siya.

"Kung mahaba-haba nga ang oras, gusto kong maglakad-lakad sa labas. Gusto kong mag-observe sa bandang Quiapo o sa mga mataong lugar kung paano ang posibleng sitwasyon na makakabiktima ang isang mandurukot.

"Siyempre, halos imposible namang makatiyempo na may aktuwal na mandurukot doon. Pero ang point ko lang, para makita ko lang ang first-hand situation kung paano ang posibleng scenario kung paano ang makapandukot," pahayag pa ni Boy2.

Idinagdag pa niya na ang Lupin ay nag-originate sa France. Isa itong French movie na eventually ay ginawang Japanese animé. Noong naging animé ang Lupin ay doon ito pumatok. Pero sa France raw ito talaga nanggaling. Nagdesisyon ang GMA-7 na mas ibase ang Lupin sa French version dahil mas malapit ito sa karakter ng mga pangunahing bituin mula sa Kapuso Network.

Ayon pa sa kulot na aktor, ibang Boy2 ang makikita rito at hindi tulad ng kengkoy na aktor na napapanood sa Bubble Gang.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN