Hope is "obsessed" with James, says her former co-workers


"Siguro, si Hope nami-misinterpret lang niya yung pakita sa kanya ni Sir James. 'Tapos binigyan niya ng malaking issue," says Hope's former co-employee.


Sa panayam ng Startalk kaninang hapon, February 24, kay Hope Centeno, ang bababeng diumano'y naka-relasyon ng mister ni Kris Aquino na si James Yap, nabanggit ng dating receptionist ng Belo Medical Clinic ang pangalan ng dalawa niyang katrabaho. Ayon kay Hope, alam daw ng mga ito ang relasyon nila ni James.

Ang tinukoy na mga pangalan ni Hope ay sina Elise Estrada Pescones at Mitos dela Cruz na facialist at scrubber, respectively, ni James sa klinika na pinapasukan noon ni Hope.

Kinunan din ng pahayag ng Startalk sina Elise at Mitos, kasama na ang sinasabing kaibigan ni Hope na si Nice Pangan, isang aesthetician, tungkol sa pagkatao ni Hope at ang motibo nito sa pagsisiwalat niya sa diumano'y relasyon nila ni James. Kinontra ng tatlo ang kuwento ni Hope.

Ayon sa salaysay ni Hope, si Elise daw ang nagpakilala sa kanya kay James. Alam din daw ni Elise ang nangyayari sa kanila ni James dahil ikinukuwento ito ni Hope sa kanya.

"Nagkataon lang kasi na ako ang facialist niya [James] that time," panimula ni Elise. "Matagal ko nang alaga si James sa facial, so pumupunta siya rito for a facial like twice or once a month, minsan weekly kung kailangan."

Dagdag pa niya, "Si Hope kasi, siya yung humahawak ng mga schedules, siya yung nagku-confirm... Siya yung may handle sa reception for the scheduling."

Mariin ding pinabulaanan ni Elise na siya ang nagpakilala kina James at Hope, at hindi niya raw kukunsintihin ang ganitong mga bagay.

"Alam n'yo, hindi ko naman pwedeng gawin ‘yon kasi siyempre may asawa rin ako, may mga anak din ako. Alam ko naman ang mararamdaman ng isang tao kapag na-involved siya sa isang ganun," paliwanag ni Elise.

THE ALLEGED AFFAIR. Hindi rin naniniwala sina Elise at Mitos na may namamagitang relasyon sa pagitan nina James at Hope.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Mitos, "Sa tingin ko po wala kasi, sa totoo lang po, ayaw po ni Sir James. Talagang takot na takot siya kay Ms. Kris Aquino. So, sa tingin ko po, wala talagang nangyayari or relasyon sila ni James.

"Si Hope po talaga, sumisilip ‘yan sa room. Si Sir James, ayaw niya na iiwanan ko siya, 'tapos gusto niya naka-open yung door. ‘Tsaka hindi po ako umaalis dun, kasi nga po, ayaw po ni Sir James. Hindi po totoo yun [affair], kasi po nandun po ako. Never pong nangyari na ginagawa ko si Sir James na nandun siya," kuwento pa niya.

Mariin ding pinabulaanan ni Mitos ang kuwento ni Hope na sa mismong loob ng klinika sila nagniniig ni James.

"Hindi po," diin niya. "Kasi bigla na lang siyang [Hope] papasok sa room. Pero yun po ang sinasabi ko, naka-open yung room, nandiyan si Sir James, ako, at saka siya. Siyempre ako po, ayoko po nung makikita ng tao na nandun siya. Hindi ko po iniiwan si Sir James. At yun din ang gusto ni Sir James, huwag ko siyang iwanan."

Patuloy ni Mitos, "Kaya nga po natakot ako, ni-report ko na po ito sa head namin na pagsabihan siya [Hope], kasi lahat kami madadamay. Hindi pwedeng palalagpasin ‘yan. Kung may hina-harass na mga pasyente, dapat makorek ‘yan agad. So ang ginawa ng management, kinausap siya [Hope], parang, ‘O, ikorek ‘yan.' 'Tapos ang ginawa, itong si Hope, nag-AWOL [absence without leave] na siya, parang hindi na siya nagpakita.

"Kasi wala naman po talaga akong nakikita. 'Tsaka yung time para magawa nila yun, kasi every hour po may pasyente kami... Para mangyari po ‘yon, napakaimposible," pahayag pa niya.

OBSESSION. Direkta namang sinabi ng kaibigan ni Hope na si Nice na posibleng na-o-obsess ang una sa asawa ni Kris.

"Alam ko po na crush niya talaga si Sir James," sabi ni Nice.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ikinuwento ni Nice na madalas daw magpakuha ng litrato si Hope kasama si James sa vicinity ng klinika. Ito ang mga larawang ipinakita ni Hope sa Startalk bilang patunay diumano na may relasyon sila ni James.

"Ang gusto niyang gawin, palakihan tapos i-print at palitan ang background. Hindi ko nga po alam kung bakit gusto niyang palitan ang background yung mga pictures nila, e. Kaya kung sinasabi niya po na meron siyang pictures na silang dalawa lang [ni James], dito lang po yun sa clinic, kasi kahit kami po nagpapa-picture din," pagpapatunay pa ni Nice.

Tungkol naman sa ibinibidang text messages ni Hope na galing diumano kay James, sinabi ni Nice na, "Siguro kung nagte-text man si Sir James, dahil po nagku-confirm siya. 'Okay, darating ako,' pati po yun sine-save niya [Hope] sa cell phone niya. So hindi ko po alam kung ano ang purpose niya, kung bakit niya ginagawa."

Umabot din daw sa puntong nagpapalit ng schedule si Hope ng trabaho upang mas makita niya nang mas madalas si James.

Ayon kay Nice, tuwing Lunes daw talaga ang day-off ni Hope. Pero dahil sa araw na yun pumupunta sa klinika si James, nakipagpalit daw si Hope ng schedule.

Sinabi rin ni Nice na naiilang diumano si James sa pakikitungo ni Hope sa kanya.



"Kasi kahit si Sir James sinasabi na, ‘Ano ba ‘yan, naaalibadbaran lang ako sa kanya kapag sinusundan niya ako dito,'" kuwento ni Nice.

Nagkakaisa sina Nice, Elise, at Mitos na hindi talaga maaaring mangyari ang mga claims ni Hope.

"Hindi po talaga!" diin ni Nice. "Hindi talaga nililigawan, walang ganung nangyari. Mabait lang talaga si Sir James kasi kahit ako, kapag umaakyat siya, ‘O, kumusta ka na?' Sobrang saya niyang kasama. Siguro, si Hope nami-misinterpret lang niya yung pakita sa kanya ni Sir James. 'Tapos binigyan niya ng malaking issue."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon naman kay Elise, "Nalulungkot ako para kay Hope kasi hindi niya alam ang ginagawa niya. Sabi namin sa kanya, ‘Hope, tigilan mo na ‘yang mga kuwento dahil alam namin kung ano yung totoo."

Dagdag pa niya, "Si James nagsasabi sa amin kung gaano niya kamahal yung asawa niya [Kris]. Very open siya rito...‘Misis ko,' ang term pa nga niya. ‘Kasi si Misis sabi niya ‘pag nagpapa-scrub, huwag daw muna...' Kumbaga, meron silang trust na na-build, e.

"Ang sabi nga sa akin ni James, ang pagkakamali niya, hindi niya nasabi sa misis niya na may isang taong na-o-obsess sa kanya. Yun lang yung pagkakamali niya. Pero alam namin na mahal ni James si Ms. Kris," diin pa ni Elise.

HOPE'S SIDE. Samantala, muling na-interview ng Startalk si Hope kahapon, February 23. Sa pagkakataong ito ay humarap na sa kamera si Hope, ngunit hindi pa rin ipinakita ng Startalk ang kabuuan ng kanyang mukha.

Kinunan ng reaksiyon ng Startalk si Hope kaugnay sa mga pahayag ng kanyang mga dating katrabaho.

"Hindi po totoo yun," mariin niyang sabi.

"Sila ang unang nagpakilala sa akin kay James," patuloy niya. "Si Elise nga, siya daw ang nagkalat sa ABS[-CBN] at GMA-7 na kami ni James at kung anong oras ako pumapasok sa room, anong oras nagpupunta si James. Kasi nga, binabaliktad nila ako.

"Siyempre, ayaw po nilang mawalan ng trabaho. Ayaw nilang madawit sa... Alam naman po natin na hindi basta-basta yung binabangga kaya naiintindihan ko naman po sila," palagay pa ni Hope.

Tungkol naman sa paratang ng kanyang mga dating kasamahan na "obsessed" siya kay James, napa-"Wow!" si Hope sabay tawa.

"Hindi po totoo ‘yon. Alam ni James na hindi ko siya type before. Sinabi ko ‘yan sa kanya dahil prangka akong tao," sabi pa niya.

Nagbigay rin ng kanyang reaksiyon si Hope tungkol sa ipinalalabas ng mga nakasama niya sa beauty clinic na hindi lang diumano si James ang pinapakitaan niya ng motibo, kundi pati raw ang mga senior surgeons ng klinika. Sa dami raw ng complaints laban kay Hope ay nag-AWOL siya kaya tuluyang natanggal sa trabaho—lahat nang ito ay taliwas sa pahayag ni Hope na dahil sa natuklasan ang pakikipagrelasyon niya kay James kaya siya tinanggal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"In the first place po, alam ko, konti lang ang doktor do'n [sa klinika]. At yung mga doktor na ‘yon, hindi ko sila crush or type. Hindi po totoo ‘yon," diin ni Hope.

"Kasi yung time na ‘yon na nalaman ng doctor namin do'n, napaka-unfair nga nila, e. Kasi ni hindi man lang nila ako tinanong o kinausap man lang. Day-off ko no'n actually, basta na lang akong ipinatawag, may meeting daw. Hindi ko alam kung anong meeting ‘yon," kuwento niya.

"Pumunta ako ng gabi ng January 10, Wednesday ‘yon, tapos sinabi nila sa amin na, ‘Paano ‘yan para wala nang usapan, closed book na?'" paglalahad pa ni Hope.

PREGNANT OR NOT PREGNANT? Sa unang interview ni Hope ay pinabulaanan niya ang bali-balita na buntis siya. Sa ikalawang interview ng Startalk sa kanya, tinanong siya ulit ni Lolit Solis kung buntis nga ba siya.

"Hindi ko pa po sigurado," ang nakakaintriga niyang sagot.

Follow-up question ni Lolit sa kanya: "Kung sakaling buntis ka, ano'ng plano mo, ano'ng gagawin mo?

"Itutuloy ko po," sagot ni Hope, at idinagdag pa niyang hindi na niya kakausapin si James.

KRIS AQUINO. Nang dumako naman ang usapan kay Kris Aquino, kumpara sa unang interview ni Kris na medyo palaban ang dating niya, ngayon ay tila nagbago ang ihip ng hangin.

"Para po kay Kris, sana po maunawaan n'yo ako," mahinahong sabi ni Hope. "Sana mapatawad n'yo ako kung nasaktan ko man kayo. At sana huwag n'yo akong husgahan dahil hindi po ako masamang tao. Nagmahal lang po ako."

Aniya pa, "Hindi ko po sigurado kung meron pang tatanggap pa sa akin sa mga nangyayaring ‘to. Hindi ko po alam kung ano ang mangyayari sa future ko ngayong lumantad na ako. Pero sana man lang po, sa mga tao, unawain n'yo po ako."

"Hindi ko iniilusyon si James. Hindi lang ito isang ilusyon. May nangyari po," pangwakas na pahayag ni Hope.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukas, February 25, ay muling lalabas sa telebisyon si Hope—sa S-Files. Ngunit sa pagkakataong ito ay ilalantad na raw niya ang kanyang mukha upang ihayag ang iba pa niyang saloobin tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan niya.

Inaabangan din ang magiging reaksiyon nina James at Kris sa mga rebelasyon ni Hope. Malamang na magbigay ng kanilang pahayag ang mag-asawa sa The Buzz bukas.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN