Alessandra de Rossi: "Hindi pa ako handang magmahal uli."


"Before, after one relationship ended, mayroon na agad. Pero ngayon, ayoko muna, nag-e-enjoy kasi ako sa company ng mga friends ko. Masarap palang single ka at walang inaalala," says Alessandra de Rossi.


Aminado si Alessandra de Rossi na na-trauma siya sa kinahinatnan ng relasyon nila ni Jeremy Marquez kaya't iniiwasan niya munang muling makipagrelasyon.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Alessandra last February 23 sa taping ng programang Magpakailanman ni Ms. Mel Tiangco sa Paraiso ng Batang Maynila, Bagong Bayan, Sta. Mesa, sinabi ng young actress na nagsawa na siya sa mga relasyong nauwi lang sa wala kaya mas gusto muna niyang maging single at walang inaalala sa buhay.

"Hindi pa ako handang magmahal uli. Hindi na muna siguro after the traumatic event na nangyari sa buhay ko. Hindi pa ako handa, sa dami ba naman ng nangyari sa akin?" panimulang pahayag ng nakababatang kapatid ni Assunta de Rossi.

"Actually, kung gugustuhin ko, puwede naman, kaya lang parang nagsawa na ako. Kasi before, after one relationship ended, mayroon na agad. Pero ngayon, ayoko muna, nag-e-enjoy kasi ako sa company ng mga friends ko. Masarap palang single ka at walang inaalala," sabi pa niya.

Ayaw magbigay ng kumpletong detalye ni Alex kung paano, kanino, at bakit siya na-trauma at simpleng "secret po" na may halong ngiti ang tugon niya sa PEP nang usisain pa namin siya ukol dito.

Ipinahiwatig din ng aktres na sakaling magmahal siyang muli, gusto niyang maging maingat. Titiyakin na rin niya na ito na talaga ang Mr. Right na kanyang hinahanap na puwedeng diretso kasalan na.

"Gusto kong mag-asawa kapag 30 na ako, e 22 pa lang ako ngayon kaya matagal-tagal pa ang ipaghihintay ko!" tawa pa niya. "Ayoko naman kasi na magbu-boyfriend tapos sa wala rin lang mapupunta. Siyempre mas maganda kung sa kasalan na talaga. Although, sabi ko nga, ‘pag 30 na ako, doon pa lang ako mag-aasawa. Kaya saka na ako iibig ulit.

"Kami ni Oyo [Sotto, her ex-boyfriend] before, one year din bago ako muling nagmahal. Si Jeremy nga 'yon," pahabol pa niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Jeremy ang huling nakarelasyon ni Alex. Naging laman ng tabloids at showbiz talk shows ang relasyon nilang galit-bati, hanggang sa mauwi nga ito sa tuluyang hiwalayan. Pero sinabi ni Alex na mas maganda ang relasyon nila ngayon ni Jeremy.

"Friends na lang kami ngayon ni Jeremy," nakangiti niyang sabi. "Nagte-text siya sa akin. Okay naman kami."

Nagkita na ba sila ni Jeremy after ng breakup nila at okay lang ba sa kanyang makapareha ulit ang anak ni Joey Marquez?

"Oo, nagkita na kami ni Jeremy after ng hiwalayan. ‘Ayun, kwentuhan, hi and hello at kung ano-ano pa,' banggit ni Alex.

"Wala namang problema sa akin kung magsama kami sa isang show ni Jeremy o magkatrabaho kami ulit. Hindi ako maiilang sa kanya. Okay din lang sa akin kung may kissing scene. Mukhang pera ako e!" pabirong pahayag pa niya sabay banat ng malutong na halakhak.

Kidding aside, diretsahang sinabi ni Alex na puwede niyang iwan ang showbiz kapag lumagay na siya sa tahimik at kung i-request ito ng kanyang husband-to-be.

"Oo naman! Kung mahal ko siya, bakit hindi? Maaari naman akong magtrabaho ng kahit ano, marami akong pwedeng maging trabaho. Yung financial aspect naman, secondary na lang ‘yon sa akin," paliwanag niya.

Posible kayang magkabalikan pa sila ni Jeremy?

"Malay mo, after 50 years or yung nabalo na ako! After that e kami rin pala in the end!" tawa niya ulit.

Samantala, sinabi rin ni Alex na nami-miss na niya ang paggawa ng drama kaya masaya at excited siya sa pagganap na isang pipi sa Magpakailanman, na mapapanood this coming Thursday, March 1.

"Istorya ito ng isang pipi na na-rape ng isang may gusto sa kanya [played by Antonio Aquitania]. "Ibulong Mo Sa Akin (The Liza dela Cruz Story)" ang title ng episode na ito. Ang gaganap na nanay ko ay si Maria Isabel Lopez. Si Desiree del Valle naman, friend ko na ibinenta ako kay Antonio para matubos ang anak niya. First time kong gumanap na pipi. Masaya and exciting kasi wala kang kakabisaduhing script, papasadahan mo lang, tapos wala ka pang lapel," kuwento pa ni Alex.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa ng dalaga,"Sabi ng GMA-7, may ibibigay daw sila sa aking project, yung L.U.V. Pow daw, may taping nga raw kami tomorrow e."

"Miss ko na nga ang paggawa ng drama, matagal-tagal na rin kasi. Ang pinakahuli kong drama project, yung Now & Forever Presents Linlang pa last year. Sa mga past few projects ko kasi, wala akong ginawa kundi mang-okray, ito ‘yung sa Now Na at MMS.

"Pero pagdating sa sarili kong story, palagay ko puwede na sigurong ibigay yung story ko sa Magpakailanman. Kasi napaka-colorful, hindi ba?" nakangiting pagtatapos ni Alex.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN