Dennis Trillo denies rumored girlfriend Carlene Aguilar is pregnant


Heartthrob Dennis Trillo is not yet an expectant father, as he denies rumored girlfriend Carlene Aguilar is pregnant.


Lumabas last week ang balitang buntis ang Bb. Pilipinas-World 2005 na si Carlene Aguilar, ang rumored girlfriend ng young actor na si Dennis Trillo. Si Dennis ang itinuturong ama ng diumano'y dinadala ni Carlene.

Nagsimula ang usap-usapan na buntis si Carlene nang mamataan ang beauty queen na namimili ng mga maternity dress sa isang department store. Ayon sa balita, na unang lumabas sa artikulo ni Abu Tilamzik sa Abante Tonite, pabalik-balik daw si Carlene sa dressing room para sukatin ang mga napili niyang maternity dress.

Nang mag-host si Carlene ng Mr. World Philippines noong nakaraang Sabado, February 17, sa Broadway Centrum ay inusisa siya ng mga entertainment writers na nandun kung totoong buntis siya. Tumangging magbigay ng pahayag si Carlene dahil hindi naman daw siya artista.

Hindi niya direktang inamin o itinanggi ang balita. Dahil dito, naglabasan na ang iba't ibang espekulasyon tungkol sa balita. Marami ang nagsasabi na posibleng totoo ngang buntis si Carlene dahil imbes na itanggi ang balita ay pinili niyang manahimik tungkol dito. Sa showbiz kasi, ipinagpapalagay na ang pananahimik tungkol sa isang isyu ay nangangahulugan na may bahid ito ng katotohanan.

Sa Startalk kahapon, February 24, ay nakunan naman ng pahayag ang diumano'y ama ng ipinagbubuntis ni Carlene—si Dennis. Mariing pinabulaanan ng young actor-singer ang balita.

"Una kong narinig yung balita, natawa ako kasi parang ngayon pa lalabas yung isyu na gano'n, considering na ang tagal na naming hindi nagkikita ni Carlene. Although hindi ko naman idini-deny na magkaibigan kami 'tsaka lumalabas kami paminsan-minsan. Pero ngayon kasi, kumbaga, may sarili na siyang buhay. Ganun din naman ako, di ba? At maraming trabaho," paliwanag niya.

Ayon kay Dennis, ang huling pag-uusap nila ni Carlene ay naganap noong Valentine's day samantalang matagal-tagal na rin daw silang hindi nagkikita.

"Nagkausap kami nung Valentine's, binati ko lang siya, ganun. ‘Uy, Happy Valentine's,' ganun. Pero huli kaming nagkita, January pa yata ‘yon, medyo matagal na," kuwento pa ni Dennis.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Idiniin din ng award-winning young actor na wala pa sa plano niya ang magkaroon ng baby.

"Kasi napakasarap ng buhay ng maging binata. Ang dami ko pang gustong gawin," aniya.

Nagbiro si Denis na totoong may baby siya, pero ibang klaseng baby raw ito.

"Eto, aaminin ko na, may bagong baby na ako at lalabas siya sa March 11. Yung bago kong CD na proud na proud ako. Yun ang bagong baby ko ngayon. At ang mga producers ko si Kuya Ogie at si Ms. Regine," ani Dennis.

Ang tinutukoy nga ni Dennis ay ang kanyang debut album sa ilalim ng music label nina Ogie Alcasid at Regine Valesquez. Ang una niyang single ay ang awiting "All Out of Love" (na ginamit na jingle sa isang commercial ni Denis) na ini-launch kanina sa SOP ng GMA-7.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN