Tanya Garcia finally speaks up about her pregnancy


"Siyempre, sana gusto ko rin na kasal muna bago ang baby. Pero nangyari na and I'm happy na magiging mommy na ako," says Tanya Garcia about her pregnancy.



Finally, pumayag na rin si Tanya Garcia na madalaw siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kanyang condominium unit sa Wack-Wack, Shaw Boulevard, Mandaluyong City.



Bago pumayag si Tanya ay nagpaalam muna ito at tumawag sa boyfriend and soon-to-be daddy ng kanyang ipinagbubuntis na si Pampanga Governor Mark Lapid. Nakiusap lang sila na huwag masyadong magpapa-late sa pagbisita dahil sa maselang kalagayan ng aktres.



Hindi rin pumayag na magpakuha ng picture si Tanya habang nakahiga sa kanyang kuwarto. Kahit two months pregnant at naka-bed rest na ng more than one week ay very pretty pa rin si Tanya.

Kumusta na ang kalagayan ngayon ni Tanya.



"Okay naman po, medyo maselan lang talaga at bawal ang ma-stress. Bawal din ang tumayo. Talagang bed rest dahil nandito lang ako sa bed ko. Hindi rin ako puwedeng pumunta kahit sa labas ng room ko kaya, promise, nakaka-bore talaga!" simula ngang pahayag ni Tanya na natatawa dahil for someone like her nga naman na halos araw-araw ay may schedule, nakakapanibago ang buong araw at mahigit isang linggo na nakahiga lang at nanonood ng TV.



THE FIRST SIGN.
Kuwento ni Tanya, regular siyang dinadatnan ng menstruation kaya nang ma-delay siya ay medyo nag-suspect na rin siyang buntis nga siya. Although nandoon pa rin daw ang konting pag-aalinlangan na baka delayed lang siya.



Kuwento niya, "Ako kasi, regular akong nagkakaroon ng period every month. E, madalas, sabay pa ang period namin ng best friend ko na si Con. So, noong naisip ko na parang hindi pa yata ako nagkakaroon, tinanong ko ang best friend ko kung dinatnan na siya. Noong sinabi niyang, oo raw... Sabi ko, ‘Ako, hindi pa.' Pero hindi pa rin ako kaagad nag-test noon.



"Inabot pa ng more than a week bago ako nag-test pack. January 31 noong gawin ko yung test. Hindi lang sa isang test pack, three times ko ginawa and it's all positive! Si Mark, bago pa ako mag-check, sinabi ko na sa kanya na buntis yata ako. Siya talaga, very happy kaagad. Sabi niya, okay raw kasi magiging daddy na siya," sabi pa ni Tanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Sa part ni Tanya, aminado siya na nandoon ang kaba at takot nang malaman niyang buntis siya. Aniya pa, normal na raw siguro sa isang babae lalo na yung nasa situwasyong tulad niya.



"Siyempre, naiyak ako noong malaman ko," natatawa niyang kuwento. "Hindi ko pa alam kung ano talaga yung napi-feel ko noon. Pero yung best friend ko—siya kasi ang kasama ko noong mag-check ako—natatawa siya sa akin. Sabi niya, ‘Ano ka ba, ang tanda-tanda mo na, e?!'"

POSITIVE. Ang nangyari, kahit nakita na ni Tanya sa result na positive, hindi pa rin daw niya ito sinabi kay Mark ura-urada. In fact, it took her two weeks bago niya nagawang kumpirmahin sa boyfriend na buntis nga siya.



"After ko kasing mag-test ng January 31, naging sobrang busy pa rin ako. Taping din for Super Twins. At saka, iniisip ko pa rin, baka magkaroon pa rin ako. Baka hindi gano'n ka-accurate yung test," paglalahad ni Tanya.



"Tapos, sumasakit yung tiyan ko, parang dini-dismenorrhea ako. E, ganoon ako kapag nagkakaroon. Around February 16, nararamdaman ko na yun, so inisip ko talaga, mukhang false alarm. February 20 na ako nagpunta sa OB [obstetrician] ko sa Makati Medical City. Tapos, yun nga, doon nakita na nine weeks na siya sa ultrasound and may problema.



"Sabi ng OB ko, kung nadala ko raw siguro noong mas maaga, baka na-prevent. Kaya ang order niya talaga sa akin is complete bed rest. At siya na rin yung nagsabi na I have to tell my Mom na dahil hindi na niya ako papayagang mag-work at delikado nga ang lagay ko. That was the time na sinabi ko na rin kay Mark [na buntis ako].



"It was my best friend Con na siyang pinatawag ko kay Mark. Sinabi niyang ‘Punta ka na dito.' Noong sinabi raw ng best friend ko yun, alam na niya [Mark] kaya nagmadali na siyang lumuwas from Pampanga para makausap namin ang Mommy ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi raw spotting ang case ni Tanya na karaniwang nangyayari sa mga pregnant women na nasa first trimester ng kanilang pagbubuntis. Internal bleeding daw ang nakita sa ultrasound ni Tanya.



"Internal bleeding siya," banggit ng aktres. "Ang nangyari kasi, instead na white yung makikita sa tabi or paligid ng bata, black siya. E, yun daw ang dugo na parang nagpu-push sa bata palabas. Para siyang ectopic pregnancy, pero hindi siya ectopic. Kaya yung mga iniinom kong gamot, pampakapit at saka pangtanggal nung black na yun. Good thing lang na wala yung black sa baby, nasa labas lang siya.



Aniya pa, "Complete bed rest talaga. Kapag nandito nga si Mark, talagang hindi niya ako pinapahawakan ng cell phone. Bawal na bawal talaga ang ma-stress. Ako, nagno-novena ako. Nagpi-pray akong talaga na sana naman, kumapit na yung baby. Walang mangyaring masama at maging normal
siya."

THE CONFESSION. After daw malaman ni Tanya ang kanyang kundisyon, silang dalawa na raw ni Mark ang kumausap sa Mommy niya. Pero si Mark daw ang talagang nagsalita.



"Magkasama kami, pero si Mark ang nagsabi. Siya yung nag-break ng news. E, inumpisahan na niya sa delikado yung kalagayan ko. Kaya inisip ko, siguro kaya hindi na nagawang magalit ng mommy ko!" natatawang kuwento ni Tanya.

"Sinabi ni Mark sa Mommy ko na, yun nga, may plano na naman daw kaming magpakasal, pero nauna nga lang daw ‘yung baby. Sabi naman ng Mommy ko, okay lang kasi of age na naman daw ako. Nagulat lang ako nang sabihin ni Mark sa Mommy ko na plano raw talaga niyang mag-propose sa akin after ng election, pero yun nga lang daw, naunahan ng baby. Yung pagpo-propose niya raw, nasabi na raw niya sa Mommy niya [Marissa Lapid] noon pang December.



"Actually kami, napag-uusapan, sinasabi niya na pakasal na kami pero walang formal na proposal. Kaya sabi ko, after naming kausapin ang mommy ko, ‘Totoo ba yung sinasabi mo na magpo-propose ka sana after ng election?' Ang ginawa niya para maniwala ako, tinawagan niya ang mommy niya, si Tita Marissa, at siya ang ipinakausap sa akin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Definitely, may kasalang magaganap. Not because of the baby dahil pareho na rin nilang gust0ng magpakasal. Mark is 28 years old and Tanya naman is 26.



"Napag-uusapan na naman talaga," pagpapatotoo ni Tanya. "Ako naman, siyempre, sana gusto ko rin na kasal muna bago ang baby. Pero nangyari na and I'm happy na magiging mommy na ako. Mahilig at matiyaga naman ako sa bata. Excited na nga ako na kinakabahan kaya I'm really praying na maging maayos lahat.



"Siguro yung wedding, sa April na of next year. Sana nga this year, bago ipanganak ang baby kahit civil muna. Kaso, magiging sukob dahil sa December, ikakasal ang half-sister ko na manggagaling sa US," sabi pa niya.

LAPID FAMILY. Wala raw problema si Tanya sa pamilya Lapid. In fact very supportive at ramdam na ramdam niya raw na mahal siya ng mga ito.



"Sobrang babait nila!" nakangiting sabi ni Tanya. "As in, kahapon nga lang, nandito yung mga kapatid na babae ni Mark. Tapos yung Mommy niya, ilang beses na rin na nakadalaw dito sa condo. Si Sen [Senator Lito Lapid], sobrang bait din.

"Kung sila ang tatanungin, gusto nga nila na sa Pampanga na raw muna ako mag-stay at magpahinga. Kaso, ako na ang nag-beg off muna kasi baka lalo akong malungkot doon. Aside sa yung OB ko rin, nandito sa Makati, mas madaling puntahan. Yung mommy ko siyempre, lola ko, every day nandito rin sila, binabantayan ako," sabi pa ng expectant mother.

SUPER TWINS. Kung si Tanya raw ang masusunod, talagang gustong-gusto pa rin niyang magtrabaho at ituloy ang kanyang character as Alona sa drama-adventure series ng GMA-7 na Super Twins.

"Gusto ko talagang mag-work," sabi ni Tanya. "Sinabi ko rin yun sa OB ko. Pero siyempre, kung siya ang masusunod, ang gusto niya talaga huwag na, mag-complete bed rest na ako. Ang Mommy ko, sinasabi niya rin sa akin na huwag kong gawin biro yung condition ko, kasi delikado talaga. Marami rin daw siyang alam na cases na kagaya ng sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"E, touched nga ako kay Direk Dominic Zapata [director ng Super Twins], kasi ayaw niya talagang mawala ang character ko. Kaya hinihintay nila kung ano ang sasabihin ng OB ko. Depende sa result ng ultrasound sa March 6 kung pupuwede pa rin akong magbalik sa work. Doon na magde-decide kung ano ang gagawin sa character ko. Sana, umokey na talaga lahat," asam pa niya.

LIHI. Sa ngayon, wala naman daw masyadong napaglilihian si Tanya. Napapansin niya lang daw na noong hindi pa niya kumpirmadong buntis siya, madalas siyang nagagalit kay Mark at ayaw niya itong makita. Sa pagkain, dati pa raw siyang mahilig sa chocolates na dala-dala pa rin daw niya hanggang ngayon.



Nagpapasalamat and, at the same time, humihingi ng paumanhin si Tanya sa ilang kaibigan na nagte-text at tumatawag sa kanya, pero hindi niya nagagawang sagutin. Sana raw ay maintindihan na bawal pa talaga sa kanya ang ma-stress.



Touched na touched naman si Tanya sa naging co-star niya sa Matakot Ka Sa Karma na si Gretchen Barretto. Nang malaman daw kasi ni Gretchen ang kundisyon ni Tanya ay personal na bumista si Greta sa condo ni Tanya na may dala-dalang brown rice at fruits for her.

Sabi nga ni Tanya, "Sobrang bait niya!"



In time, ang plano raw nila ni Mark ay sabay na haharap sa mga tao para magpa-interview, although sa pamamagitan ni Mark ay never nila itong itinanggi or idinenay.



Sa ngayon, prayers ang alam ni Tanya na pinaka-epektibong paraan upang matupad ang kahilingan niya para sa kanya at sa batang nasa sinapupunan niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN