Bong Revilla pushes Senate bill to reduce amusement tax


"Yung 30 percent amusement tax, gagawin nating 10 percent. Talagang pipilitin ko ‘yan, hindi puwedeng lumagpas ang taong ito na hindi naisasakatuparan ‘yan. Mahabang proseso kasi ‘yan sa kongreso, pero makukuha natin 'yan," says Senator Bong Revilla.



Itinuturing ni Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. na utang niya sa mundo ng showbiz ang anumang tinatamasa at narating niya sa kasalukuyan, pati na ang kanyang pagiging senador.



Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Filmex Studio sa taping ng HP Ibang Level Na! last February 27, sinabi ni Bong na ginagawa niya ang lahat para makatulong sa industriyang napakalapit sa kanyang puso.

"Utang ko sa aking pagiging artista kaya ako naging senador. Even my father [Sen. Ramon Revilla, Sr.], kung hindi kami artista ay baka hindi namin ito naabot. That's why we're here to help the industry," panimulang pahayag ni Bong.

"Katulad niyan, dying yung movie industry, tinutulungan natin. In fact, yung 30 percent amusement tax, gagawin nating 10 percent. Talagang pipilitin ko ‘yan, hindi puwedeng lumagpas ang taong ito na hindi naisasakatuparan ‘yan. Mahabang proseso kasi ‘yan sa kongreso, pero makukuha natin 'yan," positibong sabi pa ng actor-politician.

Idinagdag pa ni Bong na ayos na ito sa Senado at hinihintay na lang nila ang development sa Lower House. Wala rin siyang nakikitang balakid para kontrahin ng gobyerno ang kanyang panukala ukol sa pagbawas sa amusement tax.

Pagkatapos nito ay ang pagbaba naman ng bayad sa sinehan ang kanyang pagtutuunan ng pansin.

"Sa Senado, wala nang problema sa amin, e. Naroon na siya sa Lower House, sa Kongreso. Inaantay na lang namin yung version ng Congress para maaprubahan na ito. Pero I'll make sure na maaprubahan," paniniyak pa ni Bong.

Dagdag pa niya, "Hindi iindahin ‘yan ng gobyerno kahit mabawasan ang amusement tax. Kasi dying ang ating movie industry, e. Ibig kong sabihin, kung kasing lakas ng pelikula natin noong araw, maaaring indahin nila kapag nabawasan ang tax. Pero ngayon ay hindi, dahil kakaunti lang ang mga pelikulang nagagawa sa atin. At mas makakakuha ng malaking tax ang gobyerno kung mas maraming pelikula ang magagawa sa atin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi katulad ngayon, masuwerte na kapag makagawa tayo ng 60 movies a year. Pero kapag binawasan mo yung amusement tax na from 30 percent ay gawing 10 percent, baka makabalik tayo sa dati na nakakagawa tayo ng maraming pelikula, ng more than a hundred films a year. So, mas marami rin ang kikitain ng gobyerno. Makakatulong pa sila sa movie industry at mas marami pang pelikulang pagpipilian ang mga manonood.

"Tapos isusunod naman natin diyan, hihingin natin sa mga theater owners na ibaba naman nila yung bayad sa sine dahil nabawasan naman sila ng 20 percent na tax, e. Iyon yun, abangan ninyo ‘yan," sabi pa ni Senator Revilla.

Twenty-four years na ang nakalilipas nang gawin ni Bong ang first starring role niya sa pelikulang Dugong Buhay. Mula noon, matapos gumawa ng kaliwa't kanang pelikula na nagluklok sa kanya bilang isa sa hottest action stars ng bansa hanggang sa makarating sa Senado, hindi pa rin niya iniiwan ang paggawa ng pelikula.

"Pumasok ako rito sa showbiz 1983, so 24 years ago na ‘yon, right? Nagsimula ako maaga, e. Seventeen pa lang bale ako that time, ito nga yung Dugong Buhay," kuwento ni Bong.

Iniisa-isa ni Bong ang most memorable films na nagawa niya. Kabilang daw rito ang Alyas Pogi, SP04 Santiago, Pangako sa ‘Yo with Sharon Cuneta, Relax Ka Lang Sagot Kita with Vilma Santos, Agimat, at Exodus.

"Yung Exodus dahil ‘yon ang pinakamalaki at pinakamagastos na movie ko. Yung Agimat naman, nandoon ang father kong si Senator Ramon Revilla, Sr. Malaki rin ‘yon, kaunti lang ang lamang ng Exodus doon, budget-wise," wika pa niya.

Ibinalita rin ni Sen. Bong ang gagawin niyang pelikula very soon.

"Yes, pinaghahandaan na namin yung entry ko sa darating na December filmfest. Actually, last year pa namin ito inaayos. Ia-announce na lang natin siguro ‘yan within the next two months. Masyado pang maaga, e, it's still premature. Basta action-fantasy at may kaunting love story ang tema ng project na ito," sabi ni Bong.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ganito natin kamahal ang idustriyang ito kahit maintriga. Part kasi ‘yon ng show business, e. Ganyan ang buhay artista, pero napaka-rewarding naman. Sabi ko nga, utang ko sa showbiz ang pagiging senador ko. At kapag nakapagbibigay ka ng aliw at saya sa mga tao, sa mga manonood, ibang klaseng feeling talaga ‘yon," nakangiting pagtatapos na niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN