Polo Ravales: "Mahal ko pa si Ara."


"Kumbaga, naihanda ko na ang sarili ko sa kung anuman ang puwedeng mangyari kung hindi man kami magkabalikan," says Polo Ravales about Ara Mina.


Sa simula pa lang ng relasyon nina Polo Ravels at Ara Mina, marami na ang humula na hindi magtatagal ang pagsasama nila. Bukod sa katotohanan na bibihirang showbiz relationships ang tumatagal, naituturo ang age gap ng dalawa—mas matanda si Ara kesa kay Polo.



Ayon kina Polo at Ara, ang kakulangan ng panahon para sa isa't isa ang pinakamalaking dahilan kung bakit nagdesisyon silang mag-cool-off muna. Bagama't wala sinasabing third party sa kanilang paghihiwalay, kamakailan ay nakita diumano si Ara na nakikipag-date sa isang non-showbiz guy na nagngangalang Jojo Manlongat—kapatid ng dating artista na si Beth Manlongat at na-link na rin noon kay Angelu de Leon. Mariin itong pinabulaanan ni Ara sa hiwalay na panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Sa 7th anniversary party ng YES! Magazine at grand launch ng PEP last Wednesday, February 28, ay nakapanayam din namin si Polo upang hingan ng reaksiyon tungkol sa pagkaka-link ni Ara kay Jojo. Sinabi ng sexy actor na kung saka-sakaling makakita na ng kapalit ang kanyang ex-girlfriend sa puso niya ay maluwag niya itong tatanggapin.



"Well, actually, nung nag-cool-off kami, I know that anything could happen. Kumbaga, naihanda ko na ang sarili ko sa kung anuman ang puwedeng mangyari kung hindi man kami magkabalikan. Ang maganda ngayon, magkaibigan kami, hindi kami magkaaway so continuous pa rin ang communication namin," paglalahad ni Polo.



"Regarding kay Jojo Manlongat," patuloy niya, "sinabi naman sa akin ni Ara na hindi totoo yung issue. Totoong lumabas sila, but they went out in a group."

Inamin ni Polo na mahal pa rin niya si Ara. Sa kabila nito ay nandun pa rin daw ang "fear" na baka ‘pag nagkabalikan sila ay hindi sila uli magkasundo.



"Kung sa mahal, mahal ko pa si Ara," pag-amin niya. "Hindi naman mawawala yun nang ganun-ganun lang. Definitely, I'm not closing my doors, but pareho kaming natatakot na magkaroon uli kami ng clash gaya ng nangyari nung huling magkabalikan kami."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa huling interview ng PEP kay Polo ay inamin din niya na nandun ang pag-aalala ng kanyang pamilya sa maaaring kauwian ng relasyon nila ni Ara. Sa itinakbo ng kanilang relasyon ng aktres ay binigyang-inaw ni Polo na natanggap na ng kanyang pamilya ang kanyang ex-girlfriend.



"Wala nang probelma sa family ko," ani Polo. "They're very supportive naman sa akin na 'pag mahal ko, mahal na rin nila. Ngayon okay na siya sa family ko, kaya nga lang cool-off kami ngayon."

Sa ngayon ay nagdadalawang-isip pa si Ara kung papasok nga ba siya sa pulitika para maging konsehal ng District 2 ng Quezon City. Ayon kay Polo, sa personal niyang opinyon ay mas gugustuhin niyang huwag nang pumasok sa magulong mundo ng pulitika si Ara.



"Well, sabi ko sa kanya, kung talagang sigurado siya diyan, okay lang. Pero kung nagdadalawang-isip siya, huwag na lang. Para sa akin, mas mabuting huwag na lang kasi marami siyang ginagawa, baka di rin niya magampanan," opinyon ni Polo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN