Alfred Vargas wants second chance with LJ Reyes


"Hindi naman natin puwedeng madaliin ‘yan, e. Kasi ayaw na rin naming masaktan ulit, unless plantsado na talaga at mas malinaw," says Alfred Vargas about reconciliation with LJ Reyes.



Desidido si Alfred Vargas na magkabalikan sila ni LJ Reyes at inamin niyang kasalukuyan niyang sinusuyo ang dalaga para maayos na ang anumang gusot na namagitan sa kanila.

About a month na mula nang nag-cool-off sina Alfred at LJ dahil sa kakulangan ng oras sa isa't isa. Nasabit din ang pangalan nina Carrie Lee at JC de Vera sa pagkalabo ng relasyon nilang dalawa. Si Carrie ay partner ni Alfred sa drama series na Muli aired over GMA-7, at JC de Vera naman ay nakatrabaho ni LJ sa katatapos lamang na Makita Kang Muli ng TAPE, Inc.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Filmex Studio, Makati City, sinabi ni Alfred na first time nilang nagkita uli ni LJ after almost two weeks at nasa stage siya ngayon ng pagsuyo sa young actress.

"Siyempre, sinusuyo natin ulit si LJ. Parang nagka-catch up tayo para makabawi," nakangiting saad ni Alfred sabay sulyap kay LJ na isang silya lang ang pagitan sa kanya.

"Ngayon lang ulit kami nagkita, after about two weeks. Nagkita rin kami before sa SOP. Nag-opening siya, nag-promo naman ako ng drama series na Muli," kuwento niya.

"Yung love ko sa kanya? Siyempre hindi naman nawawala ‘yon. Gusto ko talagang maayos ang gusot... I-convince n'yo kasi siya na maging kami na ulit!" nakangiting pahayag pa niya.

"Pero seriously, feeling ko talaga, time lang ‘yan. Palagay ko kasi, hindi naman natin puwedeng madaliin ‘yan, e. Kasi ayaw na rin naming masaktan ulit, unless plantsado na talaga at mas malinaw," dagdag pa ng aktor.

Sinabi pa ni Alfred na naniniwala siyang hindi siya pahihirapan ni LJ dahil sensible naman ang dalaga. Hindi niya lang matiyak kung gaano sila katagal mananatili sa ganitong sitwasyon.

"Hindi naman siya yung type na gagawin niya na pahirapan ako. May reason naman ‘yon at naiintindihan ko naman na oras lang talaga," positibong sabi ni Alfred.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"About one month na mula nang nag-cool-off kami, February kasi ‘yon e. Hindi ko masabi kung kailan magiging kami ulit ni LJ. As I've said, tinatrabaho ko naman ‘yon, pero ayoko munang isipin na pagdating ng August ay okay na ulit kami in time for our anniversary.

"Gagawin ko munang on a monthly basis ito. I mean, sa ngayon kasi ay marami pa kaming dapat talagang pag-usapan, marami pang kailangang ibawi. Kaya hindi kami nagmamadali, we want to make sure na this time ay okay na talaga. Ang importante sa amin ngayon, nakakapag-usap kami at mas nagiging okay na uli ang sitwasyon," seryosong paliwanag pa ni Alfred.

Kailan ba ang eksaktong anniversary nila?

Ayon kay Alfred, "I'm not sure kung August 3 or 4. Ano na kasi ‘yon, somewhere between 11 p.m. to 1 a.m. na ‘yon nang sinagot niya ako."

Wika pa ni Alfred, "Nami-miss ko lahat sa kanya. Bukod sa company ni LJ, yung kakulitan at pagiging sweet niya, nami-miss ko talaga."

Ipinahayag din ng aktor kung paano niya sinusuyo ang dalaga kapag nagkakaroon sila ng tampuhan.

"Ang ginagawa ko, nagkakaroon kami ng matinong usapan. Yung pinapaintindi niya sa akin kung ano yung point niya, tapos sasabihin ko rin yung point ko hanggang sa maging malinaw sa aming dalawa," pahayag niya.

"Madalas ang ugat ng tampuhan ay a little bit of everything, e. Mayroon din kasing point na medyo napapadalas ang away namin. So, halong selos at kawalan na rin ng enough time.

"Sinong may kasalanan sa mga misunderstanding namin?" malakas na halakhak ni Alfred, sabay tingin uli kay LJ.

"Minsan siya, kadalasan ako! Selosa siya, e, pero mas seloso raw ako. Scorpio kasi ako, e. Pero hindi lang ako sa tao nagseselos. Seloso rin kasi ako sa oras niya, seloso ako sa atensiyon niya. Kunwari, madalas siyang nagte-taping, halos araw-araw, parang nagseselos ako sa kanya. Sinasabi kong, ‘Ano ba ‘yan, mas mahal mo yata ang work mo kesa akin?' Pero naiintindihan niya naman ang pagiging seloso ko. Mahaba ang pang-unawa niya, e," kuwento pa niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Inamin din ni Afred na isang text message para kay Carrie ang isa sa dahilan ng hiwalayan nila ni LJ, pero itinanggi ng aktor na mayroong third party na involved.

"Walang third party, kasi naka-love team ko si Miss Malaysia [Carrie Lee] and magkaibigan naman kaming dalawa. Now, in front of her [LJ], sasabihin ko, yun nga, yung tungkol sa text message. Nang paalis kasi si Carrie, nag-text ako sa kanya, tapos na-wrong send ako. Imbes na kay Carrie, na-send ko ‘yon kay LJ," salaysay pa ng binata.

"Pero hindi lang naman ‘yon ang naging problema namin, although part ‘yon. Pero marami na rin kasing problema sa amin before that, kaya parang mas na-aggravate yung sitwasyon. So, isa ‘yon sa mga bagay na nagso-sorry ako kay LJ.

"Si JC, hindi naman ako nagselos sa kanya. Pero actually, medyo ine-expect ko na ‘yan. Hindi lang siguro ako sanay na nali-link si LJ sa iba. Alam mo ‘yon, yung mayroong kaunting hurt? Pero alam ko naman na maraming artista na nagkakagusto talaga kay LJ, hindi lang isang tao."

Kinabahan ba siya kaya sinuyo niya agad si LJ?

"Siguro more on hinarap ko na lang, tinanggap ko na lang na ‘yon ang reality. Na at the end of the day, nasa kanya ‘yon, siya ang magde-decide. Pero alam ko naman kasi what we have together, alam ko ‘yon. Ganoon lang talaga siguro rito sa showbiz na kapag nag-cool-off, nili-link sa bago," paliwanag niya.

"Pero I would like to think kasi na kahit cool-off kami, secure ang place ko sa puso ni LJ at hindi niya ako ipagpapalit sa iba. Time lang talaga ang kailangan para maging okay uli kami," pangwakas na pahayag ni Alfred.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN