Shaina Magdayao denies snubbing fans


"Tuwing nasa labas ako at may mga lumalapit sa akin, natutuwa ako kasinga alam kong gusto lang nila akong makita at makausap. Isa ‘yan sa mgaitinuro sa akin ni Ate Vina—na mahalin ko raw ang mga fans kasi isa sila sa mga nakakatulong sa akin," defends Shaina Magdayao.



Nagulat ang young actress na si Shaina Magdayao dahil may kumakalat na balitang may mga hindi raw siya pinapansin na mga fans. Suplada raw ang dalaga at bihira diumanong ngumiti sa mga fans. Malayung-malayo raw si Shaina sa kapatid niyang si Vina Morales na very accommodating sa mga tagahanga.



Mariing pinabulaanan ni Shaina ang balitang ito dahil wala raw siyang matandaan na insidente na nang-isnab siya ng mga fans. Lahat daw ng mga lumalapit sa kanya ay magiliw niyang hinaharap.



"Kailan daw ako naging suplada? Wala akong matandaan na ganyang eksena," nagtatakang sabi ni Shaina sa press con ng Happy Hearts kagabi.

"Tuwing nasa labas ako at may mga lumalapit sa akin, natutuwa ako kasi nga alam kong gusto lang nila akong makita at makausap. Isa ‘yan sa mga itinuro sa akin ni Ate Vina—na mahalin ko raw ang mga fans kasi isa sila sa mga nakakatulong sa akin," paliwanag pa ni Shaina.



Aminado si Shaina na paminsan-minsan ay umaatake ang mood swings niya kaya minsan ay nahuhuli siyang nakasimangot. Pero it doesn't mean daw na suplada na siya.



"Kaming mga artista naman, mga tao rin kami. Napapagod din kami sa trabaho namin. Kaya kung nahuhuli nila akong nakasimangot, it means na pagod lang ako," aniya.



"Tulad nga noong mag-taping kami for Rounin, two days straight kaming nag-taping tapos naglagare pa ako for promo ng movie namin ni Rayver ng Happy Hearts. Kaya halos wala nang pahinga talaga."



Dagdag pa niya, "Pero kapag may mga fans naman, nakakawala sila ng pagod kasi alam mong appreciated ang mga efforts mo. Natural lang naman ang magkaroon ng mood swings. Lahat naman tayo may ganyan pero naku-control mo naman, e."



Sa tingin kaya ni Shaina ay marararating din niya ang naging estado ng kanyang Ate Vina?



"Idol ko si Ate Vina and kung may pagkakataon ba na marating ko ang status niya ngayon, I will be very happy. But I have to work doubly hard para marating ko ‘yon. But definitely, I can never replace her. Iba na ang level ni Ate Vina. Ako, nagsisimula pa lang," sagot niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Ano ba ang mga gusto niyang tularan sa kanyang Ate Vina?



"Siyempre, gusto kong matutong kumanta, sumayaw at mag-perform na tulad niya. Ultimate Showgirl si Ate Vina, di ba? Parang siya lang ang may kayang gumawa ng mga ginagawa niya sa stage. And I want to be as healthy as her. Disciplined kasi si Ate Vina when it comes to her body. Gusto ko ay gano'n din ako kadisiplinado," sabi ni Shaina.



May ayaw ba siyang mamana sa kanyang Ate Vina?



"Siguro isa lang—yung magkaroon na ako ng sarili kong pamilya before I reach the age of 30!" sabay tawa niya. "Hindi ko sinasabi na dapat nang mag-asawa si Ate Vina. Choice naman niya yun, e. Basta ako, gusto kong magkaroon ng sarili kong pamilya before ako umabot ng 30."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN