EB Babe Kim: "Wala namang dapat ika-insecure ang EB Babes sa SexBomb."


"Compared sa SexBomb, talaga pong hindi namin kayang tapatan ang nagawa na nila for about five years or more. Talaga naman pong sila ang parang tinitingala namin bilang dancers. Hindi naman po siguro no-match kami sa kanila. Kumbaga, lumalaban din naman po ang EB Babes, kaya lang, talagang beterana sila," says EB Babe Kim Guevarra about the competition between EB Babes and SexBomb.



Kung pahinga muna ang kontrobersiyal na sayawan showdown ng EB Babes at SexBomb Girls sa Eat Bulaga!, posibleng sa ibang klaseng showdown naman sila paghaharapin—ang katalinuhan showdown.

Naging mainit at tensiyonado kasi ang unang salpukan ng dalawang grupo sa dance floor kaya pinaplanong sa ibang larangan naman pagsabungin ang SexBomb at EB Babes.

Nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si EB Babe Kim Guevarra sa Broadway Centrum last Tuesday, March 13, at sinabi niyang, "May suggestion nga po na 'Taktakan sa Patalinuhan' daw po. Go, lalaban ang EB Babes diyan! Mas maganda po siguro ‘yon, mas okay kasi na may variety. Mas masaya ‘yon, parang magba-bonding ang EB Babes at SexBomb. Pati mga tao magtatawanan kung mali-mali ang maisasagot namin."

Nakangiting pahabol pa ng 19-year-old na dalaga, "Kakaibang showdown naman po ito, kaya ngayon pa lang ay nagbabasa-basa na ako ng libro at ng kung ano-ano pa. Mas maganda kasing patunayan din namin na hindi lang kami magagaling magsayaw, kundi may brains din kami."



Samantala, inamin ni Kim na nakaramdam siya ng lungkot nang unang nalaman na twice-a-week (Monday and Wednesday) mapapanood ang grupo ni Joy Cancio sa Eat Bulaga!, samantalang ang grupo niya ay pahinga sa mga araw na ito.

"Noong una po ay nalungkot, pero sabi ko nga po na take it as a challenge. Kaya lalo kaming nagwo-work hard para patunayan sa lahat na worth it ang EB Babes. Pero hindi po ako nakaramdam ng insecurities sa pagpasok ng SexBomb, kasi po parang wala namang dapat ika-insecure ang EB Babes sa SexBomb."

Sinabi pa ni Kim na hindi siya sanay na binubuska o kaya nakikitang umiiyak sila noon on-air. Si Joey de Leon daw ang pinakamalakas mang-alaska sa lahat.

"Si Tito Joey po ang magaling mang-alaska, kasi yung pang-aasar niya ay sinabi ng iba na parang may laman daw. Pero kung iisipin mo talaga, parang may kaunting sermon din ‘yon para sa amin, which is mas maganda naman dahil para sa amin din 'yon, e," pahayag ni Kim.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Minsan po ay sasabihin niya na, ‘Ay mas gusto ko ang SexBomb.' Pero okay lang po ‘yon dahil alam ko naman na biro lang ‘yon ni Tito Joey, dahil love niya rin ang EB Babes, e."

Inamin ni Kim na nanood siya ng Eat Bulaga! last Monday—first day ng opisyal na pagbabalik ng SexBomb sa naturang noontime show ng TAPE Inc.

Aniya, "Masaya naman po ako para sa kanila kasi nakabalik na sila sa Eat Bulaga!, na sabi nga po nila ay tahanan nila. Part po sila ng Eat Bulaga!, e. Mas nauna sila sa amin kaya we respect them."

Dagdag pa ni Kim, "Idol ko po ang SexBomb kahit dati pa kasi fan na fan na talaga ako ng Eat Bulaga!."

Nilinaw rin ni Kim ang issue tungkol sa pikunan sa showdown nila ng SexBomb noon.

"Actually po, siguro noong time na talagang showdown namin, medyo mainit po talaga ang sitwasyon. Yung atmosphere, parang ang dating sa iba ay away na, e. Pero hindi naman po talaga gano'n. Ang sa amin lang, gusto naming maipakita na kaya rin namin kahit paano na humarap sa kanila, na bigyan ng showdown na maganda at mag-e-enjoy ang mga manonood," paliwanag niya.

"So, kung may nangyari man po na kalmutan, gaya ng naglabasang balita noon, hindi naman po ako nagpi-pinpoint kung sino. Siguro lang po, dahil sa sobrang lakas ng energy at lakas ng impact ng showdown, hindi maiwasang nagkaroon ng kalmutan. Pero palagay ko naman po ay hindi ‘yon sinasadya at hindi dapat magkaroon ng pikunan."

Dagdag pa niya, "At saka yung reaction ko raw po noon na parang nang-aaway ako, doon na yung nasaktan ako. Palagay ko ay hindi naman nila [SexBomb] sinasadya na natabig yung paa ko or what, basta may naramdaman ako na masakit, e. So, pabalik na nga po ako sa grupo ko at bumuwelta ako sa SexBomb at sinabi ko na, ‘Showdown lang ito ha, friendly showdown lang, walang problema ha.' Parang ganoon po ang sinabi ko, pero hindi ako naghahamon or what.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Akala nga po ng iba ay nanulak daw ako nang ipalabas o i-replay ito. Siguro kasi, matangkad lang ako at yung pag-ano ng kamay ko, akala ng iba ay nanulak daw ako. Pero hindi ko po magagawa ‘yon."

Sino ba yung taga-SexBomb na naka-kalmot sa kanya?

"Hindi ko po alam," ani Kim. "Kasi sa sobrang dami sa likod, hindi ko rin po sure kung sino o kung mayroon ba talagang nakakalmot sa akin from their group."

Sino sa palagay ni Kim ang nanalo sa showdown nila at kung ano ang opinyon niya sa pagtanggi ng Sexbomb na maka-showdown sila ulit?

"Compared sa SexBomb, talaga pong hindi namin kayang tapatan ang nagawa na nila for about five years or more," sagot ni Kim. "Talaga naman pong sila ang parang tinitingala namin bilang dancers. Hindi naman po siguro no-match kami sa kanila. Kumbaga, lumalaban din naman po ang EB Babes, kaya lang, talagang beterana sila. Pero sa ngayon po, lahat ng ibinibigay sa aming training, ginagawa namin ang lahat ng kakayahan namin para maipakita ang dapat na magawa at maipakita ng EB Babes sa dance floor."

Sabi pa ng 19-year-old, "Tungkol naman po sa pagtanggi nila sa showdown, nire-respect ko po yung sinasabi nila na ayaw muna nilang makipag-showdown. Siguro po, as of now, hindi muna. Pero siguro po, eventually ay matutuloy din ang Part 2 ng showdown namin. Time lang po siguro ang pinag-uusapan diyan."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN