Bing Loyzaga shows all-out support for Janno Gibbs


"I'm supporting Janno all the way. Kaming dalawa nagsusuportahan sa pangyayaring ito. We're coming out, we're facing this problem as parents for our children," says Bing Loyzaga.


Lubos na nabahala ang mag-asawang Janno Gibbs at Bing Loyzaga sa mga text messages na natanggap nila sa diumano'y stalker ni Janno.

Bago pa man nahuli ang stalker (na pinangalanang Tessa) sa isang entrapment operation, panay na raw ang pagpapadala nito ng mga text messages sa mag-asawa ng may kasamang pagbabantang papatayin ang isa sa mga anak nila.

Ayon sa kwento ni Janno sa taped interview sa kanya ng Startalk noong Marso 17, kilala niya ang suspek bilang isang fan. Paglalarawan pa niya, "Kilala ko siya as fan, na mabait. Nagpupunta [siya] sa Eat Bulaga, sa SOP, nagdadala ng pagkain minsan. At naite-text niya ako noon pero sa ibang number, sa totoong number niya siguro.

"Mabait naman 'yong mga text. ‘Kuya Janno, ano po ang bagong ninyong show, kailan lalabas ang bagong ninyong album?' Hindi ko rin binigay ang number ko, nakuha lang niya."

Nagtaka na lamang ang singer-comedian nang magsimula itong magpadala ng mga mensahe ng pagbabanta kung saan nabanggit pa ang anak niyang sina Alyssa at Gabriella. Dahil dito ay naisipan na ni Janno na ipahuli ang suspek.

"Ang ginawa ko, pinilit kong makipagkita. [Sabi ko], ‘Makipagkita ka sa akin.' ‘O, sige.' Ang tapang, e. ‘Isama mo pa si Bing.' Sabi ko, ‘Hindi, ako lang. Ako lang.' So nakipagkita ako, nagsama na ako ng pulis," kwento ni Janno.

Nahuli ang babaeng nagte-text sa aktor at dinala sa Camp Karingal upang hingan ng pahayag. Ayon sa suspek, magkakilala sila nang personal ni Janno. Idiniin din ng dalaga na hindi siya ang nagpapadala ng mga mensahe.

Sinabi ni Tessa sa media, "Wala naman po akong galit, e. Naipit nga lang po ako. Kasi po meron lang po akong mga kakilala, mga kaibigan na hiningi nila sa akin 'yong number ni Janno. Ang sabi nila, kakaibiganin lang nila si Janno kasi alam nila kilala ko. Ako naman, ‘Sige kaibiganin n'yo.' Wala namang masama doon. 'Tapos hindi ko na alam na umabot na sa ganoon."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa kabila ng pagtanggi ng mga bintang sa kanya, ayaw namang ibigay ng dalaga ang pangalan ng diumano'y kaibigan na nagpadala ng mensahe. Sa kwento ni Janno, "Sabi ko naman, ‘Sabihin mo na sa amin kung sino 'yong mga kaibigan mo para lusot ka na.' Ako naman ayoko naman ng nagpapakulong, di ba? Ayaw naman, [sabi niya], ‘Hindi, ayaw ko silang ipahamak, ako na lang.'"

Sa ngayon, pansamantalang pinalaya ng mga pulis ang suspek dahil sa inihayag nitong 17 taong gulang lamang siya. Gayunman, sinigurado ni Janno na itutuloy nila ang pagsampa ng kaso sa suspek o di kaya sa kung sinuman ang sangkot sa mga pangyayari.

Ayon sa aktor, madaling-araw na naganap ang operasyon. "Wala pa kaming time kumuha ng lawyer or whatever. So nakalabas pa rin ngayon. Magpa-file pa rin kami [ng kaso] siyempre," paliwanag ni Janno.

Humiling din ang aktor sa mga taong nakakaalam ng mga personal na numero ng mga artista. Pakiusap ni Janno, "Sana sa buong showbiz, sana po 'yong mga numbers ng mga artista, e, isagrado naman po natin. Kumbaga, binibigay namin 'yong mga personal numbers namin para sa trabaho, so sana ingat naman sa pagdi-distribute."

Samantala, nagpakita naman ng suporta ang asawa ni Janno na si Bing sa hakbang na ginawa ng aktor upang mahuli ang sinasabing stalker.

"I'm supporting Janno all the way. Kaming dalawa nagsusuportahan sa pangyayaring ito kasi we're here...We're coming out, we're facing this problem as parents for our children," sabi ni Bing.

Ayon sa aktres, simula pa lamang ng pagte-text ng alleged stalker ay pinaalam na ni Janno ito sa kanya. Sa live interview ng Startalk noong Marso 17, sinabi ni Bing, "Nakakatawa noong una, para bang, ‘Ano ba 'to? Ano bang kwento nito?'

"Kasi sa tutuusin, tayo sa industriya, aminin na natin, we get text [messages] from anybody. Ang this is not the first time na nangyari sa amin na ganito, pero hindi 'yong ganyan kalala na pati ang mga anak namin nababanggit. At sobrang nakakagulo na ng isip 'yong mga pangyayari, 'yong mga tine-text, 'yong mga sinasabi."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang magkaroon ng entrapment operation, nanatili ang aktres sa bahay kasama ang mga anak nila. "Actually, alam ko naman na magkikita sila, makikipagkita with colonel. Pero di nga ako sumama dahil, at the same time din, since alam namin na may mga threats ayokong iwan 'yong mga bata at ayaw din ni Janno na maiwan ang mga batang mag-isa," paliwanag ng aktres.

Dagdag pa ni Bing, "We're here, we're together now, we're backing-up each other because we are parents."

Nagbigay rin ng mensahe ang aktres para sa mga fans. Paalala ni Bing, "Kapag off-camera, bawat artista tao rin lang. So sana respetuhin lang natin. At sa mga fans na tulad ko, dapat alamin natin na ang paghanga natin ay may limitasyon lang din 'yan kasi kailangan nating respetuhin ang isa't isa bilang tao."

Dahil sa pagsubok na ito sa pagsasama nina Janno at Bing, tila naging dahilan ito upang tuluyang manumbalik ang kanilang nararamdaman para sa isa't isa. Simula na kaya ito ng pagbabalikan ng mag-asawa na nagkaroon ng problema dati?


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN