Ciara Sotto reveals identity of her non-showbiz suitor


"This guy talaga, alam ko na ipaglalaban ako, 101 percent! Sure ako!" says Ciara Sotto about non-showbiz suitor Joselito Oconer.



Dahil nauna nang ikinasal ang pinsan niyang si Danica Sotto, ang tungkol sa pagpapakasal din ang isa sa mga unang itinanong kay Ciara Sotto sa press con na ibinigay ni Mother Lily Monteverde para sa ama ng young actress-singer na si Tito Sotto, na tumatakbong senador ngayong May elections.



"Soon," lang ang maikling tugon ni Ciara nang tanungin ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung kailan naman siya susunod kay Danica. Yun nga lang, ayon kay Ciara, malabo na ngayong taon maganap ang kanyang pagpapakasal.



"Hindi ko naman inaalis sa utak ko na gusto ko siyempreng mag-asawa. Pero hindi pa naman ngayon. Pero siyempre, darating yung time na yun," aniya pa.



Hindi na rin nakaligtas si Ciara nang tanungin siya ng PEP sa totoong estado ng lovelife niya ngayon. Aniya, may masugid siyang manliligaw, pero hindi pa raw niya masasabi kung sila na nga ba.



"Hindi naman kasi siya artista," pag-iwas ni Ciara. "Hindi ko sure kasi nakakahiya naman kung sabihin ko na boyfriend ko siya, tapos sa kanya naman pala, hindi pa. Huwag ganun! Dapat yung sure na sasabihin niyang, ‘Will you be my girlfriend?' Yung ganun!"



Mas lalong walang nagawa si Ciara kundi aminin at ituro sa entertainment press ang non-showbiz suitor niya nang tanungin ng PEP kung kasama niya ang binata kagabi.



Obvious na naiilang pa si Ciara at panay ang sabi na baka magalit sa kanya ang guy dahil mahiyain daw ito at hindi naman showbiz. Ito ang dahilan kung bakit kahit anong pilit ay wala siyang pinagbigyan na makuhanan sila ng picture together.



"Actually, marami na naman ang nakakita sa kanya. Magkasama kami noon na nagpunta sa YES! anniversary party, so yun! Pero hindi ko pa po siya sinasagot, parang ganun. Pero constant companion ko siya, so baka nga!" tawa ni Ciara.



"Hindi ko naman po siya inililihim. Pero very private person po kasi siya, so, siguradong mahihiya po siya," pahabol pa ng dalaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Noong una ay ayaw ring pangalanan ni Ciara ang bagong inspirasyon niya, pero wala rin siyang nailusot sa sunud-sunod na pangungulit sa kanya ng press.



"Joselito Oconer po," banggit ni Ciara. "Actually, he's five years older than I am."

Idinagdag din ni Ciara na isang finance analyst si Joselito at nagwo-work para sa kanyang ninong na si Tony Tuviera.



Kuwento pa ni Ciara, first time niya raw na-meet si Joselito nang mag-show ang Eat Bulaga! sa US, although hindi connected ang binata sa show or sa TAPE. Okay rin daw sa pamilya Sotto ang suitor ni Ciara dahil disente at responsible naman daw ito.



"Very decent kasi siya, e. At saka, this guy talaga, alam ko na ipaglalaban ako, 101 percent! Sure ako!" ang tila may double meaning pa niyang sagot nang may magtanong kung ibang-iba raw ba ang bagong inspirasyon niya sa dating boyfriend niyang si John Lloyd Cruz.



"At saka, gusto ko rin kasi na mas matured. Kasi ayoko na ng bata, nakakapagod!" natatawa niyang sabi bilang pangwakas.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN