Ramon Christopher says nullity of his marriage to Lotlot "no big deal"


"Kung tatanungin yung feelings bilang mag-asawa kami, wala na siguro. Pero para sabihin ko na wala na akong nararamdaman para kay Balot, mahirap mangyari ‘yon dahil mother siya ng mga anak ko," says Ramon Christopher about his feelings for estranged wife Lotlot de Leon.



Tuluyan nang tutuldukan nina Ramon Christopher at Lotlot de Leon ang anumang namamagitan sa kanila bilang mag-asawa. Naikuwento ito ni Ramon Christopher sa PEP (Philippine Entertainment Portal) last April 29 sa taping ng Magpakailanman ni Mel Tiangco sa Fairview, Quezon City, para sa episode na "Kahit Pa Magunaw ang Mundo."

Ayon kay Monching, nagkaroon na sila ng hearing last April 23 para sa pormal nilang paghihiwalay ngunit hindi siya nakapunta. Si Lotlot ang naghain ng nullity ng kanilang kasal.

"Tinanong ko sa kanya kung kailangan pa akong magpunta doon, and sabi niya naman, kahit hindi na raw. So hindi na ako nag-attend," paliwanag ni Monching.

Nilinaw rin ng aktor na hindi annulment ang inihain ni Lotlot, kundi nullity ng kanilang kasal.

"Hindi siya annulment, e, nullity bale ito," sabi ni Monching. "Parang pinapa-void yung kasal dahil nakuha na ni Balot [palayaw ni Lotlot] yung mga papers niya, yung original birth certificate niya. So, nandoon na yung tunay na pangalan niya, at kung ano-ano pa.

"Isa na yung real name niya, plus menor de edad siya nang nagpakasal kami, na pinagbasehan ng petisyon. Although pareho kaming may parental consent, hindi legally adopted ni Mama Guy [Nora Aunor] si Balot, kaya balewala ang consent na ‘yon," paliwanag niya.

Nagpakasal sina Monching at Lotlot noong 1989 at nagbunga ng apat na anak ang kanilang relasyon—sina Janine, na magde-debut na this October; Jessica, 16; Diego, 11; at Maxene, 6.

Four years ago nang nagkahiwalay sila, at mula noon ay nasa pangangalaga na ni Monching ang apat nilang anak.

"Basta anytime na gusto silang dalawin ni Balot, wala namang problema. Okay naman kami, mas okay na kami ngayon. At least, nakakapag-usap na kami, lumalabas kami ng mga bata," kuwento ni Monching.



Ano sa tingin ni Monching ang magiging reaction ng kanilang mga anak kapag tuluyan na ngang na-grant ang nullity ng kanilang kasal?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sanay na rin sila after na apat na taon na ganito kami. Tsaka happy naman sila na maganda ang relasyon namin ngayon [ng mommy nila]," sagot niya.

Ayon kay Monching, wala raw siyang girlfriend ngayon dahil ang kanilang mga anak ni Lotlot ang kanyang priority. Hindi rin daw niya masabi kung may balak pa siyang muling mag-asawa.

Si Balot ang nag-file para ma-void ang kanilang kasal, pero hindi eksaktong nagpahayag si Monching ng pagpabor dito.

"Kasi, kung ‘yon ang magpapaligaya sa kanya, okay lang sa akin ‘yon. Para walang conflict. Hindi importante sa akin kung ma-void o hindi yung kasal namin, hindi siya big deal sa akin. Ang importante sa akin, maganda ang relasyon namin ni Lotlot para sa mga bata," pahayag ng aktor na napapanood sa Lupin.

Hindi masabi ni Monching kung ang aksyon ni Lotlot para mapawalang-bisa ang kanilang kasal ay para maging malayang magpakasal muli ang aktres. Ang tiyak lang niya ay ang katotohanang, kahit anong mangyari, si Lotlot pa rin ang nanay ng kanyang mga anak.

Ani Monching, "Hindi ko alam kung may plano siya, pero wala akong magagawa sakaling magpakasal siya ulit. Hindi ko rin alam kung mahe-hurt ako. Hindi na siguro ako mahe-hurt. Pero posible rin dahil may pinagsamahan naman kami e.

"Actually, kung tatanungin yung feelings bilang mag-asawa kami, wala na siguro. Pero para sabihin ko na wala na akong nararamdaman para kay Balot, mahirap mangyari ‘yon dahil mother siya ng mga anak ko.

"Siyempre nanghihinayang ako sa nangyari sa amin ni Balot. Kahit naman siguro sino, ang gusto ay isang pamilyang buo, hindi ba? Siyempre, kung maibabalik ko lang ang nakaraan, gusto kong hindi kami naghiwalay, hindi ito nangyari. Kaso lang, hindi na puwedeng maibalik ang nakaraan.

"Kaming dalawa rin siguro, pareho rin kami na may pagkukulang. Actually, siguradong may pagkukulang din ako, sigurado ‘yon. Pero wala namang third party sa nangyari sa amin. Siguro lang, naipon ang mga problema, yung mga maliliit ay nagkapatung-patong at naipon," mahaba niyang paliwanag.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinabi pa ni Monching, tinatrabaho niyang magkasundo na ang kanyang inang si Pilita Corrales at si Lotlot.

"Ano kasi, e, yung samaan nila ng loob ay marami ring pinagmulan," sabi niya. "Siguro dahil hindi sila nagkakausap, yung mga interview sa kanila ay iba ang dating. Iba ang naririnig nila, at minsan ay nadadagdagan siguro. Kaya as much as possible, kapag may sinabi ang isa, parang nagiging tulay ako na, ‘Huwag mo nang intindihin ‘yon, wala ‘yon,' mga tipong ganoon.

"Magiging happy ako kapag nagka-ayos na sila, mas magiging maganda. Magde-debut na ang panganay namin, e. Hopefully, by that time, okay na sina Balot at Mamita para walang hassle, walang tensiyon."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN