Mark Bautista reacts to Irish Fullerton's ouster from "ASAP '07"


"Akala ko, iwi-welcome namin ang pagbabalik nila from their US concert tour... Saka ko lang nalaman na wala na pala sila sa show. Nakakahinayang din, maganda na sana ang start nila," says Mark Bautista about the expulsion of Irish Fullerton and three others from ASAP '07.



Si Mark Bautista ang isa sa mga huling nakaalam na tinanggal na pala sa ASAP '07 ang nali-link sa kanya na si Irish Fullerton, kasama ng tatlo pang Pinoy Dream Academy scholars na sina Jay-R Siaboc, Panky Trinidad, at Chad Peralta. Nagulat nga raw si Mark nang hindi niya nakita sina Irish sa musical variety show ng ABS-CBN last Sunday, April 29.

"Akala ko, iwi-welcome namin ang pagbabalik nila from their US concert tour, pero sina Yeng [Constantino] at Ronnie [Liang] lang ang nakasama namin. Saka ko lang nalaman na wala na pala sila sa show. Nakakahinayang din, maganda na sana ang start nila," sabi ni Mark.

Kasabay ng pagkakatanggal ng apat na PDA scholars sa ASAP '07, ngayon lang din nalaman ni Mark na may relasyon pala sina Irish at Jay-R. Hindi ba na-feel ni Mark na nagamit siya ni Irish, dahil all the while na inili-link sila sa isa't isa'y si Jay-R pala ang totoong karelasyon ng dalaga?

"Hindi naman po siguro," sagot ni Mark. "Dahil ako naman ang nag-imbita sa kanya na pumunta kami noong birthday party ni Anne Curtis. Kaya lang, hindi na nangyari yung lalabas sana kami bago sila umalis papuntang States dahil nawalan na kami ng communication.

"Yun pong pasalubong ko sa kanyang T-shirt na ipinagawa ko sa Canada na may nakasulat na ‘Kiss Me, I'm Irish,' hindi ko na rin po naibigay sa kanya dahil hindi na kami nagkita. Yung sa kanila ni Jay-R, okay lang sa akin ‘yon."

Kaya nga siguro hindi apektado si Mark sa relasyon nina Irish at Jay-R ay dahil may bago na ring nagpapatibok ng kanyang puso. Ito ay si Rizza Santos, ang Miss Earth-Canada 2006, na ayon kay Mark ay ka-MU (mutual understanding) na niya.

Bukod sa bagong inspirasyon ni Mark, naka-focus raw siya ngayon sa kanyang career.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa Sunday, May 6, magsisimula na siyang mag-shooting para sa Paano Kita Iibigin with Regine Velasquez and Piolo Pascual for Star Cinema. Busy na rin siya sa pagpu-promote ng kanyang third album sa Viva Records, ang Every Now and Then.

"Sa June, nasa Europe kami ni Sarah [Geronimo]," dagdag ni Mark. "Second time na namin ‘yon sa Europe. This time, sa Zurich, Germany; Geneva, Switzerland; at Vienna, Austria, naman kami magsu-show. Sa August, balik-USA concert tour ulit kami ni Sarah. Hindi ko lang alam kung sino ang makakasama namin."

Tapos na tapos na rin daw ang kanyang ipinatayong two-storey, three-bedroom house sa Commonwealth area. Dahil sa pagpipilit namin, sinabi ni Mark na kulang-kulang sa P10M na raw ang nagagastos niya para sa pagpapatayo ng bahay niya.

Hindi nga inisip noon ni Mark na may ganun na pala siya kalaking pera. Just four years ago, nakisakay lang siya sa isang cargo ship para makapunta ng Manila to join Star For A Night, kung saan naging runner-up siya ni Sarah. May mga business na rin siya sa Cagayan de Oro City, at ang isang loteng nabili niya sa kanilang probinsiya ay binibili na raw sa kanya sa dobleng halaga, pero ayaw raw niyang ibenta dahil tiyak na tataas pa ang value nito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN