PEP EXCLUSIVE: LJ Reyes sexually harassed by politician in Pampanga


Young actress LJ Reyes says that a politician harassed her during a campaign rally in Pampanga yesterday, May 6. "Sobra po talagang nakakabastos. Kaya ang ginagawa ko po, sobrang umiiwas na lang po ako. Kaso, siyempre po, like sa upuan, kami po yung magkatabi," says LJ.


In demand ang mga artista ngayong eleksiyon dahil sila ang ginagawang panghatak ng mga kandidato para sa kanilang kampanya. Isa sa paboritong imbitahin sa campaign rallies ay ang young actress na si LJ Reyes.

Kaso, nagkaroon ng hindi magandang karanasan ang StarStruck 2 First Princess habang nangangampanya para sa isang councilor sa lalawigan ng Pampanga kahapon, May 6. Hindi lang daw talaga mahindian ni LJ ang taong lumapit sa kanya para ipangampanya ang isang councilor. Pumayag na nga si LJ na tulungan ang pulitiko, kaya hindi niya raw akalain na mababastos pa siya.



Kasalukuyang nasa Baguio City si LJ nang makausap siya ng PEP sa telepono. Nandoon siya para sa shooting ng isang independent short film. Sa Baguio na raw siya dumiretso after that campaign kaya nagulat siya na nalaman na kaagad ng PEP ang insidenteng nangyari sa kanya.



Nakuha namin ang balita ng pambabastos diumano kay LJ mula sa isang source na malapit kay LJ. Ayon sa source, bukod sa ayaw raw paalisin ng kandidato si LJ sa oras na dapat ay aalis na siya, may mga patay-malisyang mga kandidato pa raw na inaakbayan si LJ. Nandiyan din daw na biglang hahawakan sa may baywang at kamay ang young actress. Kahit daw iniiwas na ni LJ ang katawan, talagang gumagawa raw ng paraan ang kandidato na mapadikit sa kanya upang mahipuan.



Hindi naman itinanggi ni LJ ang naturang insidente nang makausap na siya ng PEP.

"Opo, nabastos po ako kahapon," pag-amin niya. "Actually, pagkarating ko pa lang po, nag-motorcade po kami. Tapos, siyempre po, marami po yung mga fans na humahalik. Nagsalita na po siya [councilor] kaagad na hindi raw po pupuwedeng hindi siya makakahalik.



"Tapos, may kasama po ako noon. Hinaharang na po niya yung kamay niya sa akin kasi nakikita na nga po niya yung ginagawa. Sinita niya [councilor] po na, ‘Ano ka ba ni LJ?' Sinabi na lang po niyang handler ko tapos sinagot siya ng, ‘Kaya pala me harang na!'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Dagdag pa ni LJ, kahit daw ang kasamang handler ay hindi rin nakaligtas sa naturang kandidato.



"Babae po kasi yun. Pati siya, hinahawak-hawakan din po. Sobra po talagang nakakabastos. Kaya ang ginagawa ko po, sobrang umiiwas na lang po ako. Kaso, siyempre po, like sa upuan, kami po yung magkatabi," kuwento ng young actress.

Dahil diretsong Baguio pa siya after that campaign, beforehand pa lang daw ay sinabi na nina LJ na hindi na siya puwedeng abutin ng alas-tres ng hapon. Pero kahit ano raw paalam nila, pinipigilan sila ng kandidato.



"Kung anu-ano po ang sinasabi niya," sabi ni LJ. "Natatakot na po ako. Basta, ang dami po niyang sinasabi kaya napaiyak na po ako. Kasi natatakot na po talaga ako. Tapos yun pa nga po, hinaharangan pa po pati dapat pag-alis ko na. Kaya noong talagang lagpas na po sa oras, ang ginawa ko po, umalis na lang po ako. Yun, wala na po siyang nagawa at buti na lang po, hindi naman po kami hinabol pa or pinasundan."



Ayon pa kay LJ, bago ang insidenteng ito ay hindi naman siya nagkaroon ng pangit na karanasan sa mga out-of-town shows niya, or kahit sa ibang political campaigns. Naisip daw ni LJ na tumatakbo pa namang councilor ang pulitiko, pero wala pa man sa posisyon ay nagsasamantala na.



Sa tantiya raw ni LJ ay nasa mid-40s na ang edad ng naturang kandidato.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN