Suspension of Wally Bayola and Jose Manalo in Zirkoh and Klownz lifted


"Kami lang talaga ‘yong nagdala ng parusa, pero wala kaming kasalanan ni Jose. Malinis ang konsensiya namin," says Wally Bayola about their suspension.



Naibalita rito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang pagkakasuspinde for one month ng comic duo nina Wally Bayola at Jose Manalo sa Klownz at Zirkoh comedy bars. Ito ay dahil sa sobrang late nitong pagdating sa isang show na natanguan nila sa Klownz-Quezon Avenue last April.



Ayon sa lumabas na balita, marami ang nagalit, nag-walkout at humiling na isauli ang ibinayad nila dahil sa insidenteng ito. Para sa iba, understandable naman ang sanction na ipinataw sa dalawang stand-up comedians dahil muntik nang masira at malagay sa balag ng alanganin ang pangalan ng Klonwz.



Sa panayam ng PEP kay Wally sa dressing room ng Eat Bulaga!, masaya nitong ibinalita na wala pang isang linggo ang itinagal ng nasabing sanction. Ngayon nga ay regular na sila uling mapapanood sa lahat ng branch ng Klownz at Zirkoh.

"Suspended talaga kami for one month ni Jose, pero hindi ito tumagal ng one week. Pinagpapasalamat namin na, siguro kasi, marami ang nagre-request na bumalik kami. Actually, hindi naman diretsahang sinabi ng management ng Klownz na bumalik na kami, may tumawag lang sa amin na, ‘O, mamayang gabi dito kayo.' So now, back to normal na uli ang lahat," sabi ni Wally.

Ano ba ang nangyari at naipit sila sa isang kumpormiso, na naging dahilan ng kanilang suspension?



"Kinuha kasi kami para sa isang fiesta sa Nueva Ecija. Alas-nuwebe [ng gabi] daw kami sasalang, pero ‘yon pala 11:30 p.m., kasi sasalubungin namin ‘yong birthday ng mayor. Wala naman kaming magawa kasi siyempre, sila ang kumuha, 'pag nagsalita iyong producer or iyong mga nag-imbita, 'pag sinabi nilang nagbayad sila, bilang artista wala kaming magagawa, wala kaming karapatan na magreklamo.



"Dala-dalawa din ang road managers na kasama namin. Ang problema, hindi sila naging aware na hindi kami aabot [sa Zirkoh], e, four hours ang biyahe pabalik. Kung alam namin na ganoon ang mangyayari, di sana kami na lang ang nag-text or tumawag para i-inform ‘yong manager ng Klownz na hindi na kami makakaabot. Very relaxed kami noon kasi akala namin nakapag-coordinate na iyong mga road managers sa Klownz," salaysay ni Wally.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakaramdam daw ng hiya si Wally sa mga taong naghintay at umasa sa kanila ng gabing iyon, pero hindi raw siya nakaramdam ng guilty feelings sa nangyari.



"Hindi kami natakot or na-guilty kasi maaapektuhan ako kung kasalanan ko," sabi niya. "Kami lang talaga ‘yong nagdala ng parusa, pero wala kaming kasalanan ni Jose. Malinis ang konsensiya namin.



"Siyempre, nahihiya kami doon sa mga taong nagpunta at naghintay talaga para mapanood kami. Ayaw naming maka-disappoint ng tao. Ang objective namin is to entertain people. Gabi-gabi pag-uwi ko ng bahay, 'pag alam kong nakapagpasaya ako ng tao, mas satisfying ‘yon kaysa sa bayad na nakuha ko that night."

Charge it to experience. Sa nangyaring ito, aminado si Wally na marami silang natutuhan na ina-apply nila ni Jose sa ngayon.



"Nag-usap nga kami ni Jose, 'pag may out-of-town kaming shows, gabi at malayo, hindi na kami tatanggap ng iba pa. Hindi naman sa umaayaw kami sa trabaho, namimili kami o nagmamayabang, kaya lang, mahirap na kasing maipit pa uli sa ganitong situwasyon kasi pangalan namin ang nasisira," huling pahayag niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN