Ara Mina: "Hindi dapat ma-insecure si Pops."


"Hindi naman siyempre dapat ma-insecure si Pops. Ano ba kayo, wala nang ganoon! Wala silang problema, sobra silang magkasundo ni Pops. At saka nagpaalam naman si Jomari kay Pops sa pag-imbita sa akin," says Ara Mina (rightmost).


Wala pang time para muling ma-in love si Ara Mina dahil hindi pa tapos ang laban sa pulitika ng ama niyang si Chuck Mathay, na kumandidatong congressman sa 2nd district ng Quezon City.

Si Ara ang campaign manager ng kanyang ama kaya nakatutok sila ngayon ng kanyang pamilya sa bilangan. Natutuwa naman ang ate ni Cristine Reyes dahil nangunguna raw sa bilangan ang kanyang ama at umaasa siyang magpapatuloy ito.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Ara, sinabi niya na sobra talaga siyang naging involved sa katatapos na halalan kaya wala pa sa isip niya ang maghanap ng bagong mamahalin. Pagkatapos kasi ng failed relationship ng actress-singer kay Polo Ravales, sa kampanya ng Daddy niya nag-concentrate si Ara.

Pero dahil din sa eleksiyon kaya nagkrus muli ang landas nila ng isa pa niyang ex-boyfriend na si Jomari Yllana. Sa isang political rally ng kapatid ni Jomari na si Anjo Yllana, reelectionist for vice mayor ng Parañaque, inimbita ni Jom si Ara at nagpaunlak naman ito. Natatawang ikinuwento ng aktres na napagkamalan pa siyang si Pops Fernandez, girlfriend ni Jomari, ng ilang tao sa naturang political rally cum birthday celebration ni Anjo.

"Surprise bale ako para kay Anjo, kaya pag-akyat ko ng stage, itinakip ni Jom ‘yong polo niyang pula sa ulo ko. Habang papunta kami sa stage, may sumisigaw pa nga sa aking ‘Pops! Pops!' Akala nila ako si Pops. Natatawa na nga lang ako at hinahampas ko si Jom," kuwento ni Ara.

May kilig ba siyang naramdaman sa pagkikita nilang muli ni Jom after so many months?

"Wala naman, parang bumalik lang ‘yong dati naming friendship," sagot ni Ara. "Inexplainable ‘yong feeling e. Natatawa kasi ako sa reaction ng mga tao nang nakita nila kami ni Jom. Akala mo sina John Lloyd [Cruz] at Bea [Alonzo] ‘yong nakita nila. Natatawa ako, doon ako kinikilig sa reaction ng mga tao dahil kinikilig sila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinabi pa ni Ara na hindi dapat bigyang malisya ang pagpunta niya sa naturang okasyon dahil wala sa Pilipinas si Pops.

"Nasa Amerika si Pops at tinawagan na raw niya [Jomari] halos lahat ng close nila, pero hindi puwede. Hindi rin naman puwede si Aiko [Melendez, ex-wife ni Jomari] dahil nananahimik na at may asawa na ‘yon, hindi ba?" aniya.



Sa sinasabing siya ang favorite daughter-in-law ng mommy ni Jomari, hindi kaya pag-awayan ito nina Jomari at Pops?

"Nasabi nga ni Jom na, ‘I'm sure kapag nalaman ito ng Mommy ko ay matutuwa ‘yon.' Dahil ang tawag daw nila sa akin ay ‘your favorite daughter-in-law.' Pero noon ‘yon kaya huwag nyo na kaming intrigahin. Hindi naman siyempre dapat ma-insecure si Pops. Ano ba kayo, wala nang ganoon! Wala silang problema, sobra silang magkasundo ni Pops. At saka nagpaalam naman si Jomari kay Pops sa pag-imbita sa akin. At ‘yong ‘favorite daughter-in-law' na tawag sa akin, kumbaga, binitawan lang ‘yong salitang ‘yon noong kami pa ni Jom," paliwanag niya.

Sinabi rin ni Ara na hindi niya iniisip na naging panakip-butas lang siya ni Jomari dahil wala sa Pilipinas ang kasintahang si Pops.

"Hindi naman siguro," sabi niya. "Pero okay lang, at least, nakatulong ako kay Anjo dahil dati ay bumili rin siya sa akin ng tickets nang nagkaroon ako ng fundraising concert. So, parang ibinabalik ko lang ‘yong favor na ‘yon."

Wala ring problema sa aktres sakaling magsama silang tatlo sa pelikula nina Jomari at Pops.

"Why not? Go!" tawa niya. "Wala namang problema sa amin ni Pops at ‘yong kay Jomari, mas maayos na kami ngayon. At saka nagkaroon na rin naman ako ng boyfriend after Jom kaya okay lang sakaling magsama kaming tatlo sa isang project."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN