Piolo and Robin react to Regine-Ogie romance


Two of Regine Velasquez's leading men—Robin Padilla (left) and Piolo Pascual (right)—give their reactions about the relationship of Regine and Ogie Alcasid. While Piolo is worried about Regine, Robin said that he is happy for the couple.



Maraming taga-entertainment press at media ang nag-abang na maka-one-on-one sina Regine Velasquez at Piolo Pascual kanina sa press conference ng kanilang pelikulang Paano Kita Iibigin, pero karamihan sa amin ay bigo. Matapos ang question-and-answer portion ay dali-daling hinila ng kani-kanilang handlers ang dalawa palabas ng function room sa 13th Floor ng ELJ Bldg. sa ABS-CBN.

Agad naman naming itinapat ang mikropono ng GMA News kay Piolo, habang si Regine naman ay mabilis na nakaalpas sa mga naghihintay sa kanya. Habang naglalakad kami papalabas ng function room, sa gitna ng nagsisiksikang tao, nagpaunlak ng interview ang matinee idol.

Hindi man tahasang sinabi, halatang apektado si Piolo sa pag-amin nina Regine at Ogie Alcasid tungkol sa kanilang relasyon, lalo pa't mayroon silang ipinu-promote na pelikula.

Ani Piolo, "Sana lang 'di pagtuunan ng pansin ng mga tao [yung isyu]. Kusa namang lalabas ‘yon, kaya lang nataon na promo ng film. Sana lang huwag makaapekto sa promo ng pelikula."

Dagdag ni Piolo, "I'm worried for Reg more than anything because parang nada-divert ‘yong attention niya sa issue, e, kesa sa pag-promote ng pelikula."

Sa pagtatapos ng interview, hindi rin naman itinago ni Piolo ang paghanga niya sa prinsipyo ni Ogie. Ayon sa aktor, hindi raw madali ang ginawa ni Ogie. "I salute Ogie for doing that, for being a man."

Samantala, dinayo naman namin ang isa pang naging leading man ni Regine na si Robin Padilla sa taping ng Asian Treasures sa Quezon Memorial Circle sa Elliptical Road.

Siyempre, tinanong namin si Robin tungkol sa pag-amin nina Regine at Ogie. Sa una'y tumanggi pa siyang magkomento dahil hindi pa rin daw niya nababasa ang pahayag ng singer-comedian sa YES! Magazine. Pero matapos ang ilang paglalambing namin kay Binoe, agad lumabas ang nararamdaman ng action star.



"Madaming mga lihim na ako lang ang nakakaalam!" sabay bunghalit ng tawa si Robin. "Kung ano man ‘yong kanilang isiniwalat, maligaya ako para sa kanila. Kasi alam ko ‘yong pag-ibig na ‘yon, kung gaano katamis ‘yong pag-ibig nila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Na-link si Robin kay Regine nang gawin nila ang second movie nila together, ang Till I Met You ng GMA Films noong October 2006. Hindi malayong alam na ni Binoe ang namamagitan sa kanyang leading lady at kay Ogie.

Matindi ang play-up sa loveteam noon nina Robin at Regine na umabot pa diumano sa totohanang ligawan. Pero ayaw nang pag-usapan ni Robin ang tungkol dito. Bagkus, may pakiusap siya sa mga sumusubaybay sa kanila: "Pabayaan na lang natin sila. Ang ating ipagdasal ay ang kanilang tagumpay at lalong mamayani ang kaligayahang kanilang nararamdaman."

Ilang ulit na rin daw nagbilin si Robin kay Ogie na alagaan si Regine. Kaya wala na raw siyang mensahe pa para sa boyfriend ng Asia's Songbird.

"Matagal ko na sa kanyang sinabi ‘yon. Ang pangit naman paulit-ulit baka mapikon na sa akin," sabi ni Robin.

Laman ng maraming blog threads ang tungkol sa paglantad nina Regine at Ogie tungkol sa kanilang relasyon. Sari-saring reaksiyon din ang ibinigay ng mga sumusubaybay. Kung mayroong mensahe ng pagsuporta, mayroon din namang masasakit ang sinasabi.

Ito na marahil ang sinasabi ni Regine na ikinatatakot niya sa paglantad ng katotohanan. Pero hindi naman natin mapipigilan ang mga tao, kung gaano ka-passionate ang ilan. Mayroon ding inire-relate ang nangyayari ngayon sa mga pangyayari sa buhay niya.

Pero sabi nga ng isang respetadong kolumnista nakausap namin, sana raw ay hindi ay maging judgmental ang mga tao. Hindi kasi natin alam ang totoong nilalaman ng mga pangyayari—ang buong pangyayari. Iilang tao lang ang nakakaalam at makakasagot niyan. Tulad na rin ng hiling ng maraming kaibigan ni Regine, sana raw ay maging masaya na lang tayo para sa isang pag-ibig na nagsisimula pa lang, at least sa harap nating lahat.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN