EXCLUSIVE: Ogie dispels rumors that Regine is pregnant


Rumor has it that Regine Velasquez is now pregnant with Ogie Alcasid's baby. But straight from Vancouver, Canada, Ogie denied the rumor.


Sa kabila ng pag-amin nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez sa tunay nilang relasyon, hindi pa rin matapus-tapos ang mga intriga at balita tungkol sa kanila. Isa sa pinakamaugong na balita ay ang pagdadalang-tao diumano ni Regine sa anak nila ni Ogie.

Upang linawin kung totoo ngang buntis si Regine o hindi, nagpadala ng text message kaninang bandang alas-diyes ng gabi ang Editor in Chief ng YES! magazine at PEP (Philippine Entertainment Portal) na si Jo-Ann Maglipon kay Ogie, na kasalukuyang nasa Vancouver, Canada. Matatandaang sa YES! unang umamin si Ogie tungkol sa tunay na relasyon nila ni Regine at ang paghihiwalay nila ng asawang si Michelle van Eimeren.

Sumagot si Ogie sa text ni Jo-Ann, at ito ang nilalaman ng kanyang text message: "Ha ha. That's too funny. I'd be the happiest if she was, but she isn't."

Pagkatapos nito ay nag-text muli si Jo-Ann at sinabi kay Ogie na sadyang napakalakas ng balitang buntis si Regine dahil nanggaling ito sa hospital circles. Sa madaling-salita, nagpa-check-up diumano si Regine sa isang undisclosed hospital at positibo ang resulta ng kanyang ultrasound test. Ayon pa nga sa balita, noong mismong araw ng premiere night ng Paano Kita Iibigin?—ang pelikula ni Regine kasama si Piolo Pascual—noong May 29, Tuesday, nagpa-check-up si Regine.

Hindi na marahil nakuntento sa pagti-text ay tinawagan na mismo ni Ogie si Jo-Ann upang linawin ang isyu.

Ayon kay Ogie, "The last time Regine was in any hospital was months ago! That can't be true."

Bagama't inamin ni Ogie na nagkita sila ni Regine noong May 29, itinanggi naman nito na nagpunta ang kanyang kasintahan sa ospital nang araw na ‘yon. Niloko pa ni Ogie si Jo-Ann, "Last week pa iyang balitang iyan, huli ka na. It's so silly. Don't mind things like that. Gawa-gawa ng mga maimbento iyan."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinabi rin ni Ogie na kung saka-sakali ngang totoong buntis si Regine ay hindi raw nila ito itatago sa publiko. Hindi na raw sila "14 at 18" years old para itago ang isang bagay tulad ng pagbubuntis. "In this day and age, something like that isn't even scandalous anymore. Why would we hide and deny pa?" sabi ng songwriter/singer/comedian.

Inulit pa ni Ogie, "This is something I would admit it gladly if it was true."

Si Regine nga raw ay naiinis na. "Gusto niyang malaman kung saan nanggagaling ang mga kuwentong ganito. Sa inis nun, baka mag-sue na iyon pag nalaman niya," sabi ni Ogie, na naabutan ng PEP na kasalukuyang nasa computer at mago-online.

Panghuli, sinabi ni Ogie na okey sa kaniyang matanong siya ng PEP. Di nga lang daw niya malaman kung bakit, at saan nanggagaling, ang maraming maling balitang kinakailangan pa nilang linawin ni Regine.

WEDDING RUMOR. Isa pang maugong na balita kina Ogie at Regine ay ang plano diumano nilang pagpapakasal. May series of concerts kasi si Ogie sa North America (United States at Canada) ngayong June kasama ang comedienne na si Ai-Ai delas Alas. Sa katunayan, nasa Vancouver, Canada na nga ngayon sina Ogie at Ai-Ai para sa first leg ng kanilang concert.

Ilang araw mula ngayon ay nakatakdang sumunod sa kanila si Regine dahil maggi-guest ang Asia's Songbird sa concert nina Ogie at Ai-Ai sa dalawang cities sa US. Dahil dito, marami ang naghihinala na posibleng magpakasal sina Ogie at Regine doon. Sa ngayon ay wala pang kumpirmasyon o pagtanggi sa kampo ng dalawang singers tungkol sa kanilang pagpapakasal.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN